Kabanata 8

20 0 0
                                    

Tahimik lang akong kumakain ng tinapay habang nasa daan. Maaga kaming pinauwi dahil malakas ang bagyong paparating, at isa pa ay ang mga tao sa kumpanya ay nasa site nila mula bukas kaya wala naman daw kaming gagawin. Pero bawas sweldo nga lang kami.

Wala akong pasok bukas, hindi ko tuloy alam kung saan ako kukuha ng pera. Sa ilang buwan na pananatili ko rito ay talaga ngang mahirap maghanap ng trabaho at kahit pagiging katulong ay hindi madali. Nang matanaw ko na ang bahay ay napansin ko roon si Leni na nagwawalis, siya 'yong babaeng bihira ko lang makita rito dahil kadalasan ay umuuwi siya sa pamilya niya.

Napalingon ito sa akin at saka ngumiti. Tahimik lang siya pero ang ganda niya, hindi nakakasawang tingnan ang mukha niya, samantalang si Jona maririndi ka dahil sa boses na paulit-ulit.

"Ang aga mo ngayon?" Inilapag nito ang hawak niyang plastik sa lapag.

"Ah, oo nga e. Pati na rin ata bukas," sagot ko saka siya umiling. "Pasok na ako, ah," dugtong ko pa.

Nadatnan ko ang iba sa sala na naglilinis ng mga kuko nila, tipikal lang din ang suot nila at mukhang mamaya pa naman aalis dahil maaga pa, alas-tres pa lang naman. Kumaway ako sa iba na napatingin sa akin at saka nangunot.

"Aga mo today?"

"Omg! Tanggal ka sa trabaho?"

"Cutting 'yan," panggagatong ni Maylene saka tumawa.

"Tanga ka girl? Mukha bang nasa eskwelahan 'yan? Pero 'di nga? Ang aga mo," sabi ni Annie na kinukulot ang buhok.

Naupo ako sa tabi ni Ate Calli na titig na titig sa akin at napataas pa ng kilay.

"Maaga talaga kami pinauwi, bukas papasok ako pero baka sandali lang, half day lang siguro," ngiting pagpapaliwanag ko saka binigyan ng suman si Ate Calli na binili ko kanina.

Agad niya itong kinuha at saka nangislap ang mga mata, natatawa ang iba dahil alam naming paborito niya iyon. Sampung piso na lang kasi ang natitira sa akin kanina, kaya binili ko lang.

"Wala kami?" dugtong ni Annie na inilingan ko.

"Next time na lang kapag may sweldo—"

"Hay naku, kailangan mo ang pera, ipadala mo na lang sa pamilya mo kaysa magbili ka ng kung ano-ano," singit ni Ate Calli habang ngumunguya.

Nagpaalam na ako sa kanilang aakyat na para makapag-asikaso ng sarili, ngunit dumiretso na muna ako sa kusina para maainom ng tubig. Pero agad din akong natigil dahil sa pinag-uusapan nilang lahat.

Tungkol sa akin.

"Kawawa naman si Ada, nakakapagod kaya ang maglinis tapos ayon lang ang sinasahod niya, magkano ulit? Limang libo? Parang hindi naman ata makatao 'yon."

"Wow? Mas makatao ang ginagawa niya kaysa sa atin, ang problema, malinis ang ginagawa niya pero ang sweldo nganga. Samantalang tayo malaking halaga ang nakukuha natin," boses ni Annie, kaya mas lalo akong natigilan sa pag-inom.

Nakakapit lang ako sa baso habang patuloy silang nagtatalo tungkol sa trabaho ay kinikita ko, tungkol sa pamilyang naiwan ko. Wala naman akong dapat na sabihin sa kanila, hindi ko magawang magsalita dahil totoo lahat ang mga sinasabi nila. Na hindi patas. Na kawawa ako sa kapiranggot na nakukuha ko sa malinis na gawain... na hindi dapat ako umasa sa swerte o biyaya dahil ako mismo ang kailangang gumawa non.

"Tutal, wala na rin naman sa atin si Emy, kulang na tayo ng isa sa club, hindi na rin puwedeng magpapasok ng iba dahil baka mamaya mangyari na naman ang nangyari noon, kung hindi ba naman gaga itong si Annie—"

"Malay ko bang hindi mapagkakatiwalaan," bulong ni Annie saka sila nanahimik.

"Maganda si Ada, may igaganda pa nga ang katawan niya kung aalagaan niya. Puwede naman natin siyang ipasok diba? Pang waitress lang gano'n," sabi ni Maylene na pabulong pa dahil mahina ito kumpara kanina.

"Puwede naman, kaso nga lang wala tayong tiwala sa mga lalaking pumupunta roon, paano kung bigla siyang hilahin? O diba? At saka walang alam si Ada sa mga gano'ng bagay, alam mo namang iyon ang mga mabilis mabuntis," sabat ni Annie na para bang sila lang ang tao sa sala.

Marami sila roon at hindi ko naririnig ang mga sinasabi nila kung meron man.

"Ewan ko ba, puwede naman niyang lapitan si tita, e, close naman sila. Kapag nakapagtrabaho na siya sa atin, hindi na siya mamomroblema sa pera, marurumihan nga lang siya. At isa pa, hindi na niya iisiping marumi siya basta may mapakain niya ang pamilya niya sa probinsya. Kaysa naman sa magpakalinis ka kung unti-unti namang pinapatay ang pamilya mo sa gutom. Wala lang din," mahabang anas ni Maylene na para bang sinampal ako ng katotohanan.

Hindi ko maiwasang pigilan ang luha kong patuloy lang sa pagbagsak. Dali-dali akong uminom ng tubig at umakyat sa kwarto. Kumuha agad ako ng damit at nanatili na lang sa banyo.

Bakit ba parang apektado ako?

Bakit parang ang linis ng tingin ko sa sarili ko pero wala namang patutunguhan? Samantalang sila, sila na marurumi ang ginagawa ay nakapagpundar na ng maraming bagay. Dahil ba sarili naman nila ang binababoy nila? Dahil ba wala silang natatapakang kahit na sino?

Mas lalo akong naguluhan. Ni hindi ko alam kung saan ako babagay dahil parehas na tama, at parehas na may mali. May punto sila, pero paano ako na natatakot sumubok ng gano'n? Wala akong sapat na kaalaman tungkol sa ginagawa nila.

Naligo na lang ako para mahimasmasan. Pinilit kong alisin ang mga narinig ko sa aking isip para naman makausap ko sila nang maayos. Nang makalabas ako ng banyo ay nadatnan ko agad si Jona na tinatalian ang sariling buhok, napanguso pa ito sa akin habang titig na titig sa aking mukha.

"Saan ka pupunta?" tanong ko dahil mukhang nakapanlakad na damit siya.

"Papasyal, boring, e. Sama ka? O kaya sa mall, may bibilhin kasi ako. Sama ka na sa akin, para naman hindi ka mabaliw dito," sabi nito sa aking natatawa habang pinapatuyo ko ang buhok gamit ang tuwalya.

"Sige. Hindi pa rin kasi ako nakakapunta sa mga mall, e," sabi ko na nilakihan niya ng mata.

"Weh? Talaga? Grabe naman 'yan."

"Oo e."

Nangunot ito saka sinuklayan ang buhok niya, kinuha niya ang madalas niyang ginagamit saka kinuha ang tuwalya ko.

"Gamitan na lang natin ng blower para mabilis matuyo, talikod ka sa akin," utos nito na sinunod ko naman.

Tahimik lang ako habang pinapanood ang ginagawan niya sa salamin, kitang-kita ko ang sarili kong mukha, ang mahaba kong buhok na itim na hanggang dibdib ko, ang namumula kung labi at namumutlang balat. May kasingkitan din ako at maliit na ilong ngunit matangos.

Hindi ko rin naman itatangging may laban ako pagdating sa mukha at katawan. Pero mahina ang loob ko, hindi ako gano'ng katapang. Hanggang kaya ko pa naman, baka tumuloy pa rin ako sa paglilinis ng dumi. Pipilitin kong mapakain ang pamilya ko ng tatlong beses sa isang araw.

Pero sa trabahong ito, hindi ako mangangakong maiaahon ko sila sa kahirapan. Hangga't kaya kong maging malinis, pipilitin kong hindi magaya sa kanila.

An Innocent Courtesan | CompletedWhere stories live. Discover now