Kabanata 1

55 2 0
                                    


"Anak, hindi mo naman kailangang umalis. Dito ka na lang kasama ang mga kapatid mo. Hindi ka ba natatakot sa lugar na pupuntahan mo? Alam naman nating delikado sa Maynila. Paano na lang kung may mangyaring masama sa iyo?" nag-aalalang wika ni mama sa akin habang abala ako sa pag-iimpake ng kaunting damit.

Hindi ko siya tiningnan dahil sa kalagayan niya. Masiyado na siyang maraming sakit na iniinda. May mga kapatid pa akong nag-aaral, at alam ko naman na kulang pa ang kinikita ko rito sa lugar namin bilang labandera. Baka nga pumasok na lang ako bilang katulong o 'di kaya'y labandera na lang din.

"Masaya sa Maynila 'Ma. Maraming tao roon. Tapos sabi pa ng ibang kakilala ko, malaki raw kita roon 'Ma. Magpapadala naman po ako kapag may suweldo agad ako. Tapos ayaw ninyo 'yon? May makakain na kayo? Hindi na tayo mababaon sa utang. Hindi na kayo kakain ng sardinas," pagpapakalma ko kay mama na gustuhin mang tumayo ay hindi niya magawa dahil sa masakit niyang likuran.

"Tatawagan mo naman kami, 'di ba?"

"Oo naman po."

"Kung sakaling ayaw mo na sa Maynila, umuwi ka agad dito, Ada."

"Ma, hindi pa nga ako nakakaalis, tapos pauuwiin ninyo na agad ako? Okay na nga po lahat. Pramis Ma, 'pag dating ko roon, tatawag agad ako. Ipapakita ko sa inyo na maganda ang Maynila, walang lamok. Tapos hindi habal-habal 'yong mga sasakyan doon, magagarang kotse ang sasakyan ko ma. Tapos kapag nakaipon na ako, dadalhin ko po kayo roon," nakangiting saad ko saka tumayo at pinagmasdan ang mga maliliit kong kapatid na nakaupo lang at tahimik na nginunguya ang tinapay na ilang araw na nilang kinakain.

Pinilit kong ngumiti.

Bawal ang sumimangot kasi baka mamaya isipin nila na hindi ako masaya. Magiging okay rin naman kami, alam ko 'yon. Kaya kailangan kong sumugal sa Maynila. Naroon na lahat ng mga kaibigan ko at base sa mga naririnig ko tungkol sa kanila, ay maganda ang kita roon.

"Aalis na ang ate, huwag kayong magpapasaway kay mama. Wala kayong pasalubong kapag ginalit ninyo si mama. Ang kuya ninyo na muna ang mag-aalaga sa inyo."

Bahagya akong tumitig sa dalawa kong kapatid na maliliit pa habang ang sumunod sa akin na si Adrian ay tinanguan ko na lang.

Tanging pagkaway na lang ang ginawa ko at mahigpit na kumapit sa isang lumang maleta na ginamit pa namin limang taon na ang nakakaraan, matapos sumama ni papa sa ibang babae dahil sa sakit ni mama at katandaan ay nagawa ng tatay kong sumama sa mga babaeng halos kasing-edad ko lang. Hindi ko alam kung utang na loob ko ba na dinala niya ako sa mundong nagpapahirap sa amin.

Nahinto lamang ako sa paglalakad nang matanaw ko na ang babaeng nag-alok sa akin na sumama sa Maynila. Nagbakasyon lang siya rito sa lugar namin at ngayon ang araw na babalik na siya ng Maynila bilang manager. Hindi siya nakapagtapos kagaya ko, pero isa siyang manager at napansin ko ngang dahil sa trabaho niya ay umunlad sila ng pamilya niya. Naipagawa ang kubo nila, nabili ang lupa at halos pati negosyo ay meron na rin. Iyon ang pangarap ko noon, at mukhang mangyayari na.

"Ready ka na? Ngumiti ka naman Ada. mula ngayon, sanayin mong ngumiti." Hinampas nito nang mahina ang puwitan ko saka kumindat. "Diyan ka yayaman Ada. Ikaw talaga," naiiling na sabi nito saka hinawakan ang kamay ko.

"Hindi naman illegal 'yong pagdala mo sa akin doon 'di ba?" tanong ko rito na tinawanan niya lang.

"Hindi, ano ka ba! Twenty-two ka na 'di ba? Basta't may ID ka lang tapos ilang dokumento wala naman silang pakialam kung nag-kolehiyo ka eh, 'di ba high school graduate ka naman?"

"Oo."

"Oh, eh, di bongga! At saka, masaya sa Maynila, sigurado akong yayaman ka roon kung madiskarte ka. Sa ngayon, huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano. Hindi naman kita pababayaan doon," huling sabi nito bago ko napagtanto na nakasakay na kami ng barko, palayo sa lugar na halos pagtabuyan kami ng pamilya ko.

An Innocent Courtesan | CompletedKde žijí příběhy. Začni objevovat