Mga Lihim Ng Nakaraan

16.4K 1K 192
                                    

Chapter Fifty-Three

PARANG umiikot pa rin ang ulo ni Jethro sa rebelasyong dala ni Atty. Meredith Zamora. Napailing siya. Sa isip ay itinama niya ang sarili. Ate.

Napangiti siya. Sa kabila ng pagkagulat ay hindi niya maitatanggi ang masarap na pakiramdam ng kaalamang meron siyang kapatid. At may posibilidad daw na meron pang iba. Mahilig daw kasi ang kanilang ama. Sa paraan ng pagkakasabi nito na wala man lang filter, nahimigan niya kaagad na meron itong galit kay Gov. Sonny Villegas. Galit na tila may malalim na pinaghuhugutan. Ganoon ba kasama ang Gobernador?

Hindi siya masyadong aware sa pamamalakad nito sa kanilang lalawigan. Pero naiinis siya kapag nababasa ang nangingibabaw nitong pangalan sa mga proyektong gamit ang pera ng bayan. 

Project by Gov. Sonny Villegas. 

Constructed under the administration of Gov. Sonny Villegas. 

Napapaismid siya sa mga ganoong klase ng pulitiko. Na tila ba laging ipinapangalandakan sa taong-bayan ang mga nagawa nila. Gayong baka nga ni isang sentimo mula sa sarili nilang bulsa ay wala silang naiambag sa mga ipinagawang proyekto. Ultimo sa mga konkretong paso na nagiging basurahan lang naman kalaunan, ang mga halaman hindi naalagaan at hinahayaan lang na matuyot. Mga waiting shed na isang bagyo lang ay wala ng bubong.

At lalayo pa ba siya? Mismong sa bayan nila ay may mga lugar pang hindi naaabot ng kuryente. Na kung iisipin ay sa bayang iyon nanggaling ang kanilang Gobernador.

Marami pa sana siyang tanong sa kapatid. Ngunit kulang ang oras nila para masagot nito ang lahat ng iyon. Kaya naman nangako itong bibisita na lamang upang makapag-usap pa sila. Ilang beses pa nitong minura si Vengeance. At bagaman walang kumpirmasyon mula rito, nahulaan niyang matagal ng magkakilala ang dalawa. Ex-lovers? Malabo siguro. Mukha namang disenteng babae ang kapatid niya. At kung hindi siya nagkakamali, may asawa na ito. Apelyido mismo ng asawa nito ang gamit maski sa sariling propesyon. 

Pero ano nga ba ang meron sa kanilang ama na tila labis itong kinamumuhian ng kanyang kapatid? Hindi iyon basta galit.

Nakatulog siya nang unti-unti ng sumipa ang gamot na ininom niya. Bago umalis ang Ate niya ay tiniyak nitong nakainom siya ng gamot. Mahigpit din nitong ibinilin kay Leandro na hindi na siya puwede pang sumalang sa underground fight kung ayaw nitong magkagulo sila roon. Ganoon ito ka-overprotective sa kanya. At nakakalunod ang emosyong nararamdaman niya na nagpainit sa magkabilang sulok ng kanyang mga mata.

Payapa ang naging tulog ni Jethro sa buong magdamag. Ngunit kung anong himbing ng tulog niya ng nagdaang gabi, paggising naman niya'y talo pa niya ang dinaanan ng sampung pison. Hirap na hirap siyang bumangon nang humudyat na ang pagsisimula ng roll call. At nang nakapila na sila sa labas ng kani-kanyang selda ay tinawag siya ng jail guard at pinapunta sa infirmary. 

Pakiramdam niya ay may bolang bakal na nakakadena sa kanyang magkabilang paa at braso. Hirap na hirap siyang marating ang kinaroroonan ng infirmary dahil bawat hakbang niya ay damang-dama niya ang kirot at bugbog ng buong katawan. Pagbungad niya sa infirmary ay nagulat pa siya nang hindi madatnan doon ang nurse na naka-assign. Sa halip ang naroon ay si Meredith. May baunan ng pagkain sa harapan nito at sa isang maliit na lagayan ay tatlong piraso ng gamot.

"You should eat this before you take your meds," anito bago isinalin sa isang bowl ang umuusok pang sopas.

Naupo siya sa puting monoblock na kaharap nito.

Magsasalita sana siya ngunit inunahan na siya nito.

"Kainin mo na muna 'yan para mainom mo na 'yong pain reliever."

Kahit parang umaatungal ang mga kalamnan niya sa sakit ay dinampot niya ang kutsara at nag-umpisang sumubo. Mabuti na lamang at matibay ang mga ngipin niya, wala kahit isang nalagas. Ganoon pa man ay hirap pa rin siyang ngumuya dahil nananakit ang kanyang panga at leeg. 

The Heiress and the HoodlumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon