Kabanata 25

304 17 16
                                    

Napangiti na lang si Mari Casa matapos siyang yakapin ni Mommy Rosie na ina ni Roxanne. Nakaramdam siya ng konsensya habang hinahaplos nito ang likod niya dahil sa bawat paghagod nito ay naramdaman niya ang pagmamahal nito sa anak. Alam niyang labis itong masasaktan kapag nalaman nitong may ibang kaluluwang nasa katawan ng anak.

"Alagaan mo ang sarili mo," nakangiti ngunit umiiyak na turan ni Mommy Rose matapos nitong kumalas sa pagkakayakap kay Mari Casa.

Ngumiti si Mari Casa at pinahid ang luha sa magkabilang pisngi ni Mommy Rosie. "Huwag po kayong mag-alala, kasama ko po si Arthur."

Pinigilan ni Mari Casa ang nagbabadyang pagbuhos ng luha sa mga mata niya dahil ayaw na ayaw niyang makakita ng isang inang umiiyak. Dahil doon ay nasabik siyang makita at mayakap ang kaniyang ina na alam niyang sabik na sabik na sa kaniya. Gusto niyang malaman kung paano nito hinaharap ang mga araw na wala siya ngunit hindi lang niya ito mapuntahan dahil wala naman siyang pera. Nahihiya siyang manghingi kay Arthur kahit pa asawa ito ni Roxanne. Sa kabila niyon ay ipinangako niyang pupuntahanan niya ang kaniyang ina.

"Mauna na kami ng mama mo," paalam ng ama ni Roxanne.

"Mag-ingat po kayo." Hinaplos ni Mari Casa ang likod ni Mommy Rosie matapos muli siyang yakapin nito.

"Arthur, alagaan mo ang anak ko. Mayayari ka talaga sa amin ng papa mo."

"Palagi ko naman pong ginagawa 'yon, Ma. Sige po, mag-ingat kayo ni Papa."

Napahawak na lang si Mari Casa sa kamay ni Arthur habang pinagmamasdan palayo ang mga magulang ni Roxanne. Inaya siya nitong sumama dahil namatay ang lola ni Roxanne ngunit tumanggi siya at mabuti na lang pumayag ang dalawa. Ayon sa mga magulang nito, maaring isang linggong hindi makauwi ang dalawa kaya ipinagbilin ng mga ito ang anak kay Arthur na tila isang bata.

Dahil doon ay nalaman ni Mari Casa kung gaano kamahal si Roxanne ng mga magulang nito. Hindi tuloy niya maiwasang mainggit dahil bukod sa nagkaroon ito ng asawang tulad ni Arthur, nakakasama pa nito ang mga magulang. Mas lalo niyang napagtantong malaking kasalanan ang kaniyang nagawa dahil inagaw niya kay Roxanne ang lahat ng mayroon ito.

"Pasok na tayo sa loob, Mahal."

Napasulyap si Mari Casa kay Arthur dahil sa itinawag nito sa kaniya. Tila napapaso ang magkabila niyang pisngi habang nakatitig kay Arthur na nakangiting nakatitig din sa mga mata niya. Naramdaman niya ang masuyong pagpisil nito sa kamay niya kaya tila may kung ano boltaheng dumaloy sa katawan niya.

"Baka matunaw naman ako." Bahagyang tumawa si Arthur at hinagkan nito sa noo si Mari Casa. "Sumunod ka na lang sa loob."

Nakangiti pa rin si Mari Casa habang pinagmamasdan ang papalayong si Arthur. Napahawak siya sa dibdib dahil sa bilis ng kabog doon at napakagat na lang siya sa labi upang pigilan ang paghiyaw dahil sa labis na kilig. Hindi niya sukat akalaing maririnig niya iyon mula kay Arthur.

Si Mari Casa na ang nagsara ng gate. Hindi muna siya umalis sa kinatatayuan dahil nais muna niyang pahupain ang kilig na nararamdaman. Pakiramdam nga niya ay muli siyang mamamatay dahil tila nahihirapan siyang huminga sa bilis ng kabog sa dibdib niya.

"Anong nangyari sa iyo?" kunot ang noong tanong ni Debot matapos nitong makalapit kay Mari Casa. Galing ito sa loob ng bahay.

"Wala 'to." Akmang hahakbang na si Mari Casa para makapasok na sa bahay nang hawakan ni Debot ang kamay niya. Kunot-noo niya itong sinulyapan. "Why?"

"Ano, sa tingin mo ba, napaniwala mo 'yong mga magulang ni Roxanne?" Bumuntong-hininga si Debot at binitiwan nito si Mari Casa. "Halata kasing kabado ka habang kausap sila."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now