[7] HIDE AND SEEK

513K 9.6K 1.8K
                                    


Bumaba ng patrol car si Alex hawak ang isang sumbrero. Nakabihis siya kinagawiang kasuotan kapag nag-iimbestiga. Puting hapit na panloob na T-shirt, brown leather jacket, hapit na itim na maong na pantalon at flat leather boots. Hinawi niya mula sa balikat ang nakatirintas na mahabang buhok at isinuot ang hawak na sumbrero. Kinuha ang aviator sunglasses na nakasabit sa harapang bulsa ng kanyang jacket at isinuot.

Tumingala siya upang tingnan ang kabuuan ng higanteng gusaling pupuntahan. Nalulula siya sa nakikita. Ganito ba talaga kayaman ang boyfriend niya? Paulit-ulit siyang umiling at kumurap nang mapagtantong iniisip niya si Blake. Dapat niyang pansamantalang burahin sa utak ang kasintahan, mas lalo lang siyang kinakabahan kapag naiisip ang pangalan nito.

"Kaya mo yan, Alex!" pampatibay-loob na sambit niya sa sarili sabay suntok sa dibdib.

Tumawid siya sa kalsada at lakas-loob na naglakad patungo sa entrance ng Golden Pacific Oil. Saglit muna siyang napaatras at tumalikod. Napahawak sa dibdib habang paulit-ulit na humihinga ng malalim. Tila sasabog ang dibdib niya sa sobrang kaba.

"Kaya mo yan. Huwag ka lang magpapahuli Alex," paalala niya sa sarili.

Ibinaba niya pa lalo ang harapan ng suot na sumbrero at saka muling naglakas-loob na pumasok ng gusali. Tinitigan siya mula ulo hanggang paa ng mga guwardiya. Hindi agad siya pinapasok.

" Mukhang hindi ka empleyado dito. Saang floor ka pupunta?"

Bumunot siya sa likurang bulsa ng pantalon. Inilabas ang kanyang tsapa. "Nandito ako para mag-imbestiga tungkol sa namatay na empleyadong si Divine Hillary Francisco. Anong floor ang Marketing Department?" kunway taas noong sabii niya habang nanalanging huwag gumaralgal ang boses.

Nagbago agad ang tono ng mga guwardiya pagkakita sa tsapa. "Pasok ho kayo Ma'am. Sa 15th floor ho. Paglabas niyo ng elevator, kanan ho kayo."

Naglakad siya sa lobby nang walang lingon-lingon. Nilakihan niya ang mga hakbang habang diretso lamang ang mga mata sa kinaroroonan ng elevator. Napapatingin sa kanya ang mga kasabay sa paghihintay ng elevator. Siya nga lang naman ang kakaiba ang porma kumapara sa mga nakapormal na mga empleyada.

"Ang cool ng porma niya," dinig niyang bulong.

"Cool pag sa labas, pero kung ganitong lugar ang pupuntahan mo hindi bagay. Pagtitinginan ka dahil halatang outsider ka," ani ng babaeng nakatingin sa kanya nang nakataas ang kilay.

Hindi niya inintindi ang mga narinig. Pagbukas ng elevator,pinauna niyang pumasok ang ibang mga naghihintay. Eksaktong pagpasok niya, natanaw niya sina Blake at Debbie sa lobby. Papalapit sa elevator.

"Si Sir Blake!" bulalas ng isa sa mga babaeng empleyado.

"Oo nga! Sana sumabay siya dito sa atin." kinikilig na wika ng isa pang babae.

Natatarantang isinara agad ni Alex ang elevator. Habang sumasarado ang pinto, napatingin si Blake. Dali-dali siyang yumuko.

"Hay ano ba yan isinara agad!" reklamo ng babaeng may hindi magandang komento sa pananamit niya.

"Sayang. Pero ang alam ko hindi naman nakikisabay sa elevator sa mga empleyado yan si Sir Blake," bigkas naman ng babaeng nagsasabing cool siya.

"Pasensiya na. Nagmamadali kasi ak,." paliwanag niya sa mga dismayadong kasakay.

Umirap sa kanya ang mataray na babae.

"Okay lang, miss," nakangiting sagot naman ng isa.

Bumaba siya sa 15th floor. Lumabas din ang dalawang babae. Pinauna niya ang mga ito sa paglalakad at nalamang patungo din ang dalawa sa opisina ng departamentong pupuntahan niya.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon