PINALO AKO NI MAMA

992 9 0
                                    

Pinalo ako ni mama
Lungkot at galit ang aking nadama
Hindi ko maintindihan kung may mali ba akong nagawa
Ano ba ang ikinagagalit niya?

Nais ko lang naman maglaro sa kalsada
Kasama ang aking mga tropa
Nais ko lang namang gumala
Maging malaya at masaya

Pinalo ako ni mama
Noong narinig niya akong magmura
Noong sa kapatid ko'y nakipag-away
Noong sa paggala ay tila nasanay

Pinalo ako ni mama
Lumatay ang sinturon sa aking hita
Dahilan kung bakit ito nagkapasa
Dahilan kung bakit ako lumuha ng sobra

Mama, bakit mo ako sinaktan?
Bakit hindi mo nalang ako pinagsabihan?
Hindi mo ba naisip ang aking mararamdaman?
Teka, hindi naman ata sumagi sa isip mo kahit kailan

Mama, masaya ka na ba?
Sapat na ba na nakita mo akong lumuha?
Ilang palo pa ba ang kailangan kong matamo?
Gaano kahapding sugat pa ba ang kailangang maramdaman ko?

Pero pinalo ako ni mama
Hindi dahil gusto niya akong magkapasa
Hindi dahil hindi niya na ako mahal
Pero dahil gusto niya itong maging aral

Pinalo ako ni mama
Galit na galit ako nung una
Dahil akala ko ako'y mahal niya
Pero dahil sa ginawa niya, ito'y hindi ko makita

Pinalo ako ni mama
Para ako ay magtanda
Maling bagay ay aking maiwasan
Ang mga ito ay hindi makasanayan

Pinalo ako ni mama, ito'y kanya lamang ginawa
Dahil totoo ang pagmamahal niya
At gusto niya lamang akong itama
At ngayon naiintindihan ko na

Spoken Poetry (Tagalog)Where stories live. Discover now