[28] The Unlikely Encounter

424K 8.3K 2.7K
                                    

                                                                   

                                                                              ****

Tahimik na nakaupo si Debbie sa mesa ng isang mamahaling restaurant sa Tagaytay. Nakapwesto ang mesa sa labas kung saan kitang-kita ang magandang tanawin ng Taal Lake. Malamig at mahangin ang lugar. Naglabas siya ng bandana mula sa handbag at ipinulupot ito sa leeg at balikat habang humahapyaw sa kanyang pisngi ang malamig na simoy ng hangin.

Tumingala siya at pinagmasdan ang payapang kalangitan. Puno ito ng mga bituin at medyo may kabilugan rin ang buwan. Huminga siya ng malalim at pagkuwa'y dinampot sa mesa ang isang basong tubig at uminom. Ibinalik niya sa mesa ang baso at tumingin sa direksyon ni Blake.

Nakatayo ang binata sa pinakatahimik na parte ng restaurant habang may kausap sa cellphone. Lumilingon-lingon ito sa kanya na para bang nagpapahiwatig ng paghingi ng despensa sapagkat medyo may katagalan na ito sa pakikipag-usap. Gumanti siya ng ngiti upang ipahatid ditong nauunawan niya dahil alam naman niyang may kinalaman sa trabaho ang tawag.

Hinigpitan niya ang pagkakapulupot ng scarf sa katawan at hiningahaan ang kanyang mga palad. Nararamdaman niya na ang lamig ng paligid. Tumayo siya at naglakad papalapit sa bakal na railings na siyang nagsisilbing harang sa patalampas na landscape ng restaurant. Tahimik niyang pinagmasdan ang magandang tanawin ng lawa at bulkan. Bagama't gabi na, naaaninag pa rin ito dahil sa liwanag na nagmumula sa bilog na buwan.

Nitong hapon lamang ay binisita siya sa bahay ni Blake nang walang pasabi. Balak niya sana itong pagtaguan subalit hindi niya rin ito natiis. Gaya ng inaasahan at alam niyang siya ring dahilan kung bakit walang tigil ito sa pagtawag sa kanyang cellphone, humingi agad ito ng tawad sa nagawang pagkakamali dahil sa kalasingan.

Hindi pa man nagtatagal ang binata sa apartment niya ay nagyaya na itong lumabas. Tinanggihan niya ang unang imbitasyon nito sapagkat bukod sa paghingi ng tawad, kutob niyang may iba pa itong dahilan sa pakikipagkita sa kanya. Natakot siyang baka may isang bagay pa itong ungkatin at naduduwag siyang pag-usapan ito.

Subalit hindi agad umalis sa kanyang apartment si Blake. Sa pananatili doon ng lalaki, naging masayahin ito at hindi niya nakitaan ng anumang pahiwatig na gusto nitong pag-usapan ang tungkol sa ipinagtapat niya. Walang pagbabago at natural pa rin ang pakikitungo nito sa kanya na para bang hindi nito naalalang may malaking bagay siyang inamin.

Nang malapit ng sumapit ang gabi ay muli siya nitong inimbitahang lumabas. Hindi na siya tumanggi sapagkat medyo naging panatag na ang kalooban niya. Pinagsuot siya nito ng makapal na damit para huwag daw siyang lamigin. Sumunod naman siya nang wala ng tanong-tanong pa at nang nagmamaneho na nga ang lalaki, nagtaka na lamang siya nang tinatahak na nila ang daan papalabas ng Metro Manila. Mas lalo siyang nagulat nang basta-basta na lamang siya nito dinala sa Tagaytay at tumigil nga ito sa pagmamaneho nang nasa tapat na sila ng isang eleganteng restaurant.

Ilang saglit siyang napatanga nang pinasok nila ang magandang restaurant, hindi niya maikakaila kung gaano siya nasorpresa sa ginawa ng lalaki. At habang inaalalayan siya nito papasok, naghahalo ang saya at takot sa kanyang dibdib.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon