Kabanata 24

284 17 21
                                    

Napangiti si Mari Casa matapos niyang pagmasdan ang natutulog na si Arthur. Siya ang unang nagising kaya labis ang pasasalamat niya dahil hindi niya alam kung ano ang puwede nitong makita habang natutulog siya lalo pa at malikot siya kung matulog. Maaring magduda ito dahil hindi niya alam na maaring hindi pala malikot matulog si Roxanne.

Bumaba si Mari Casa sa kama para lapitan si Arthur na mahimbing pa rin ang tulog dahil pasado ala-singko pa lang ng madaling-araw. Kahit banig lang ang sapin nito ay tila masarap ang tulog nito. Umupo siya sa tabi ni Arthur at pinagmasdan ang mukha nito.

"Ang guwapo mo talaga, Arthur," nakangiting turan ni Mari Casa at bahagya niyang idinampi ang palad sa pisngi nito hanggang dumako iyon sa pinakataas ng labi nito na tila inaakit siyang hagkan iyon ngunit hindi niya ginawa kahit pa gusto niya.

Walang ibang ginawa si Mari Casa kundi pagmasdan si Arthur. Bahagya niyang inilapit ang mukha sa mukha nito dahilan upang bumilis ang kabog sa kaniyang dibdib. Tila natutukso siyang hagkan ito kaya naman pinili na lang niyang ilayo ang mukha sa mukha nito.

Masaya pa rin si Mari Casa kahit hindi niya nakatabi si Arthur. Gusto niyang tanungin ito kung bakit pinili nitong matulog sa sahig kaya lang ay nahiya na siyang magtanong dahil maaring isipin nito na gustong-gusto niyang magkatabi silang matulog. Nagtataka pa rin siya kung bakit hindi tumabi sa kaniya si Arthur na dapat sana ay magkatabi sila lalo pa at asawa nito si Roxanne.

"Sana nga, lagi tayong ganito pero hindi eh. Alam ko naman na matatapos din ang araw na ito pero sana, matagal pa." Tumayo na si Mari Casa at nang nasa pintuan na siya ay muli niyang sinulyapan si Arthur. "Kahit hindi kita asawa, aasikasuhin kita na parang tunay na asawa."

Tinungo ni Mari Casa ang kusina at naabutan niya roon ang dalawang kasambahay na nakaupo sa harap ng mesa. Tila nais pang matulog ng dalawa dahil nakatulala pa ang mga ito na tila rin nilalabanan ang antok na nararamdaman. Matapos siyang makita ng dalawa ay tumayo ang mga ito at nanghingi ng paumanhin sa kaniya.

Lumapit si Mari Casa sa dalawa at umupo siya sa bakanteng upuan na nasa tabi ng kasambahay na mas bata sa kaniya. Ngumiti siya sa mga ito dahil patuloy pa ring humihingi ng tawad sa kaniya ang dalawa. Nakita rin niya sa mga mukha nito ang takot na hindi niya alam kung bakit naramdaman ng mga ito.

"Magluluto na kami, Ma'am Roxanne. Pasensya na ulit," muling paghingi ng paumanhin ng kasambahay na ang edad ay naglalaro sa kuwarenta.

"Ako na po ang magluluto. Tulungan na lang po ninyo ako." Tumayo si Mari Casa. "Ano po bang puwede nating lutuin pang almusal?"

"M-Marunong po ba kayong magluto? Kami na lang po ni Ate Martha ang magluluto."

"Huwag kayong mag-alala, marunong akong magluto." Sandali pang natahimik si Mari Casa bago siya napangiti. "Na-miss ko na rin kasing magluto lalo na kung ang paglulutuan ko ay ang mga mahal ko sa buhay."

"S-Sa tagal po naming naninilbihan ni Ate Martha rito sa bahay ni Ma'am Rose, ni hindi pa po namin kayo nakitang nagluto."

Ngumiti si Mari Casa. Lumapit siya sa lababo at naghugas ng kamay para paghandaan ang pagluto. "Hindi lang siguro ninyo nakikita at isa pa, hindi naman kami rito nakatira."

"Matagal din po kayong tumira rito ni Sir Arthur, Ma'am Roxanne."

"Hayaan na lang natin si Ma'am Roxanne, Dea. Baka gusto siguro niyang bumawi."

Matapos makapagpunas ng kamay ni Mari Casa ay nilingon niya ang dalawa. "Simulan na nating magluto habang hindi pa sila gising."

Ibinuhos ni Mari Casa sa pagluto ng agahan ang matagal niyang pananabik na makapagluto. Ginawa rin niya iyon para paglutuan si Arthur at para mapaamo niya si Mama Rose dahil nakasisiguro siyang kapag araw-araw nitong matikman ang luto niya ay imposibleng magtaray pa rin ito sa kaniya. Masarap siyang magluto dahil bukod sa namana niya iyon sa kaniyang ama, palagi rin siyang nanonood sa tuwing nagluluto ito.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon