Kabanata 8

352 22 22
                                    

Napahinto si Arthur sa pag-ikot ng door knob ng silid nila ni Roxanne matapos makarinig ng mahinang ungol sa loob. Dahan-dahan niyang inalis ang kamay roon at pinili niyang tumayo sa harapan ng pinto para pakinggan kung sino ang nasa loob.

"Matagal ka pa ba, Greg? Baka biglang dumating si Arthur," pigil ang bawat paghingang tanong ni Roxanne at kasunod niyon ay ang impit na pag-ungol nito.

"Ayoko pa, Roxanne. 'Di ba mamayang gabi pa darating si Arthur?" Umungol si Greg at nagbanggit ito ng mura. "Sulitin na natin 'to."

Kung anu-anong mura ang narinig ni Arthur mula kay Roxanne at sa kasiping nitong lalaki. Gusto niyang suntukin ang lalaki sa loob para ilabas ang galit na nararamdaman niya ngunit hindi lang niya magawa dahil tila siya pa itong walang mukhang maiharap sa dalawa. Masakit sa kaniya ang ginagawang kataksilan ng asawa. Hindi niya alam na sa kabila ng pagmamahal na ipinakikita niya rito ay ganoon ang isusukli nito sa kaniya.

Habang naririnig ni Arthur ang pag-ungol ni Roxanne at ang pagbanggit nito sa pangalan ng kasiping ay tila isang kutsilyo ang mga katagang iyon na tumatarak sa kaniyang puso. Gusto niyang saktan ang asawa para malaman nito kung gaano kasakit ang ginawa nitong kataksilan ngunit hindi niya magawa dahil sa takot na hiwalayan siya nito.

Natauhan lang si Arthur matapos marinig ang malakas na pag-iyak ng anak na nasa loob. Mas lalo siyang nagalit dahil sa pamamahay na nga niya ginawa ni Roxanne ang kataksilan nito, nagawa pa nitong ipakita sa sariling anak ang kababuyan.

Hinawakan ni Arthur ang seradura ng pinto. Nagdadalawang-isip siya kung bubuksan ang pinto para kunin ang umiiyak na anak. Kahit gusto niyang pumasok ay tila wala siyang lakas ng loob na magpakita sa dalawa na may ginagawang kababuyan sa loob ng pamamahay niya.

"Shut up, Abby!" bulyaw ni Roxanne sa sariling anak.

Tanging pag-iyak na lang ang nagawa ni Arthur dahil hindi niya magawang kunin ang anak at dahil na rin sa kataksilan ng asawa. Hindi niya alam kung kailan pa sumisiping ang kaniyang asawa sa ibang lalaki. Hindi tuloy niya alam kung paano pa niya maayos ang kaniyang pamilya na hindi niya gustong masira.

"Bwisit! Sandali lang, Greg, papatahanin ko lang 'tong pesteng batang 'to."

"Kainis naman, malapit na ako eh."

Kahit labis na nagagalit ay pinili na lang ni Arthur na umalis ng bahay. Batid niyang sa ginawa niya ay para na rin niyang kinunsinti ang kataksilan ng asawa ngunit iyon lang nakikita niyang paraan para hindi masira ang pamilya niya. Kahit pa harap-harapan na siya nitong pagtaksilan ay handa siyang magbulag-bulagan.

Muling napahagulhol ng iyak si Mari Casa matapos pagmasdan ang litrato nila ni Debot na kuha noong high school sila. Naalala tuloy niya na palagi siya nitong ipinagtatanggol sa mga lalaking nambabastos sa kaniya. Ang isa nga sa hindi niya makalilimutan ay nang makipagsuntukan ito matapos siyang bastusin ng kaklase nila noong high school. Kahit nagtamo ito ng black eye ay nakuha pa rin nitong magbiro na magpapalit umano sila ng mukha.

"Ikaw kasi eh, tinulak mo pa ako samantalang puwede naman tayong sabay na mag-swimming sa lupa." Tila isang baliw si Mari Casa dahil nakuha pa niyang tumawa kahit na humahagulhol na siya ng iyak habang iniisip ang pagsagip ni Debot sa buhay niya.

Hindi tuloy alam ni Mari Casa kung makatatagpo pa siya ng kaibigan na katulad ni Debot. Kahit na maladas silang mag-asaran ay hindi nagbabago ang pagmamahal nila dahil alam niya na ang bawat asaran nila ay nagpapatunay na talagang malapit sila sa isa't isa. Hiling niya na sana ay mapatawad siya nito dahil hindi niya maitatanggi na dahil din sa kaniya kaya ito namatay.

"Pumunta rito 'yong mga magulang ni Debot, Anak."

Bahagyang tumahan si Mari Casa sa pag-iyak matapos marinig ang tinig ng kaniyang ina. Sinulyapan niya ito na nakatayo sa pintuan ng kaniyang silid. Hindi nakaligtas sa mga mata niya ang lungkot sa mukha nito para sa kaniya.

Isinandal ni Mari Casa ang ulo niya sa balikat ng kaniyang ina matapos nitong umupo sa higaan niya. "Bakit daw po?"

"Magpapasama sana sa'yo para asikasuhin ang kaso sa nakabunggo kay Debot at para na rin sa burol bukas. Sabi ko, nandito ka sa kwarto at umiiyak kaya sila na lang ang umalis."

"Ma, nagi-guilty pa rin ako sa nangyari kay Debot," pahayag ni Mari Casa at bahagyang lumakas ang pag-iyak niya. "Kung hindi dahil sa akin, buhay pa sana siya ngayon."

"Iniligtas ka ni Debot dahil mahal ka niya. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo."

Napapikit na lang si Mari Casa matapos masuyong haplusin ng kaniyang ina ang buhok niya. Hindi siya tumigil sa pag-iyak dahil iyon ang paraan niya para ilabas lahat ang bigat sa kaniyang dibdib. Sana lang ay matanggap niya na wala na si Debot dahil iniisip pa lang niya na hindi na niya ito makakasama at makikita ay binabalot na siya ng lungkot maging ng takot.

Napadilat si Mari Casa matapos marinig ang tinig sa labas ng kanilang bahay at kasunod ng pagtawag sa pangalan niya ay ang pagkatok sa pinto. Ilang sandali rin niyang pinakinggan ang tinig at matapos makilala kung sino ang nagmamay-ari niyon ay tila iniahon siya nito mula sa pagkakalubog sa kalungkutan. Ngayon ay napatunayan niya na si Arthur ang isa sa makapapawi ng sugat sa kaniyang puso.

Tumayo si Mari Casa. "Ako na po ang magbubukas ng pinto."

Lumabas ng silid si Mari Casa para pagbuksan ng pinto si Arthur. Hindi niya maitatanggi na nagdiriwang ang puso niya na makita ito kahit ilang oras pa lang ang nakalilipas nang ihatid siya nito. Alam niyang mali ang nararamdaman niya ngunit tila hindi na niya kayang pigilan iyon.

"Mari Casa," bungad ni Arthur matapos bumukas ang pinto. Ang lungkot ay sumisilay sa mga mata nito kahit pa nakangiti ito.

"A-Anong ginagawa mo rito, Arthur?" may halong pagtatakang tanong ni Mari Casa. Pigil ang pagngiti niya dahil hangga't maaari ay hindi niya gustong masaksihan ni Arthur ang malapad niyang pagngiti dahil sa sayang nararamdaman sa pagpunta nito.

"Hindi sana ako pupunta rito dahil alam kong nagluluksa ka pero hindi ko alam kung saan ako pupunta. Si Fred kasi, hindi sinasagot ang tawag ko." Nawala na ang ngiti sa labi ni Arthur at ang lungkot ay tuluyan nang gumuhit sa mukha nito.

Nakatitig lang si Mari Casa kay Arthur dahil nagdadalawang-isip siya kung tatanungin niya ito kung ano ang problema nito dahil base sa nakikita niya sa mukha nito ay may pinagdaraanan ito. Hindi siya makapaniwala na ang tila perpektong kagaya nito ay may kinahaharap ding problema. Wala nga talagang perpektong tao sa mundo.

"Buti na lang nagtanong-tanong ako kaya nalaman ko 'tong bahay ninyo."

"Kung nandito ka para bawiin 'yong binigay mong fifty thousand, pasensya na pero na gastos na namin."

Humarap si Mari Casa sa kaniyang ina at ngumiti siya. "Nakalimutan ko nga po palang banggitin sa inyo ang tungkol sa kaniya, Ma."

"Bakit, may kailangan ba akong malaman, Anak?" Bahagyang ngumiti ang ina ni Mari Casa at tumango-tango ito na tila alam na nito ang dahilan ng pagpunta ni Arthur. "Bakit hindi mo naman agad sinabi sa akin na nililigawan ka na pala nito."

Napasapo na lang si Mari Casa sa kaniyang noo matapos papasukin at paupuin ng kaniyang ina si Arthur. Nahihiya siya sa sinabi nito dahil maaring mailang sa kaniya si Arthur. Maari ring dahil doon ay maudlot ang namumuong pagkakaibigan nila.

"Sinagot ka na ba ni Mari Casa, Hijo? Ikaw ang first boyfriend ng anak ko kasi napakapihikan niya sa lalaki. Akala ko nga, kaya ayaw niyang tanggapin ang mga manliligaw sa kaniya dahil babae ang gusto niya. Mabuti naman, mapapanatag na ang loob ko," tila isang kotse na tuloy-tuloy ang andar na turan ng ina ni Mari Casa.

"Ma, may asawa at anak na po si Arthur." Napakamot na lang si Mari Casa at sinulyapan niya si Arthur na nakangiting nakatingin sa kaniya. "Pagpasensyahan mo na 'yan si Mama, Arthur. Sabik lang kasi 'yang magkaroon ng apo."

"Naku, pasensya na sa mga nasabi ko, Hijo. Akala ko kasi, nanliligaw ka sa anak ko."

"Kung wala nga lang po akong pamilya, bakit hindi ko po ligawan ang anak ninyo."

Tanging paglunok lang ang nagawa ni Mari Casa habang nakatitig siya kay Arthur na nakatitig din sa kaniya. Gusto niyang alisin ang tingin niya mula rito ngunit tila magnet iyon na pilit siyang hinahatak.

Hindi alam ni Mari Casa kung bakit iyon nasabi ni Arthur. Ano pa mang dahilan nito ay hindi niya maikakailang nakaramdam siya ng kilig ngunit naroon pa rin ang lungkot dahil alam niyang imposible iyong mangyari.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon