Chapter 1

1.8K 50 3
                                    

"I won!" Malawak ang ngising nilapag ko ang baraha sa ibabaw ng table.

Awtomatikong gumuhit ang pinaghalong disappointment at inis sa mukha nina Louisiana habang si Carl ay nakairap na kaagad sa akin. Puno ng pagyayabang na humalakhak ako at kinuha ang pera, pinaypay ang buo sa harapan ng mukha. Gustong-gusto ko talagang naaasar silang dalawa tuwing natatalo.

"Dinadaya mo kami, Pumpkin," ani Carl at mataray na tinulak ang imaginary bangs sa kanyang noo.

Umangat ang gilid ng labi ko. "Paano ko naman gagawin iyon? Sa laki ng mata mo, napaka-imposible na makalusot ako."

Kinuha ko ang wallet sa bulsa ng skirt at pinasok doon ang malutong na pera, napanalunan sa dalawang bobo. Hindi ko minsan maintindihan kung bakit gustong-gusto nilang nakikipaglaro sa akin kahit parati naman silang natatalo. Hindi nadadala.

"Gaga!" Sabay sabunot sa akin.

Umirap ako sa kawalan at hindi pinansin ang pananakit niya. Binibilang na ni Louisiana kung magkano ang talo sa kaniya. Halos matawa ako roon.

"Huwag ka ngang manakit, Carl," pero natatawa dahil alam kong napipikon siya sa pagiging talo ngayon.

Hindi pa ba siya sanay? Ako ang laging panalo tuwing naglalaro kami ng mahjong. Hindi na nakakagulat na talo sila palagi.

Mataray niyang inayos ang buhok, may kasamang pag-iinarte. "It's Carla, bitch."

"Six hundred na ang talo ko."

Sabay naming nilingon si Isia. Tila nanlulumo ang mukha, hindi matanggap na ganoon kalaki na agad ang talo niya. Hindi ko napigilan ang tawa na naging dahilan para sabay nilang hilahin ang buhok ko.

"Dinadaya kasi tayo ng bruhang ito. Hindi tayo nananalo. Walang balat ang puwit ko kaya sigurado akong may nangyayaring kababalaghan," tingin talaga ni Carl ay dinadaya ko sila. "Mandaraya ka, Pumpkin."

Nagtitinginan sa amin ang mga kaklase naming busy sa pagsusulat. Nasa harapan ang visual aids na hinanda ni Mrs. Oropo.  Nakakatamad magsulat nang sobrang haba kaya naisipan naming tatlo na maglaro na lang ng card ngayon. Parati naman naming ginagawa tuwing walang teacher.

"Hindi ko nga kayo dinadaya. Hindi lang talaga kayo marunong maglaro," sabi ko pa, umaasa na matatanggap nila ang katotohanan. Mas magaling ako at bobo silang dalawa sa larong ito.

"Sinabi ni Mrs. Oropo na i-che-check muna ang notebook bago umuwi. Ang hindi tapos sa lecture ay hindi lalabas," biglang sumabat ang class president namin.

Nakatunog kaagad si Carla na kami ang pinariringgan. Paano, kaming tatlo lang naman ang hindi nagsusulat. Nasa likod na parte ng classroom kami, naka-ikot ang mga upuan para magkaharap. Tahimik ang mga kaklase namin habang kaming tatlo ay puro pag-iingay ang inaatupag. Nagsusugal pa kahit bawal.

Umismid si Carl. "Share mo lang ba, Kakai?"

Sinilip ko ang oras sa suot na relo. Twenty minutes before mag-four ng hapon. Inangat ko ang ulo ko para sana tumingin sa bintana nang biglang pumasok sa classroom ang isang lalaking matangkad.

Tuwid na tuwid ang suot na uniporme nito, wala man lang kagusot-gusot. Maayos na nakasuot ang I.D at malinis na malinis ang gupit ng buhok, katulad ng nasa school requirement.

Sa isang iglap lang ay nasa harapan na niya ako, malawak ang ngiti kahit hindi sigurado sa itsura. Sinabunutan ako ng dalawa kanina kaya malamang ay gusot ang buhok ko ngayon.

"Hi, Geometry!" Hinawakan ko siya sa braso at hinatid sa usual chair niya tuwing inuutusan ng ibang teacher na magbantay sa klase namin. "Bakit ka nandito?"

Handkerchief of the Star (Alimentation Series #1)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن