Kabanata 22

325 16 20
                                    

"Kailangang kumain ka nang kumain para mabilis kang gumaling." Nilagyan ni Mari Casa ng gulay ang plato ni Arthur at siya na rin ang naglagay ng kanin sa plato nito.

Napatotohanan na ni Mari Casa na masarap magmahal tulad ng sinabi ni Debot at hindi niya alam na ganoon pala kasarap sa pakiramdam na inaasikaso ang taong minamahal. Palagi tuloy niyang sinasabi na napakasuwerte talaga ni Roxanne dahil si Arthur ang naging asawa nito. Alam niyang naisip din nito na suwerte ito sa asawa dahil nakatagpo ito ng lalaki na ang mga kagaya nito ay tila malapit nang maglaho sa mundo.

"Puwede ba, Roxanne, huwag ka nang um-acting. Oo na, ibibigay na sa iyo ang Best Actress Award," nakataas ang kilay na turan ni Mama Rose. Nakaupo ito sa harapan nina Mari Casa at Arthur.

"Gusto ko lang naman pong asikasuhin si Arthur, Mama Rose. Wala naman pong masama sa ginagawa ko." Napabuntong-hininga si Mari Casa at bahagya siyang napayuko. Pakiramdam niya ay hindi niya kakayanin ang katarayan ni Mama Rose at maaring ito pa ang maging dahilan upang mapilitan siyang humanap ng paraan para makaalis na sa katawan ni Roxanne.

"Baka kidlatan ka sa ginagawa mo," sabat ni Cecil na nakaupo sa tabi ni Mama Rose.

"Kahit ano pang sabihin ninyo, aasikasuhin ko si Arthur. Kailangan niyang gumaling agad para maalagaan ang anak niya." Taas-noo si Mari Casa habang nagsasalin ng tubig sa baso ni Arthur. Kahit maging maid pa siya nito ay tatanggapin niya lalo pa at masaya siya sa ginagawa niya.

"Anak niya?" nanatiling nakataas ang kilay na tanong ni Mama Rose at bahagya pa itong nagpunas ng tissue sa labi. "Hindi mo nga pala tinuturing na anak 'yong apo ko kaya bakit pa nga pala ako magtataka."

Hindi na tumugon si Mari Casa dahil alam niyang hindi matatapos ang bangayan nila ni Mama Rose kung magsasalita pa siya. Itinuon na lang niya ang atensyon kay Arthur na kumakain ng pananghalian. Kung tutuusin ay puwede siyang magpakalayo-layo dahil tila malapit na siyang sumuko sa katarayan ni Mama Rose lalo pa at hindi siya sanay na pakitunguhan nang ganoon. Hindi lang niya iyon maaaring gawin dahil alam niyang kailangan siya ni Arthur maging ng anak nito.

Gusto mang tanungin ni Mari Casa si Arthur kung bakit hindi maganda ang pakikitungo ni Mama Rose maging ni Cecil kay Roxanne ngunit hindi niya magawa. Alam niyang si Roxanne ang higit na nakaaalam kung bakit ganoon ang pakikitungo ng biyenan nito at kung magtanong pa siya hinggil doon ay maaring tuluyan nang magduda si Arthur. Kung hindi man napaamo ni Roxanne ang biyenan nito, siya na ang gagawa ng paraan para tuluyan nang magkabati ang dalawa.

Huminto sa pagkain si Arthur at ibinaling nito ang tingin kay Mari Casa. "Ikaw, hindi ka pa ba kakain?"

Napawi ang ngiti ni Mari Casa nang mapagtantong matagal na nagtama ang tingin nila ni Arthur. Nakaramdam tuloy siya ng hiya dahil ilang sandali siyang nakatitig dito habang nakangiti. Napalunok siya at umayos ng upo habang nakararamdam ng hiya dahil alam nitong nakatulala siya rito habang nakangiti.

"Hindi ka pa ba kakain?" muling tanong ni Arthur at matamis itong ngumiti.

"M-Mamaya na ako, Arthur. Hindi pa naman kasi ako nagugutom." Sa totoo lang ay kanina pa kumakalam ang sikmura niya dahil sa gutom. Nahihiya lang siyang kumain dahil alam niyang malakas siyang kumain. Ngumiti siya at muling sinandukan ng kanin si Arthur.

Napailing si Mama Rose at muling tumaas ang kilay nito. "Kailangan pang maaksidente ng anak ko para asikasuhin mo siya nang ganiyan."

Ilang sandali rin bago tingnan ni Mari Casa si Mama Rose. "Bakit, hindi po ba 'to ginagawa ni Roxanne? Ang ibig kong sabihin, inaasikaso ko naman po si Arthur dati pa."

"Ma, hayaan na lang natin si Roxanne. Asawa ko siya kaya aasikasuhin niya ako."

Naibaling ni Mari Casa ang tingin kay Arthur. Lihim siyang napangiti dahil kahit hindi siya ang asawang tinukoy nito, pakiramdam niya ay siya iyon kaya naman halos magdiwang siya. Muli niyang ibaling ang tingin kay Mama Rose at napawi ang ngiti niya matapos mapagtantong nakatitig ito sa kaniya habang nakataas pa rin ang kilay.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now