[30] Into Her Realm

480K 8.9K 4.6K
                                    

                                                                       

                                                                           ••••••

Maaga pa lang ay naghahanda na patungong trabaho si Blake. Ngingiti-ngiting pinagmasdan niya ang sarili sa salamin habang tinutupi ang manggas ng suot na longsleeve. Nasasabik siyang isipin kung ano ang mga mangyayari sa unang araw ng pagbabodyguard sa kanya ni Alex.

"You're one hell of a handsome man....Show her what you got and make her realize what she's going to lose," pagmamayabang niya sa harap ng salamin.

Hindi niya na pinag-isipan pang mabuti ang pagpayag sa pagbabodyguard ng dating kasintahan. Hindi niya rin naman matiis na binabantayan pa rin siya nito kahit madaling araw hanggang sa labas ng kanyang bahay, kung kaya't wala siyang magawa kundi magtiwala na lamang dito at sa kakayahan nito kesa mahirapan ito o kaya'y baka lalo itong mapahamak sa paraan ng pagbubuntot nito sa kanya. Bagama't dapat siyang mag-alala dahil sa kasalukuyang panganib na nakaamba sa kanilang dalawa, ngunit sa loob-loob niya ay may dahilan pa rin para matuwa siya.

Sabi nga ng kanyang lolo, tadhana ang gumawa ng paraan para lumayo si Alex. Ngayon ay kapalaran din ang gumawa ng dahilan para muling bumalik sa tabi niya ang babae. Siguro ay hindi lamang ito para sa kaligtasan niya, kundi isa itong pahiwatig na binibigyan sila ng panahon para ayusin ang lahat....Kaya't sa muling pagkakataon ay susubukan niya uling paibigin ang dalaga.

Papaano?

Kung hindi niya ito nakuha sa paulit-ulit na pagmamakaawa, ngayon ay kukunin niya ang loob nito sa paraan kung papaano ito dating nahulog sa kanya.

Ibabalik niya ang Blake na may magaspang na ugali. Ipapamukha niya kay Alex kung sino ang mawawalan kapag hindi siya nito muling tinanggap. Hindi naman sa lumalaki ang ulo niya pero siya si Blake Marlon Monteverde, ilang babae ba ang nag-aambisyon, nangangarap, umaasa para mahalin niya. Kinaiiinggitan siya ng maraming kalalakihan dahil sa kanyang hitsura at katayuan sa buhay. Kaya't papaano nangyari na ang kaisa-isang babaeng mahal niya ay hindi mapapasakanya? Hindi siya makakapayag. Paiibigin niya ito hanggang sa ito na mismo ang kusang makiusap na magkabalikan sila. Hindi pa rin siya susuko, makikipagkumpetensiya siya kahit pa sa pinakamamahal nitong trabaho.

Sa kabila ng planong pagpapaibig dito ay babakuran niya pa rin ang kanyang puso. Hindi siya lubusang aasa at hindi rin niya tuluyang hahayaan ang sarili na muling mahulog dito ng sobra-sobra. Kung mapaibig niya ito ay salamat, ngunit kung hindi ay wala rin siyang magagawa kundi tanggapin na siguro nga ay hindi na sila para sa isa't isa. Ang mahalaga ay wala siyang pagsisihan dahil kahit paano ay may ginawa pa rin siya sa muli nilang paglalapit.

"Watch out for my last rule Captain Valdemor.... or else you're mine again," ngingisi-ngising pahabol niya sa salamin bago lumabas ng kuwarto.

Napalingon muna siya sa pinto ng dalaga bago bumaba. Lumapit siya dito at kumatok. Nasasabik siya sa maraming bagay. Na makasama ulit itong mag-almusal, na makasabay ulit ito sa sasakyan papasok ng opisina at makausap ulit ito habang nagmamaneho. Hindi man lahat, ngunit kahit papaano ay mangyayari na ulit ang ilan sa mga bagay na kinagawian nilang gawin.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon