Kabanata 36

13 0 0
                                    

"Sabihin mo nga sa akin Ada, bakit sa lahat pa ng trabaho iyon ang pinasok mo? May pinag-aralan ka naman, nakapagtapos ka ng hayskul at matalino ka! Bakit ka humantong sa ganiyang karuming trabaho!"

Hindi ko alam kung bakit sa dami rami ng naririnig ko ay iyon ang madalas pumasok sa aking tenga. Para akong paulit-ulit na sinasampal ng gano'ng salita na mula pa sa sarili kong ina. Ilang beses naman akong nag-isip, ilang beses akong nag-tiis sa marangal kong trabaho noon pero napuno ako, e. Nasaktan ako sa mga sinasabi ng iba roon kaya nilunok ko ang mga sinabi ko. Pumasok ako roon kahit natatakot ako.

Sana bago man lang ako sinampal at hinusgahan, tinanong muna sana ako kung gusto ko ba ang mga nangyayari. Kung maayos lang ang kalagayan ko.

"Sakto miss, umabot ka. Kaso rito ka na lang sa ibaba," sabi ni manong na inalalayan ako sa pagsakay sa barko na hindi naman kalakihan.

Halos punuan na, sa ibaba pa lang at nakaupo na ang iba kaya hindi na rin kasya. Nakiusap naman ako na sumabay na lang at kahit doblehin na lang ang bayad makaalis lang dito.

"Okay lang po," sagot ko saka diretsong naupo sa gilid din saka sumigaw ang lalaki.

Ramdam na ramdam ko ang paggalaw ng barko, ngunit mas ramdam ko ang basang damit ko na halos matuyo na sa aking katawan, hindi ko alam kung nananadya ba ang panahon dahil sa lakas ng ulan kanina, ang mga gamit ko na siguradong basa na pati ang aking selpon ay ayaw nang gumana.

Nanatili na lang akong sumandal at pinatong ang ulo sa maleta. Hinayaan ko na lang sinag ng araw na matuyuan ako habang mahinang tumawa nang maalala ko na naman ang mga plano namin ni mama noon ay plano ko para sa kanila.

Pangarap talaga namin ang pumunta ng Maynila, sabi kasi ng iba maganda roon at pakiramdam mo ay para ka nang nakapunta sa ibang bansa dahil suwertihan lang sa Maynila. Pangarap namin na mamasyal at magkaroon ng malaking bahay sa Maynila, roon mag-aaral ng kolehiyo at sasakay sa eroplano. Iyon pa rin naman ang plano ko mula nang makatuntong ako roon. Walang namilit sa akin, ako ang kusang tumanggap ng trabaho bilang janitress at choice ko iyon.

Pero siyempre, hindi naman lahat kakampi sa akin, siguro suwertihan lang kung may maniwala, pero totoo pala na kung sino ang mas edukada siya ang paniniwalaan kahit pa mali ang mga pinaparatang sa 'yo. Umalis ako at kusang lumapit kay Ate Calli para tanggapin ang trabahong meron siya.

Nakakatawa lang dahil sila pa ang nagsabing huwag ko pasukin ang trabahong iyon. Nakalimutan kong kaya pala nandito ako sa Maynila para mapag-aral ang mga kapatid ko, ang makapaglakad si mama, magpagawa ng bagay, magkaroon ng negosyo, ipasyal sa magandang lugar at kapag nakapag-ipon na, titigil na ako. Babalik na ako sa probinsya na may naibigay na.

Pero ito ako ngayon, pabalik sa Maynila kasi itinaboy na.

Naalimpungatan ako dahil sa isang pagtapik sa gilid ng balikat ko. Isang bata lang pala na mukhang kanina pa ako nilalaro dahil magulo ang buhok ko. Agad akong napatingin sa paligid, ang iba ay naghahanda na dahil kahit ako ay natatanaw na ang pier, inayos ko na ang aking sarili at ramdam ang pagkirot ng ulo.

Nang magsimula na ang maglabasan ay binilisan ko na ang lakad ko, gabing-gabi na kaya baka wala akong maabutan na sasakyan. Minabuti kong pumunta agad sa terminal ng mga jeep dahil dalawang sakay lang naman mula rito ang papunta kina Gab. Baka sa kaniya muna ako ngayon, ayokong tumuloy sa bahay ni Ate Calli dahil alam kong marami na naman silang tanong, baka magalit pa sila sa nanay ko.

At least kay Gab, makikinig siya. Pakikinggan niya ako.

Matapos ang mahigit isang oras ay nakarating na rin ako sa tapat ng building niya. Hindi ko nga lang alam kung papapasukin ako dahil hindi ko naman alam ang sasabihin sa guard, sa itsura kong ito, hindi siya naniniwala na may kakilala ako rito.

"Miss?" Itinutok nito sa akin ang flashlight dahilan para ako napapikit. "May kailangan ka ba rito?"

"A-Ano po kasi manong, dito po nakatira 'yong k-kaibigan ko—"

"Alam niya po bang darating kayo?" tanong nito na inilingan ko. "Sino po ba ang kaibigan ninyo rito? Baka matulungan ka namin, hindi kasi nagpapapasok dito kalag walang sinabi ang owner."

Tumango lang ako saka lumingon sa parking lot. Wala pa ata siya.

"Gabriel Andrada po," sagot ko saka siya tumango at nagpaalam na umalis.

Naghintay na lang ako ngunit hindi pa siya nakakabalik dahil may mga kumausap sa kaniya kaya dumiretso muna ako sa parking lot, sa tabi mismo ng puwesto ng sasakyan ni Gab ako naupo, para naman kung sakaling dumating man siya ay mapansin niya agad ako.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lang akong nilamig, ilang beses na rin akong napapabahing at hindi ko alam kung saan puwedeng magpalit ng damit dahil pati gamit ko basa rin. Nanatili akong nakasandal sa maleta at pilit na inalis ang utak sa mga nangyari kanina, mahina kasi ang loob ko, bigla bigla na lang akong naiiyak kapag naiisip sila.

Paano na sila? Ayoko naman na tumigil sila sa pag-aaral. Ayokong magaya sila sa akin. Ayokong masira ang kinabukasan nila.

Hindi pa man din ako nakakatagal sa inuupoan ko ay isang nakakasilaw na ilaw agad ang tumama sa aking paningin, napapikit pa ako dahil sa sobrang liwanag ngunit agad ding namatay iyon kaya sinulit ko iyon para maikusot ang mata.

"A-Ada?"

Gusto kong ngumiti nang marinig ko ang boses niya, pero ayokong maging katawa-tawa kung ngingiti ako pero namamaga ang mga mata.

"Anong ginagawa mo rito? I thought you were in—"

Umiling ako at ngumiti, ngunit sadyang epal ang mata ko, nagawa nitong maglabas ng luha sa harap mismo ni Gab. Hindi ko siya magawang yakapin at lapitan man lang, nahihiya ako, siya na lang lagi ang nilalapitan ko sa tuwing naaagrabyado, pakiramdam ko nagtitiis lang siya, kasi gano'n ang iba sa akin. Naaawa sila.

"A-Ayoko na roon G-Gab," bulong ko at nagsimula nang humagulgol.

Wala siyang salitang inilabas. Wala siyang sinabing okay lang 'yan. Isang yakap ang binigay niya sa akin at ang paghalik nito sa akong noo.

An Innocent Courtesan | CompletedWhere stories live. Discover now