Kabanata 27

22 2 0
                                    

Isang malakas na pagkatok ang umalingawngaw sa buong kwarto dahilan para magising si Zafia. Nanginginig ang mga kamay nito na mabilis na hinawakan ang kaniyang ulo at hinanap ang dugo roon, pero wala. Malinis nag kaniyang mukha at kung ano ang itsura niya no'ng gabing iyon ay gano'n pa rin ngayon. Ang selpon nito na nasa kaniyang unan. Halos walang nangyari.

"Ma'am? Almusal na po."

Agad siyang napalingon sa pinto dahil sa boses ng kanilang katulong, kaya mabilis siyang lumakad papunta roon. Parang baliw na napalingon pa sa kaniyang paligid bago pumasok ang kaniyang katulong.

"Nandito na ang pagkain mo—"

"Umuwi na ba si Rionard?" tanong agad nito na inilingan naman ng katulong.

"Hindi pa po ma'am. Bakit po?"

"Wala naman. A-Ah..." Tumingin ito sa kaniyang pagkain at saka mabilis na naka-isip ng paraan. "Puwede po bang hatiran ninyo ako ng kape? Medyo nagsusuka kasi ako sa gatas. Pakilagay na lang diyan, sa banyo lang ako," utos nito na agad na ikinatango ng matandang babae.

Tumalikod si Zafia at nang maramdaman ang pag-alis ng katulong ay mabilis niyang kinuha ang selpon nito, imbes na pumunta sa banyo gaya ng kaniyang sinabi ay kinabig nito ang doorknob, gano'n na lang ang tuwa nito nang hindi iyon naka-lock at nakasabit lang ang kadena. Agad niyang kinuha ang pagkakataong iyon na lumabas ng kwarto at isara kung paano iyon isinara ng katulong.

Hawak ang selpon at matulis na bagay ay umakyat ito sa pangatlong palapag. Pinilit na hindi makagawa ng ingay at tinandaan ang bawat daanan na tinatapakan niya. Nang makarating doon ay mas lalong nawala ang mga gamit, naging mas maluwang pa at nakakaligaw ang mga daanan. Naninigkit ang mga mata nito nang matanaw niya ang isang pasilyong kaniyang dinaanan noon at agad na pumunta sa gawing iyon.

Hindi siya nakakaramdam ng takot. Matagal na niyang ginagawa ang pagpupuslit sa palapag na ito para lang mangalap ng mga bagay na makakasagot sa kaniyang katanungan na mas lalo lang ginugulo ang kaniyang utak. Ngayong wala na ang matandang babae, sarili na lang niya ang kaniyang maaasahan. Ang lahat ng kaniyang malalaman ay gusto niyang sabihin sa kaniyang kapatid na nakausap niya kagabi lang. Sa pagkakataong ito lulunukin na niya ang pride para lang makaalis sa bahay na iyon.

Nang mahanap ng kaniyang mata ang kwartong madalas niyang puntahan noon at hindi na siya nagdalawang-isip na pumunta pa roon. Mabuti na lang at walang kandado ang kwartong iyon hindi tulad ng iba na siyang ipinagtaka niya. Pero wala na siyang oras para makipagtalo pa. Nang makapasok ay ibang-iba na ang loob nito.

Naroon pa rin ang mga gamit ngunit nakaayos na. Ang mga lumang gamit ay nanatili lang sa isang kama. Ang dingding kung nasaan ang mga larawan na kaniyang nakita ay nawala na. Sinimulan na niyang buksan ang camera. Ang lahat ng kaniyang makita ay kinuhanan niya ng video at sinigurado niyang ang selpon na kaniyang ginamit ay ang kaniyang binili.

Napukaw ang kaniyang pansin sa isang garapon na mukhang bago pa at may mga laman na gamot. Sa likuran no'n ay ang ilang garapon na kapareha lang din ng gamot na iyon. Sa isang banda ay ang mga resetang nagkalat sa sahig na mukhang pinilit na isiksik sa aparador. Agad iyon kinuhanan ng litrato ni Zafia at pinilit na isiksik sa kaniyang utak ang mga nababasa roon.

Lizandro Pramoso

"Sino ka ba talaga?" bulong ni Zafia sa kaniyang sarili at titig na titig sa lalaking hindi naman niya kilala pero pakiramdam niya ay lagi niyang kasama.

Bahagyang naupo si Zafia at pinilit na titigan ang naninilaw na kwaderno sa dulo ng mesa, sa ilalim ng kurtinang halos may amoy na. Agad niya iyon kinuha at binuklat ang unang pahina. Malabo ang pagkakasulat ngunit nababasa pa iyon.

Ruinous Deal | CompletedWhere stories live. Discover now