Kabanata 2

32 1 0
                                    

Kinabukasan ay hindi na ako makapaghintay lalo na't unang araw ko sa paghahanap ng trabaho, iilan lang naman ang papeles na dadalhin ko dahil hindi naman ako 'yong tipong nakapagkolehiyo. Nakatapis lamang ako ng tuwalya dahil kanina pa tinititigan ni Jona ang katawan ko. Kailangan daw kasi, kahit sa pananamit ay ma-impress ko sila.

"High school graduate lang ako, Jona, 'di naman ako tatanggapin sa mga matataas na posisyon kahit maganda ang ipa-suot mo sa akin," bulong ko habang abala siya sa pagkuha ng damit sa sulok ng kaniyang kabinet.

"Kahit na. At saka, rito sa Maynila, madaya rito. Minsan, kung sino pa ang mga magaganda o mapipera sila pa ang nabibigyan ng magandang oportunidad, hindi mo naman kailangan magbanal-banalan dito, Ada. Kailangan mo ng diskarte kung gusto mong mabuhay," mahabang litanya nito saka bumaling sa akin at ngiting idinikit sa aking katawan ang damit na iyon. "Ito na lang!"

Napasilip tuloy ako sa damit na tinutukoy niya, maganda naman 'yon kung tutuusin, kulay pula ang polo na long sleeves at itim na fitted na paldang itim na mukhang pang-opisina. Nagtataka man sa binigay niya ay sinuot ko na lang iyon dahil wala naman akong gamit. Nakakailang nga lang dahil kita ang hita ko at medyo masikip sa akin ang damit. Itinali ko na lang ng ponytail ang buhok ko para naman maayos ako tingnan, morena lang ako pero makinis naman ang balat ko at isa raw 'yon sa mga kailangan kapag maghahanap ng trabaho.

"Pero huwag kang aasa, Ada, a? Naging katulad mo rin naman ako, kaso walang tumanggap sa akin kaya kay tita ako bumagsak, so, tara na?" nakangiting alok nito sa akin kaya lumabas na ako ng kwarto dala ang brown envelope.

Tahimik ang buong bahay dahil ang iba ay tulog dahil sa trabaho nila na hindi ko pa rin natatanong, ang alam ko lang ay kasamahan nila si Ate Calli na nagpatira sa akin dito at kung umuwi ang iba ay halos lasing at pagod.

"Dapat, maging pamilyar ka sa mga lugar dito, kasi delikado talaga, may mga taong hindi mapagkakatiwalaan, may iba naman na hindi ka sure kung tao o ano. Tapos galing ka pa sa probinsya, kaya nga hangga't maaari, e, sasamahan kita hanggang sa masanay ka na rito," mahabang litanya na naman sa akin at hindi ko alam kung anong dapat na isagot.

Gano'n din naman ang sinasabi ni Ate Calli, sa akin noon. Pero hindi ko na lang pinapansin dahil hindi ko naman inisip na makakapunta ako rito.

Sa jeep na sinakyan namin ay sinadyang kunin ni Jona, ang envelope para ipatong sa aking hita. nangunot na lang ako pero hindi iyon pinansin, ngunit nakita kong masama ang tingin ni Jona sa lalaking malapit sa akin sa kabilang upuan, doon ko lang nakita ang lalaking titig na titig sa hita ng babae na malapit lang din sa akin na abala sa pagtingin sa selpon niya.

Napapitlag na lang ako dahil sa agad niyang pagtingin sa akin at saka ngumiti. Mukhang pamilyado na ang itsura niya, ngingitian ko saka ito nang huminto ang jeep at saka hinawakan ni Jona ang kamay ko.

"Una ka na," utos nito sa akin kaya yumuko agad ako para makababa.

Bumungad sa akin ang tabi-tabing mga gusali na halos singkitan ko na ang aking mata dahil sa sobrang taas. Maraming mga taong naglalakad at nakaayos ang mga damit nila gaya ng akin. Pakiramdam ko ay isa rin akong empleyado. Pangarap ko talaga ang makapagtrabaho sa ganitong kagandang lugar ang kaso lang ay hindi naman gano'n kataas ang pinag-aralan ko.

"Simulan natin dito." Turo niya sa gawing kanan kaya ko siya sinundan.

Halos hindi ako makahiwalay kay Jona dahil baka mamaya ay maligaw ako lalo na't ang dami kong nakakasalubong. Bahagya pa akong natatapilok dahil sa suot kong pulang sandals, na ngayon ko lang din nasuot. Mabuti na lang at natigil kami dahil sa isang guwardiya na humarang sa amin.

"Saan punta ninyo?"

"Mag-a-apply po ng trabaho 'yong kaibigan ko, Sir." Kinuha ni Jona ang envelope ko saka binigay sa lalaking katapat namin na tiningnan ang kabuoan ko saka sumulyap sa papel.

An Innocent Courtesan | CompletedWhere stories live. Discover now