Kabanata 46

17 1 0
                                    

Ngayon ang araw ng kanilang pag-uwi, pero mula kanina pang umaga ay hindi pa ako nakakatanggap ng tawag mula kay Gab, kahit text man lang ay wala rin, wala naman akong dapat na ipag-alala dahil alam kong nasa mabuting kalagayan siya, kasama niya ang kaniyang mag-ina.

Kahit pa sobrang sakit ng katawan ko ay nagawa kong magtrabaho ngayong gabi, ngayon na lang kasi ako nakakaipon ulit matapos kong iwan kina mama ang ilang perang natatabi ko. Dahil nasa counter lang naman ako kasama si Tonet ay kahit papaano ay nakapagpahinga ang aking likuran, ako lang ang taga-bigay ng mga order sa ilang mga waitress.

"Kanina ka pa tumitingin sa phone mo, wala namang nangyayari," bulong ni Tonet na nakahiga ang pisngi sa kaniyang kamay.

Ngumiti lang ako saka muling tiningnan ang oras. Madaling araw na, sigurado akong nandito na sila, o baka kanina pa sila nakarating.

"Baka nag-aasikaso pa siya ng sarili niya, o kaya natutulog na," depensa ko ngunit umiling lang ito.

"Okay, sabi mo, e. Ay teka! Tinatawagan mo ba?"

Umiling ako.

"Naku! Kaya pala! Ikaw kasi ang tumawag, kung hindi niya kaya, ikaw na lang ang gumawa," sabi nito sa akin.

Ilang beses ko ng ginawa. Ilang beses na rin akong nag-iwan ng message sa kaniya pero wala man lang reply, minsan kasi kapag gano'n, sinasabi niya agad sa akin na abala siya sa trabaho at bumabawi kinabukasan. Pero ngayon wala, as in wala.

"Sige, tawag lang ako sa labas," pagpapaalam ko na tinanguan niya agad.

Lumabas agad ako sa napaka-ingay na lugar na iyon, kung noon ay halos sobrang saya ko sa trabaho dahil naroon ang mga kaibigan ko, ngayon naman ay parang gusto ko na lang laging umuwi. Nagbakasakali akong tawagan ulit siya pero hindi talaga nag-ri-ring, gusto ko naman sana kausapin si Jack dahil nasa akin ang kaniyang numero pero nakakahiya dahil madaling araw na, alas-kwatro na ng umaga.

"Sagutin mo naman Gab," bulong ko at napasapo na lang sa aking noo.

Nang hindi talaga siya sumagot ay lumakad na ako pabalik sa loob. Ngunit agad din akong nahinto, dahil mas naka-isip ako ng paraan na hindi ko alam kung tama bang gawin. Nanatili ako sa kinatatayuan ko ng ilang minuto bago magpasiyang hindi bumalik sa loob at saka lumakad palayo sa club. Maliwanag naman sa kalsada kaya hindi ko kailangang matakot, nilalamig lang ako dahil sa sobrang nipis ng aking suot na hanggang hita ko. Gusto ko man sumakay ng taxi ay hindi ko naman dala ang aking pera, kaya mas pinili kong maglakad at magbakasakaling makita ang kotse ni Rafael.

Tuwing madaling araw ay madalas siyang naroon sa club at ngayon lang siya wala, sana naman makita ko siya ngayon para makapunta ako sa mismong condo ni Gab. Wala pa namang jeep ngayon at iilang sasakyan lang ang dumaraan ngayon.

Agad akong huminto at sandaling tinitigan ang selpon ko.

"Bahala na nga," bulong ko saka kinontak si Rafael.

Hindi rin nagtagal ay sinagot niya rin iyon kaya hindi ko maiwasang matuwa. "Raf?"

[Ada? Where are you? Kanina ka pa hinahanap dito,] sabi nito kaya agad akong nagtaka.

Rinig ko ang ingay ng malakas na tugtog kaya alam kong nasa club siya. Pero hindi ko siya napansin kanina roon. Mas lalo lang din ako kinabahan dahil hindi pala ako nagpaalam na aalis ako, at mamayang ala-singko na ang uwi namin. Baka mamaya kung anong isipin nila Ate Calli, pero alam kong pagtatakpan naman ako nila Maylene kung sakaling magtanong si Ate Calli.

"Ah, puwede mo ba akong puntahan dito sa mismong coffee shop? Sa bungad mismo, nandito lang ako, may kailangan kasi akong puntahan, e."

[Sure, diyan ka lang.]

An Innocent Courtesan | CompletedDonde viven las historias. Descúbrelo ahora