MAMA, PALUIN MO ULIT AKO

1.2K 11 1
                                    

Mama, may hiling ako sayo
Alam kong huli na para dito
Pero sana naman ay pagbigyan mo
Mama, paluin mo ulit ako

Nais kong muling maramdamang dumampi ang iyong kamay
Nais kong muling maramdaman ang masasakit na latay
Tila hinahanap hanap na ito ng aking katawan
Bagay na noon ay aking nakasanayan

Alam kong ito'y nakakatawang marinig
Pero sana hindi pa huli para madinig
Alam kong hindi na ako bata
Pero mama, kailangan parin kita

Mama, paluin mo ulit ako
Nais kong muling maramdaman ang pagmamahal mo
Nais kong maramdaman na mahalaga pa ako
Na may taong handang intindihin ang tulad ko

Mama, paluin mo ulit ako
At ipaintindi ang mga pagkakamali ko
Nais kong muling matuto sayo
Nais ko ulit masigawan mo

Alam kong hindi na ako bata
Pero sana ako parin ay iyong itama
Mula sa mga maling bagay na ginagawa
Mga tao na alam mo'y sa akin ay sisira

Mama, paluin mo ulit ako
Mama, ako nama'y pakinggan mo
Handa na akong tiisin lahat ng sakit
Handa na akong intindihin ang iyong galit

Sana noon ay nakinig na sayo
Sana noon ay pinahalagahan lahat ng turo mo
Edi sana ngayon, hindi ako nagkakaganito
Nagsisi sa mga bagay na ginawa ko

Sana sayo'y hindi nalang pala bumitaw
Ako tuloy ngayon ay naliligaw
Hinahanap ang bagay na magbibigay linaw
Na ngayon ay tila hindi na matatanaw

Mama, pauluin mo na ulit ako
Pero, Teka! Meron pa nga bang tutupad nito?
Oo, Imposible na nga pala ang bagay na ito
Dahil wala ka na sa tabi ko

Huli na ng aking mapagtanto
Na kailangan ko ang isang tulad mo
Huli na dahil wala ng magtutuwid sa mali ko
Wala na ang taong nagmamahal sa akin ng totoo

Spoken Poetry (Tagalog)Where stories live. Discover now