[24] Bad Rescue

428K 7.9K 4.5K
                                    

                                             

                                                                  *****

Malapit ng lumubog ang araw nang marating ni Alex ang lugar na pinagdalhan ng suspect kay Aling Cresencia. Isa itong luma ngunit hindi tapos na abandonadong gusaling may apat na palapag. Katabi nito ay isang bakanteng lote na tinutubuan na ng mga talahib at kahilera nito ay mga malalaking warehouse at pagawaan na pawang may matataas na mga pader.

Mga isandaang metro ang layo ng abandonadong gusali mula sa isang malawak at sementadong kalsadang hindi gaanong dinadaanan ng mga sasakyan. Maraming nakatambak at nakaharang na mga kinakalawang na bakal sa bukana ng lugar na maaring siyang dahilan kung bakit walang nagkakainteres na magtresspass dito.

Pinili ni Alex na dumaan sa talahiban ng bakanteng lote upang sa likurang bahagi siya ng gusali pumasok. Tahimik ang buong lugar at  wala rin siyang makitang ni isa mang tao sa paligid. Dahan-dahan at walang ingay siyang umakyat sa hagdan habang nakikiramdam sa anumang pagkaluskos na maririnig. Nakahanda siya kung sakaling may aatake sa kanyang mga nagtatagong kalaban. Wala siyang hawak na baril subalit merong kwarenta y singkong nakasuksok sa kanyang likuran at isa sa loob ng bulsa ng suot niyang leather jacket na kayang-kaya niyang sabay na bunutin nang mabilisan.

Hindi sa kanya sinabi kung saang parte ng gusali sila magkikita kaya't iniisa-isa niya ang bawat palapag. Maingat niyang tinitingnan ang bawat sulok nito ngunit sinisiguradong meron siyang poste o dingding na mapagkukublihan. Wala siyang natagpuan sa unang tatlong palapag ngunit nang nasa kalagitnaan na siya ng hagdan paakyat sa pang-apat, nakarinig siya ng mahihinang ingay at kahit ang mga malalalim na paghinga ng mga taong naroroon ay nasasagip ng matatalas niyang mga tenga.

"Diretso lang Officer Valdemor."

Kung matalas ang pandinig niya, ganun din pala kagaling makiramdam ang suspect. Naalala niya ang nasaksihang pagtakas ng lalaki nang gabing tinakot nito si Sophia. Maaring hindi pangkaraniwan ang kakayahan nito sa pakikipaglaban kaya't kailangan niyang maging alerto. Maingat siyang naglakad papaakyat at pagdating niya sa nasabing palapag, inabutan niya doong kalmadong nakatayo ang suspect habang tinitingnan ang dahan-dahan niyang paglapit. Nakasumbrero ito at nakatalikod sa liwanag kung kaya't hindi niya gaanong nasisilayan ang mukha nito.

Walang dingding at dibisyon ang nasabing palapag, tanging sementadong bubong, sahig at ilang mga poste lamang ang meron dito. Nakapwesto ang lalaki malapit sa hangganan ng sahig sa bandang dulo mula sa hagdan. At sa harap nito ay nakaupo naman si Aling Cresencia sa isang silya habang nakagapos patungo sa likuran ang mga kamay at may takip na tape ang bibig. Walang armas na nakatutok sa matandang babae subalit kita niya ang nakasiksik na baril sa tagiliran ng lalaki na maaaring bunutin nito anumang oras. Tumingin siya kay Aling Cresencia, kitang-kita sa mga mata nito ang takot at pag-aalala.

"Hanggang diyan ka lang!" sigaw nito nang nasa kalagitnaan na siya ng palapag.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon