[13] THE ART OF WHITE LIES

396K 7K 1K
                                    

                                                                   

"Excuse me miss, di mo ba nakikitang sumasayaw kami?" galit na sabi ng lalaking kasayaw ni Margareth nang hinila ni Alex palayo ang kaibigan.

"Maghanap ka na lang ng ibang kasayaw diyan," kaswal na sagot ni Alex. Hindi niya pinansin ang galit ng lalaki. Bata pa ito marahil ay nasa bente pa lamang. Makulit dahil lasing na rin. Inakay niya ang susuray-suray na kaibigan pabalik sa mesa.

"Gusto ko pang sumayaw Alex! Ang ganda ng music eh!" ani Margareth habang nakasubsob na sa mesa.

"Uuwi na tayo," sabi niya.

Kumaway siya sa waiter at hiningi ang bill. Nagulat siya nang biglang may humawak kanyang braso. Ang kasayaw ni Margareth. Sinubukan siya nitng hilahin patungong dance floor. "Bitawan mo ako," matigas at nagtitimping wika niya.

"Tayo na lang ang sumayaw palit kayo ng kaibigan mo!"

Nilingon niya muna ang kinaroroonan ni Tyron. Nang makita niyang nakatingin ito sa kanya, kusa siyang nagpahila sa di-kilalang lalaki. Sa dance floor, nanatili lang siyang nakatayo at nakapamewang habang nakangising pinagmamasdan ang lalaki nagsesexy dance sa harap niya. Pilit idinidikit ang katawan sa kanya. Nang maubos ang pasensiya walang pagdadalawang-isip na binatukan niya ito malakas. Napatanga ang lalaki.

"Kaya kayo napapaaway sa ganitong lugar dahil diyan sa kabastusan niyo!" singhal niya.

Namula sa galit ang dati nang namumulang mukha ng lalaki. "DID YOU JUST HIT ME BITCH?!"

Napanganga siya sa tawag sa kanya. "B-Bi-bitch? Hoy alam mo ba kung ilang taon na ang sinasabihan mo ng ganyan?".

Tinulak siya ng lalaki sa balikat. Bahagyang napaatras siya. "I KNOW BITCH! YOU'RE WAY OLDER THAN ME. SO WHAT? YOU'RE COMPLAINING? DIDN'T WOMEN LIKE YOU COME TO THIS PLACE TO FLIRT WITH YOUNG GUYS LIKE US?" nakangising sabi nito habang tinititigan siya ng nakakaloko at tinutulak-tulak sa balikat.

Wala siyang balak patulan ito. Hinahawi na lamang ang kamay na maya'mayang tumutulak sa kanya.Tungkulin niya ang umayos ng gulo at hindi ang magpasimula nito. Bukod dito, kailangan niya ring maging maingat sa mga kilos dahil meron siyang gustong mabuong imahe ng sarili sa mga mata ni Tyron.

Tinalikuran niya ang lalaki subalit ilang hakbang pa lamang ay biglang hinawakan nito nang pagkahigpit-higpit ang kanyang isang braso. "WE'RE NOT DONEYET!"sigaw nito.

Nagulat siya. Malakas na tinanggal niya ang pagkakahawak sa kanya ng lalaki, pinisil ang kamay nito at sinipa sa tiyan. Tumilapon ang lalaki at humambalos ang katawan sa isang mesa. Natigilan ang mga sumasayaw dahil sa komosyun. Nagsipagtabi ang mga ito nang makita ang lalaking tumama sa mesa habang napapangiwi ito sa sakit.

Nanlaki ang mga mata ni Alex nang mapagtanto ang ginawa. Nagmamadaling nilapitan niya ang lalaki at tinulungan itong makatayo."Naku sorry! Sorry. Pasensiya ka na, ikaw naman kasi ginulat mo ako!" natatarantang sabi niya habang pinapagpagan ang damit ng lalaki. " Nasaktan ka ba?"

Hindi sumagot ang lalaki sa halip ay binigyan lamang siya nito ng isang ngisi at sabay tingin ng makahulugan sa parteng likuran niya. Sinundan niya ang mga mata nito at noon ay nakita niyang may apat na mga kabataang lalaking nakatayo sa likuran niya.

"Huh? Ano to reinforcement?" Ngumiti siya nang malambing. "Kayo naman, huwag niyong sabihing pagtutulung-tulungan niyo ang isang babaeng kagaya ko."

"ARE YOU EVEN A WOMAN! We clearly saw what you did to our friend!" galit na wika ng isa sa mga barkada

"H-Hindi ko sinasadya. N-Nagulat lang ako. Dapat nakita niyo rin kung papaano ako bastusin nitong kaibigan niyo," maamong paliwanag niya.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon