Kabanata 2

577 28 36
                                    

Pagbukas pa lang ni Arthur ng pinto ay may kung anong bagay ang tumama sa kaniyang dibdib. Hindi naman siya ganoong nasaktan dahil kahit papaano ay malambot ang tumama sa kaniya. Napabuntong-hininga na lang siya at saka isinara ang pinto dahil batid niyang magbubunganga na naman ang asawa niyang si Roxanne.

"Bakit ngayon ka lang, Arthur?"

Hindi na sumagot si Arthur. Inilagay na lang niya ang biniling gatas sa ibabaw ng mesa. Nanatili lang siyang nakatayo sa harap ng mesa habang nakatalikod sa asawa. Pinili na lang niyang manahimik kaysa humaba pa ang pagtatalo nila ng kaniyang asawa na halos araw-araw na lang nangyayari.

"Kanina pa ako nanggigigil sa pesteng batang 'to! Paano kasi, ang daming puwedeng kalimutan, gatas pa ng anak mo!"

Humarap si Arthur sa kaniyang asawa at pinagmasdan ito. "Traffic kasi."

Pinili na lang ni Arthur na ilihim ang nangyari dahil kapag sinabi niya kay Roxanne na nakabunggo siya ng tindahan, hindi malabong magalit lang ito sa kaniya. Hindi sana mangyayari iyon kung hindi siya nagmamadaling makabalik sa bahay para mapagtimpla na ng gatas ang anak.

"Ano pang tinatanga-tanga mo, timplahan mo na 'tong anak mo! Nanggigil na ako sa pesteng batang 'to!"

Kahit hindi nagustuhan ni Arthur ang sinabi ni Roxanne sa kanilang anak ay pinili na lang niyang sarilinin ang sama ng loob. Hindi niya gustong magtalo pa sila ng kaniyang asawa. Natatakot siyang humantong na naman iyon sa hiwalayan na minsan nang nangyari.

Kahit hindi maganda ang pakikitungo kay Arthur ng asawa ay tinitiis niya dahil hindi niya gustong masira ang pamilya nila. Hindi siya manhid para hindi maramdaman na tila nawawala na ang pagmamahal nito sa kaniya kaya naman tinangka na nitong makipaghiwalay sa kaniya ngunit hindi siya pumayag. Lumaki siya nang walang ama dahil hiniwalayan nito ang kaniyang ina kaya hindi niya gustong iparanas sa kaniyang anak ang hindi buong pamilya. Kaya kahit alipinin pa siya ni Roxanne ay tatanggapin niya alang-alang sa kaniyang anak dahil kailangan pa nito ng ina lalo pa at mahigit isang taon pa lang ito.

Matapos magtimpla ng gatas ay kinuha ni Arthur ang anak kay Roxanne para siya na ang magpatahan. Ginawa niya ang lahat para mapatigil ang anak lalo pa at kita niya sa mukha ng asawa ang labis na inis sa malakas na pag-iyak ng anak nila.

"Bukas, umuwi na tayo, Arthur. Hindi ko ba alam kung ano'ng pumasok sa utak mo para magbakasyon tayo sa bahay na 'to."

"Ilang oras pa lang tayo rito, gusto mo nang umuwi? Saka ikaw na rin naman ang nagsabi na gusto mo munang umalis sa bahay dahil hindi kayo magkasundo ni Mama."

"Oo pero hindi rito! Sobrang layo nito sa bahay ninyo."

Napailing na lang si Arthur dahil hindi niya maintindihan si Roxanne. Itinuon na lang niya ang atensyon sa paghele sa anak kahit pa napapansin niya ang pagiging abala ng asawa sa paggamit ng cellphone. Hinayaan na lang niya ito dahil alam niyang kapag tinanong niya kung sino ang ka-text nito ay mamasamain nito ang tanong niya. Kahit pa may karapatan siya dahil kasal sila nito ay magpapatay-malisya na lang siya.

"Malapit na pala ang fifth anniversary natin. Saan mo gustong pumunta?" Pinili ni Arthur na basagin ang katahimikan sa pagitan nila ni Roxanne. Napalunok siya dahil wala siyang natanggap na tugon mula sa asawa. Kahit nasaktan ay pinili niyang ngumiti. "Ang bilis ng panahon. Twenty-three lang ako nang maging tayo tapos ikaw, twenty-two. Twenty-five naman ako nang ikasal tayo. Sana, maraming taon pa ang lumipas na magkakasama tayong pamilya."

Sinabi iyon ni Arthur dahil naniniwala pa rin siyang magbabago pa si Roxanne ngunit wala man lang itong naging reaksyon. Pinigilan niya ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata dahil hindi siya makapaniwala na ang inakala niyang masayang pamilyang mabubuo niya ay tila unti-unti nang nasisira. Hindi niya alam ang gagawin kung tuluyang masira ang pamilya niya kaya lahat gagawin niya maging buo lang sila.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon