[20] I Know It All

388K 6.8K 1.8K
                                    

                                                                               *****

Lumabas ng sasakyan si Blake. Kailangan niyang sumunod dahil hindi niya pwedeng banggain ang galit ni Alex. Magkakagulo lang kapag nakipagmatigasan siya. Hindi niya alam kung papaano sila nito nasundan, kunsabagay sa husay nito sa trabaho meron ba itong hindi nagagawa kapag ginusto nitong alamin ang isang bagay.

Nakaramdam siya ng takot sa pagkakahuli nito sa kanya pero hindi nangangahulugang naibsan ang sama ng loob na kinikimkim niya para sa babae. Tatanggapin niya anuman ang kaparusahan ng pagkakamaling nagawa niya ngunit maniningil din siya ng paliwanag na matagal niya ng hinihintay na maibigay sa kanya.

Kinakabahan siya sa susunod na mga mangyayari pero aaminin niyang hindi niya sinisisi ang sarili sa nagawang kasalanan. Bagamat nagpadala siya sa alak at galit, siguro ay itinakda itong mangyari para mapag-usapan at maungkat ang puno't dulo ng unti-unting gumugulo nilang relasyon.

"Manong please drive Debbie home," nakasilip sa bintana ng sasakyan na utos niya sa driver.

"Opo sir."

Napapalunok na tiningnan niya si Debbie. Dahil sa biglang pagkawala ng kalasingan, noon din lamang siya dahan-dahang inusig ng konsensiya. Nagkatinginan sila ng babae at sa mga sandaling iyon ay ramdam na nila ang pamumuo ng pagkaasiwa nila sa isa't isa. Kung meron man siyang dapat unang hingan ng tawad, yun ay si Debbie. Dahil nadamay niya ang babae sa problema nila ni Alex at napilitan itong gumawa ng isang bagay na alam niyang labag sa prinsipyo nito.

"See you tomorrow at the office," kaswal at nakangiting tugon niya sa babae.

"O-Okay... see you," sagot nito nang may naasiwang ngiti habang panaka-nakang napapatingin sa kinatatayuan ni Alex.

Tila huminahon naman si Alex nang bumaba si Blake sa sasakyan. Nag-aapoy pa sa galit ang kanyang dibdib ngunit pinili niyang manahimik na. Ang mahalaga ay napigilan niya ang lalaki na gumawa ng isang kasalanang hindi niya alam kong kaya niyang patawarin.

Nakahalukipkip na sumandal siya sa pinto ng nakaharang niyang kotse habang tahimik na pinapanood ang dalawang nagpapaalaman. Napapangisi siya sa isipan habang nakatingin ng may matatalim na mga mata, nagagawa pa ng mga ito na mag-usap sa harap niya na para bang walang ginawang mga kalokohan.

Tumingin sa kanya si Blake matapos magpaalam sa babae. Nagkatitigan sila ng ilang saglit. Seryoso ang kanilang mga mukha habang parehong itinatago ang totoong nararamdaman. Bumuntong-hininga muna ang lalaki bago ito lumapit sa kanya. Pinagbuksan niya ito ng unahang pinto ng kotse. Tahimik naman itong sumunod at sumakay.

Pinaandar niya ang kotse. Itinuwid niya ito mula sa pagkakahalang. At bago ito simulang patakbuhin, tumingin muna siya sa side mirror para silipin ang naghihintay na sasakyan sa likuran nila. Nakita niyang nakatingin sa kanila si Debbie. Tumaas ang isang sulok ng bibig niya sa nakitang reaksiyon ng babae, tila bang umaasa pa itong bababa si Blake sa kotse para bumalik sa kanya. Nakairap na inilipat niya ang mga paningin sa kalsada at napapabuntong-hiningang nagmaneho.

Ang Syota Kong Astig! (Published Under Summit/Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon