BAGO KA LUMISAN

1.1K 9 0
                                    

Mahal, bago ka lumisan
Pwede mo ba akong pagbigyan?
Maaari ka ba munang manatili,
Hayaang makasama ka kahit na sandali?

Alam kong darating ang araw na ito
Pero dahil sabi mo, tayo'y hanggang dulo
Umasa at kumapit sa pangako mo
Naniwalang hindi tayo aabot dito

Kaya naman
Sana'y iyong maintindihan
Kung aaminin kong hindi pa ako handa
Hindi ko pa kaya ang mawala ka

Kaya bago ka lumisan
Pwede ba natin ulit balikan,
Ang ating nakaraan?
Lahat ng alaalang nagdaan?

Pwede bang muling alalahanin ang iyong dahilan
Kung bakit natin ito sinimulan
Kung bakit natin ito sinubukan
At magkasamang pinaglaban

Bago ka lumisan
Sabihin mo naman
Kung naging mahalaga ba ako ni minsan
Kung napunan ko ba lahat ng iyong pangangailangan?

Naging sapat ba ako?
Naging masaya ka ba sa piling ko?
Nabuo ko ba puso't pagkatao mo?
O hindi ako ang gumawa nito?

Bago ka lumisan
Nais kong pakinggan
Lahat ng iyong dahilan
Kung bakit ito'y nais mo ng wakasan

Bago ka lumisan
Bigyan lang ako ng sapat na dahilan
At pangako, ika'y tuluyan ng hahayaan
Kung hindi na ako, ika'y akin ng pakakawalan

Spoken Poetry (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon