Bagong Labtim?

20.7K 1K 236
                                    

salamat sa translator ko na ayaw magpabanggit ng pangalan. haha! 'love you, tsup, tsup!

.

Chapter Twenty-Seven

INIYAKAP ni Jethro ang dalawang braso sa beywang ni Chantal. Matamis ang ngiting lumingon ito at bahagyang pumihit upang ilapat ang bibig sa kanyang mga labi.

"Good morning," bati nito sa kanya.

"Good morning. Ang aga mong nagising."

"I want to watch the sunrise. It's so lovely."

"Oo."

Nasa Pasacao na sila, isang bayan sa Camarines Sur na binubuo ng labinsiyam na baranggay. Hatinggabi na silang nakarating doon. Tagaroon ang namayapang asawa ng tiyo niya na si May Vacion, taal na taga-Balogo. Mababait ang pamilya nito. At kahit hindi naman talaga siya kadugo ay hindi niya naramdamang outsider siya sa tuwing magbabakasyon sila roon. Katulad ng pagturing kay Andeng, ganoon din ang pagtanggap ng mga ito sa kanya.

Pagdating nila ay kaunting kuwentuhan lang ang namagitan sa kanila at ipinahatid sila ng panganay na kapatid ni May Minda na si Pay Abel sa bakanteng kubo ng mga ito. May dalawang silid iyon at maliit na sala at kusina. Dati iyong tirahan ng bunsong anak nito na ngayon ay sa Mindoro na raw naninirahan. Iyon na raw ang gamitin nila para meron silang privacy lalo pa nga at may mga kasama sila.

"Oh, look. What are they doing?" Itinuro ni Chantal ang mga kalalakihang naghihila ng lambat.

"Nangingisda sila. Tara, tumulong tayo sa paghila ng lambat para makahingi tayo ng pang-ulam."

Kahit parang naguguluhan sa sinabi niya ay sumunod ito nang hilahin niya sa kamay patungo sa baybayin. May ilang nakaabang ng mga mamimili roon.

"Jet!"

Nilingon niya ang tumawag. Mabilis na gumuhit ang masayang ngiti sa kanyang mga labi nang makilala iyon.

"Manoy Dison." Pinsan nila ito at panganay na anak ni Pay Abel.

Lulan ang lalaki ng isang maliit na bangkang pangisda. Inihagis niyon ang tali sa baybayin. Na kaagad naman niyang kinuha at hinila sa pampang.

"Kasuarin ka pa?" tanong nito na ang ibig sabihin ay kung kelan pa sila dumating. Tumalon ito sa buhangin at masayang umakap sa kanya at tinapik siya sa likod.

"Kasubago lang. Paaga na." Kanina lang, papaumaga na, ibig sabihin ng sagot niya rito.

"May kairibanan ka bagang mestisa. Agom mo?" May kasama raw siyang mestisa. Asawa niya raw ba ito?

Nakangiti siyang tumango at tila may pagmamalaking ginagap ang kamay ni Chantal.

"Si Chan-chan. Chan-chan, siya si Manoy Dison, pinsan namin."

"Hello po," matamis namang ngumiti ang kanyang nobya at naglahad ng kamay.

Para namang napapahiyang ikinuskos muna ni Manoy Dison ang kamay nito sa likuran ng suot na pantalon bago tinanggap ang pakikipagkamay ng dalaga.

"Kamo lang duwa?" Kayo lang bang dalawa? Ang ibig sabihin ng tanong nito.

"Kaibanan mi sa Andeng tapos si Boogie atsaka may saro pa kaming kairibang bisita. Daraga." Kasama namin sina Andeng at Boogie atsaka may isa pa kaming kasamang bisita. Dalaga.

"Daraga?" Tila nangislap ang mga mata ni Manoy Dison.

Binata pa ito. Kung hindi siya nagkakamali, nasa early forties na ito. Baby face lang kaya hindi masyadong halata ang edad. Na-indespair daw ito sa una't huli nitong nobya na sumama sa isang lalaking mapera kung kaya't hindi na nag-asawa.

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon