Kabanata 34

244 14 23
                                    

"Kuya, pahinto muna ng sasakyan." Hindi inalis ni Mari Casa ang tingin sa matandang babaeng nakita niyang nakaupo sa gilid ng karsada dahil maaring mawala na lang itong bigla.

Labis na nahabag si Mari Casa sa lagay ng matandang babae na sa pakiwari niya ay naglalaro ang edad sa sesenta. Ang suot nitong puting damit ay halos maging itim na dahil sa dumi at may kaunting punit din iyon. May kahabaan ang buhok ng matanda na tila ilang taon itong hindi nagsuklay dahil buhaghag iyon.

"Bakit, saan ka pupunta?" tanong ni Arthur. Nakaupo ito sa tabi ni Mari Casa.

Hindi na tumugon si Mari Casa. Dala ang plastik na may lamang mga pagkain ay lumabas siya ng sasakyan para lapitan ang matanda. Iyon sana kakainin niya para sa pananghalian ngunit ibibigay na lang niya iyon dahil hindi kinaya ng konsensya niya nang makita ang matanda lalo pa at pakiwari niya ay hindi pa ito kumakain.

"Kumain na po ba kayo, Nay?" tanong ni Mari Casa sa matanda nang makalapit siya rito. Ilang sandali lang ay kusang kumawala ang luha sa mga mata niya na agad niyang pinahid dahil naalala niya sa matanda ang kaniyang ina. Nakaramdam siya ng konsensya dahil hindi man lang niya magawang puntahan ang kaniyang ina kahit na labis na siyang nananabik dito.

"Hindi pa, Hija," tugon ng matanda at tiningnan nito ang hawak na plastik ni Mari Casa.

"Ito po, kumain muna kayo." Ibinigay ni Mari Casa ang pagkaing binili ni Arthur sa isang fast food.

"Maraming salamat, Hija."

Tanging pagngiti lang ang naging tugon ni Mari Casa sa matanda matapos nitong kunin sa kaniya ang pagkain. Bigla tuloy niyang naisip ang magiging kalagayan ng kaniyang ina kapag tumanda na ito. Hindi niya gustong danasin nito ang nangyari sa matanda na naging palaboy na lang.

"Kagabi pa ako hindi kumakain, Hija."

"Bakit po kayo nandito, Nay? Nasaan po ang mga anak ninyo?"

Huminto sa pagkain ang matanda at bumakas ang lungkot sa mukha nito. "Ayaw na nila akong alagaan porket matanda na ako. Hindi man lang nila inisip na noong mga bata pa sila, halos makuba ako sa pag-aasikaso sa kanila."

Muling napaluha si Mari Casa sa sinabi ng matanda dahilan upang maiyak na rin ang matanda. Wala pa man siyang anak ngunit naramdaman niya ang sakit na nararamdaman ng matanda bilang isang inang pinabayaan na lang ng mga anak. Hindi niya maisip kung anong klaseng anak ang kayang pabayaan ang mga magulang. Nakalulungkot ngunit alam niyang nangyayari talaga iyon.

"Walang utang na loob po ang mga anak ninyo, Nay. Dapat sila ang nag-aalaga sa inyo," turan ni Mari Casa habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng luha mula sa mga mata niya.

"Pabigat na raw kasi ako." Nagpatuloy sa pagkain ang matanda. "Sino 'yang kasama mo?"

Lumingon si Mari Casa sa kaniyang likuran. Wala siyang ibang nakita maliban kay Debot na nasa likuran niya. Napakunot-noo siya matapos maisip na maaring ang kaibigan niya ang tinutukoy nito.

"Mukhang ako yata ang tinutukoy niya, Mari Casa. Nakatingin sa akin eh."

"Wala naman po ah." Ibinalik ni Mari Casa ang tingin sa matanda.

"Isa pang dahilan kaya pinabayaan ako ng mga anak ko dahil akala nila, baliw ako. Nakakakita kasi ako ng ibang nilalang na hindi nakikita ng mga tao." Tumigil ang matanda sa pagkain at bahagya itong ngumiti.

"Hello po," bati ni Debot sa matanda.

"Umuwi na tayo."

Tumayo si Mari Casa mula sa pagkakaupo nang marinig ang tinig ni Arthur sa kaniyang likuran. Matapos niya itong lingunin ay hinawakan niya ang kamay nito. "Puwede bang tulungan natin si Nanay, Arthur? Dalhin natin siya sa shelter. Hindi kasi ako mapapanatag kung aalis ako na nandito pa rin siya."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now