PARA SAAN PA?

986 3 0
                                    

Para saan pa,
Na tinawag siyang isang ama?
Haligi ng tahanan
Kung dito'y di naman siya nadadatnan

Para saan pa,
Na tinawag ko siyang papa?
Kung hindi naman ako anak para sa kanya
Kung hindi naman niya balak gampanan ang tungkulin niya

Para saan pa,
Ang patuloy kong paghawak sa pag-asa?
Na baka sakaling bumalik pa siya
At mabuo muli ang aming pamilya

Para saan pa papa?
Kung ito'y tuluyang tinalikuran na
At kami'y tuluyang kinalimutan
Tinago at binaon sa nakaraan

At ngayo'y nagbalik ka
Muli sa amin ay nagpakita
Nakakatawa dahil hindi ko ito inaasahan
Pero ito, ikaw ngayo'y nasa aking harapan

Humingi ka ng tawad
Mahigpit na hinawakan ang aking palad
Nakita ko ang sakit mula sa iyong mga mata
Kasabay ng pag-agos ng iyong mga luha

Ramdam ko ang tensyon
Pero pinili kong tignan ka ng walang emosyon
At sinabing "Para saan pa papa?"
Para san pa at bumalik ka pa?

Kitang kita ko ang lungkot sa iyong mga mata
Nang marinig mo ang mga binitawan kong salita
Alam kong dahil doo'y nasaktan kita
Pero kasi pa, mas masakit yung lumaking wala ka

Para saan pa at sinanay ang sarili
Na mabuhay ng wala ka sa aking tabi
Para saan pa ang lahat ng iniwan mong sakit
Na di kalaunan ay mas lalong pumait

Para saan pa papa?
Kung babalik ka lang bigla
Na tila wala kang masamang ginawa
Na tila wala kang pinabayaang pamilya

Matagal ka na sa aming patay
Pero lahat ng sakit ng dahil sayo ay buhay na buhay
Lahat ng yun ang aking pinanghawakan
Para sa iyo'y aking mapatunayan

Kahit wala ka, kinaya ko
Nagawa ko ng walang tulong mo
At oo nagtagumpay ako, ito'y napakita sayo
Pero ang sakit noon ay mas sumakit lalo

Nang makita kitang nagmamakaawa
Umiyak at lumuhod pa
Ang bigat sa pakiramdam
Na makita kang ganyan

Pero sa nararamdaman ko'y wala kang alam
Ang paghihirap nami'y di mo ramdam
Gusto kitang ipagtulakan
Gusto kitang pahirapan

Pero para saan pa,
Ang pinanghawakan kong pag-asa
Kung palalagpasin ko lang ang pagkakataon
Na muli ay makasama ka ngayon

Para saan pa kung patuloy na ikukubli lahat ng sakit at hinanakit
Kung pwede namang saya at ginhawa ang maging kapalit

Kasabay ng sayo'y muling pagtanggap
At muling pagtupad sa lahat ng naudlot nating pangarap

Spoken Poetry (Tagalog)Where stories live. Discover now