Kabanata 18

328 16 15
                                    

"Arthur, nasaan ka?" Iginala ni Mari Casa ang tingin sa paligid sa pagnanais makita si Arthur ngunit hindi na niya ito nakita pa. Balak pa sana niya itong lapitan ngunit naglaho agad ang kaluluwa nito.

Naguguluhan si Mari Casa kung bakit nakita niya ang kaluluwa ni Arthur. Dapat ay maging masaya siya dahil sa wakas ay nakita ulit siya nito ngunit hindi niya makuhang maging masaya lalo pa at hindi niya gustong mamatay ito. May asawa at anak itong mauulila.

"Nasaan na siya, Mari Casa?" palaisipang tanong ni Debot habang iginagala rin nito ang tingin dahil nakita rin nito si Arthur.

"Hindi ko rin alam, Debot." Patuloy na iginala ni Mari Casa ang tingin dahil umaasa pa siyang makikita niya si Arthur para payuhan niya itong lumaban. Muli niyang sinulyapan ang sasakyan kung saan lulan si Arthur. "Debot, alamin mo nga kung humihinga pa si Athur."

Hinintay ni Mari Casa ang paglabas ni Debot dahil pumasok ito sa loob upang pulsuhan si Arthur. Kung buhay lang siya ay kanina pa siya nawalan ng malay dahil sa tensyon na nararamdaman niya. Labis siyang nangangamba dahil alam niya ang dahilan kung bakit nagkita sila ng kaluluwa nito.

Nanghihinayang si Mari Casa dahil ilang segundo lang silang nagkita ni Arthur. Ni hindi man lang niya ito nakausap upang sabihin na lumaban para sa pamilya nito. Nakasisiguro siyang kung nasabi niya iyon ay nanaisin pa nitong mabuhay at makabalik sa katawan.

"A-Ano, Debot?" nangangatog ang labing tanong ni Mari Casa dahil sa labis na tensyon nang lumabas si Debot mula sa sasakyan.

"Buhay pa siya, Mari Casa. Alam ko na kung bakit biglang nawala ang kaluluwa ni Arthur dahil bumalik iyon sa katawan niya."

Halos mapaiyak si Mari Casa dahil sa sinabi ni Debot. Tumingala siya upang magpasalamat sa itaas sa pagligtas nito kay Arthur. Alam niyang dininig nito ang panalanging mabuhay pa ang lalaking mahal niya.

Ibinalik ni Mari Casa ang tingin kay Debot at ngumiti siya. "Basta, bantayan mo siya, Debot. Pupuntahan ko si Roxanne. Kung may makakita sa inyo rito, sumama ka kung dadalhin siya sa ospital."

"Paano mo sasabihin kay Roxanne?" bakas ang kawalang pag-asa sa mukha na tanong ni Debot. Bumagsak ang balikat nito matapos balingan ng tingin ang sasakyan ni Arthur.

"Bahala na, Debot." Tumakbo na si Mari Casa patungo sa bahay nina Arthur at Roxanne dahil natandaan naman niya kung saan dumaan ang sasakyan.

Binilisan ni Mari Casa ang pagtakbo para makarating na agad sa bahay na pakay niya lalo pa at alam niyang nanganganib ang buhay ni Arthur. Sa totoo ay hindi niya alam kung ano ang gagawin para maipaalam kay Roxanne ang nangyari sa asawa lalo pa at isa siyang kaluluwang hindi makikita ng buhay na tao. Tila pakiramdam niya ay susugal siya kahit alam niyang isandaang porsyento siyang matatalo ngunit sa kabila niyon, umaasa pa rin siyang manalo.

Pagpasok pa lang ni Mari Casa sa loob ng bahay ay narinig niya ang iyak ng batang babae na alam niyang anak nina Arthur at Roxanne. Agad niyang hinanap kung saan iyon nagmumula hanggang dalhin siya niyon sa silid na nakabukas ang pinto. Walang pakundangan siyang pumasok doon dahil nais niyang sulitin ang bawat segundo lalo pa at hindi niya alam kung ano na ang lagay ni Arthur.

Nahabag si Mari Casa sa anak nina Arthur at Roxanne na iyak nang iyak habang nasa kulong-kulong. Nais na sana niyang lapitan ang natutulog na si Roxanne ngunit hindi niya natiis ang bata kaya nilapitan niya ito. Ilang sandali lang ay tumigil ang bata sa pag-iyak na tila naramdaman nito ang presensya niya. Marahil ay nangangamba lang ang bata dahil akala nito ay mag-isa ito.

Mula sa pagtitig sa anak nina Arthur at Roxanne ay muling naalala ni Mari Casa ang dahilan ng pagpunta niya sa bahay ng mag-asawa. Lumapit siya at tumayo sa gilid ni Roxanne na himbing na himbing sa pagtulog habang nakatakip ang katawan nito ng kumot. Tila ang sarap ng tulog nito dahil nakatihaya ito at hindi man lang narinig ang iyak ng anak na pakiwari niya ay kanina pa umiiyak.

"Ano bang gagawin ko?" Napakamot na lang si Mari Casa sa ulo dahil sa kalituhan. "Roxanne, mamaya mo na ituloy 'yang pagtulog mo. Oo alam kong masarap matulog pero kailangang-kailangan ka ng asawa mo."

Tama nga ang kaibigan ni Mari Casa na wala siyang magagawa para ipaalam kay Roxanne ang nangyari kay Arthur. Tila kahit ano ang gawin niya ay hindi niya ito magigising gayon ang iyak nga ng anak nito ay hindi nagpagising dito. Sa kabila niyon ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asang magigising niya ang natutulog na si Roxanne.

Sinubukang tapikin ni Mari Casa ang mukha ni Roxanne ngunit hindi niya naramdaman ang paglapat ng palad sa pisngi nito. Dahil doon ay sinubukan na lang niyang sampal-sampalin ito ngunit wala pa ring nangyari. Kahit daganan pa yata niya ito ay hindi pa rin niya ito magigising dahil isa siyang kaluluwa.

Inilapit ni Mari Casa ang bibig sa tainga ni Roxanne. "Roxanne, Gumising ka! Kailangan ka ni Arthur!"

Napangiti si Mari Casa nang bahagyang gumalaw si Roxanne ngunit ang posisyon nito sa pagtulog ay nanatiling nakatihaya habang natatakpan pa rin ng kumot ang katawan nito hanggang leeg. Napawi ang ngiti sa labi niya dahil hindi man lang ito dumilat bagkus nanatiling tulog.

Napasapo sa noo si Mari Casa dahil nag-aalala na siya para kay Arthur. Nangangamba siya na maaring bawian ito ng buhay. Hindi rin niya alam kung may nakakita na ba kay Arthur at hiling niya, mayroon na.

"Roxanne, please. Gumising ka na." Napaupo na lang si Mari Casa sa kinahihigaan ni Roxanne habang sapo-sapo ang noo. Matapos ang ilang sandali ay tumayo siya. "Try ko kayang saniban 'to para magising?"

Hindi na nag-alangan si Mari Casa na sumanib sa katawan ni Roxanne kahit pa hindi siya nakasisiguro kung makakapasok siya sa katawan nito. Sa totoo lang ay natatawa na lang siya sa ginawa niya dahil alam niyang imposibleng masaniban niya si Roxanne lalo pa at hindi naman siya naniniwala sa sanib. Alam niyang nangyayari lang iyon sa mga likha ng mga manunulat.

Matapos ang ilang sandali ay dumilat si Mari Casa. Ilang sandali rin siyang nakahiga bago umupo mula sa pagkakahiga. Napabuntong-hininga siya matapos maisip na walang nangyari at tama siya, hindi totoo ang sanib. Gawa-gawa lang iyon ng mga taong may malilikot na imahinasyon.

Nanlaki ang mga mata ni Mari Casa matapos maalala si Arthur. Hindi niya alam kung ano na ang lagay nito at kung may nakakita na ba rito. Dahil sa labis na pagkataranta ay tumayo siya para lumabas na at bumalik sa kinaroroonan ni Arthur bitbit ang lungkot dahil wala siyang nagawa para masabi kay Roxanne ang nangyari sa asawa nito. Umaasa na lang siya na may nakita kay Arthur para madala na ito sa ospital.

Paglabas pa lang ni Mari Casa nang silid ay sumalubong na sa kaniya ang babaeng sa pakiwari niya ay nasa edad beinte pataas. Nakatingin ito sa kaniya na tila nakakita ito ng multo.

"M-Ma'am, alam na po ba ninyong naaksidente si Sir Arthur?"

"Kaya nga ako pumunta rito para sabihin ang tungkol doon," tugon ni Mari Casa. Naramdaman niya ang pangangatog ng tuhod sanhi ng labis na pagkataranta.

"Nandoon po siya sa Trinidad Hospital. Nandoon na rin po si Ma'am Rose kasama niya si Ate Cecil."

"Salamat." Patakbong lumabas si Mari Casa para pumunta sa ospital na sinabi ng babae. Mabuti na lang ay alam niya iyon kaya hindi na siya mahihirapang matunton ang ospital na iyon.

Patuloy sa pagtakbo si Mari Casa dahil nais na niyang makarating sa ospital para alamin ang lagay ni Arthur. Hiling niya ay maging ligtas ito para makasama pa nito ang pamilya. Nagpapasalamat naman siya dahil kahit hindi niya naipaalam kay Roxanne ang nangyari sa asawa nito, nadala pa rin sa ospital si Arthur.

Napapakunot-noo si Mari Casa dahil tila pinagtitinginan siya ng mga tao gayon ay hindi naman siya nakikita ng mga ito. Hindi na lang niya inintindi ang mga ito dahil nais niyang makarating na agad sa ospital kaya mas binilisan niya ang pagtakbo.

Borrow for LoveOn viuen les histories. Descobreix ara