[21] The Past That Haunts

405K 6.9K 1.3K
                                    

       

                                                                              ******

Ganadong ganado sa pag-aalmusal si Alex. Walang humpay ito sa pagsubo at halos kamayin na ang pagkain, kulang na nga lang ay magtaas pa siya ng isang paa.

"Ma, paabot nga ng tuyo."

Nakangiwing inabot ni Sylvia ang hinihingi ng anak. Kaya pala may naamoy siyang mabaho sa kusina dahil nagpaluto ito ng tuyo.

"Ma, pahingi pang sinangag."

Inabot ulit ng ina ang kanin sa di na makapagsalitang maiging babae dahil punumpuno ng pagkain ang bibig.

"Paabot na rin ng itlog...ah sabay niyo na pati yung bacon."

"Yaya Maring! Bigyan mo pa nga ng tubig itong si Alex!" sigaw ni Dennis sa katulong.

"Ayoko, gusto ko ng kape at ihingi mo rin ako ng tinapay," kaswal na tugon ni Alex nang hindi inaaalis ang konsentrasyon sa kanyang plato.

"Yaya Maring kape at tinapay na lang daw!" sigaw ulit ng kapatid.

Dumating ang kape at tinapay. Kinabig agad ang mga ito ni Alex. Dinampot niya ang tinapay, hinati-hati at isinawsaw sa kape, saka isinubo lahat.

"Burrrp!" medyo may kalakasang dighay niya.

Nag-angat siya ng mukha at nahihiyang tiningnan ang mga kasalo sa mesa. "Sorry."

Ibabalik niya na sana ang mga mata sa kanyang pinggan ngunit natigilan siya nang mapansin ang reaksiyon ng mga kasama sa mesa. Lahat ng mga ito ay tulalang nakatitig sa kanya.

"B-Bakit may problema ba?" takang tanong niya .

Napansin niyang hindi pa ginagalaw ng mga ito ang kani-kanilang mga pagkain samantalang siya ay kanina pa di magkandaugaga sa pagsubo.

"Bakit di pa kayo kumakain? Nababahuan ba kayo sa tuyong pinaluto ko? Amina ako na lang ang uubos."

"Iha, binabantayan ka lang namin mukha kasing anumang minuto ay mabibilaukan ka at kailangan ka naming agapan," paliwanag ng lolo.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon