Kabanata 5

32 1 0
                                    

Halos kalahating buwan din ang lumipas, normal naman ang mga nangyari. Medyo kilala na rin ako ng mga taong nasa mataas na floor dahil doon ako nagtatrabaho, kaya mas malaki ang tyansa na madalas nila akong utusan na hindi naman masyadong nadadamay ang trabaho ko. Naging mabait naman sa akin ang iba, 'yon nga lang ay grabe naman magsalita ang ibang mga babae roon kapag nagkakamali ako o 'di kaya'y naguguluhan.
Buti pa 'yong mga lalaki, mababait sa akin, parang salungat sa mga sinasabi nila Jona.

Napangiti na lang ako nang maibigay ko na ang kape sa mga kaibigan ni Ma'am Alora, ako na rin kasi ang madalas na utusan ni Ma'am Alora, at siya pa ang nagtatanggol sa akin, sobrang bait niya at minsan ay nagkukwento pa siya tungkol sa kaniyang buhay.

"Salamat, Ada, kumain ka na rin," ngiting sabi nito na tinanguan ko.

"Sige po. Una na po ako, sir," pagpapaalam ko saka umalis sa harapan nila.

Marami kasi ang nag-over time dahil may mga meeting pa sila, hindi ko naman na kabisado ang mga ginagawa nila kasi pumupunta lang ako roon kapag tinatawag o 'di kaya'y kapag maglilinis. Nakangiting bumaba na lang ako dahil ngayon ang araw ng una kong suweldo. Paniguradong matutuwa nito si mama kapag nalaman niya na suweldo ko na ngayon at may maipapadala na ako sa kanila.

Naaawa na ako sa kapatid kong si Adrian, dahil ayaw niyang iwanan ang pangangalakal niya at ang pagtitinda ng balut sa gabi, nag-aalala na ako sa mga kapatid kong maliliit. Mas kailangan ko pang pag-igihin dahil mag-aaral na ang isa kong kapatid, kailangan ko ring makumbinsi si Adrian na bumalik ng pag-aaral dahil kolehiyo na sana siya pero mas pinili niyang tumigil.

Bakit naman sobrang malas namin? Wala man lang dumarating swerte sa buhay ko.

Alas-dyes na ng gabi kaya kaunti na lang ang tao rito sa ibaba, dumiretso agad ako sa opisina ng head namin at kasalukuyan kong nakita ang ibang mga kasamahan ko na may hawak ng brown na envelope na kasya roon ang pera.

"Sanchez ka 'di ba? Punta ka na sa loob," sabi ng madalas kong kasama kaya ako sumunod.

Bukas naman ang pinto kaya pumasok agad ako. Napatingin agad sa akin ang isang matandang babae na inurong ang nag-iisang envelope sa mesa niya na agad kong kinuha.

"Salamat po Ma'am," ngiting sabi ko na tinanguan niya lang dahil abala siya sa pagsusulat ng kung ano.

Hindi maaalis ang ngiti ko sa natanggap ko, parang milyon ang hawak ko kahit pa manipis ang aking laman non. Ang iba ay nagsipag-alisan na para umuwi kaya dumiretso ako sa parking lot kung saan ang puwesto namin. Hindi ko na nakita si Ally, dahil paniguradong nasa ospital iyon, sinugod kasi sa ospital ang kapatid niya kaya gano'n.

"Kuya Noel? Mauuna na po ako," pagpapaalam ko kaya ito napalingon sa akin.

"Mag-iingat ija, sa daan. Magpahinga agad," nakangiting sabi nito kaya ako umalis na.

Halos karamihan sa mga kasamahan ko ay pamilyado na, kaya gano'n na lang ang pagpapaalala nila sa amin na laging mag-iingat sa daan lalo na't babae kami. Bago ako tuluyang lumabas sa parking lot na iyon ay muli kong sinilip ang maliit na envelope na iyon. Ngunit unti-unting nawala ang ngiti ko nang makita ko iyon, ibinalik ko rin naman dahil alam kong bawal sumimangot sa nakuhang grasya.

"Limang libo," bulong ko matapos iyon bilangin.

Gustuhin ko mang manlumo ay hindi puwede dahil gano'n lang ang suweldo ng mga gaya ko. Malaking tulong na sa akin iyon pero ayokong lokohin ang sarili ko dahil hindi iyon kasya para sa pamilya ko. Sobrang daming utang ang kailangang bayaran sa tindahan, mga gamot ni mama, pagkain nila, bayad sa pang-upa, at sa iba pang gastusin. Kahit saan ko tingnan, kulang pa rin.

"De bale na, baka sa susunod malaki na 'to," ngiting sabi ko saka nagpatuloy sa paglalakad.

Sa kahabaan ng kalyeng madalas kong daanan ay natatanaw ko na naman ang isang paboritong kainan ng lahat na hindi ko man lang naranasang puntahan. Ang Jollibee na halos puno lagi ang loob nito at kitang-kita kung gaano kasaya ang mga tao roon. Sobrang hirap ko naman para hindi makakain sa lugar na 'yon.

An Innocent Courtesan | CompletedWhere stories live. Discover now