Kabanata 17

351 17 19
                                    

"Aray ko naman, nasasaktan ako." Inalis ni Mari Casa ang kamay ni Debot na mahigpit na nakahawak sa kaniyang bisig. Tila maputol na nga ang kamay niya habang hinahatak siya nito papalayo kina Arthur.

Sumimangot si Mari Casa dahil hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip ni Debot para lumayo sila kay Arthur at sa ina nito. Balak pa naman sana niyang makinig sa pag-uusap ng mga ito lalo pa at naiintriga siya sa ipagtatapat ni Arthur. Gusto niyang malaman kung ano ang sasabihin nito patungkol sa kaniya.

"Hindi mo ba alam na bawal makinig sa pag-uusap ng iba?" nakataas ang kilay na paninita ni Debot at dinuro nito si Mari Casa.

"Wala namang masama kung makikinig ako sa usapan nila ah?" Inirapan ni Mari Casa ang kaibigan at ibinaling niya ang tingin kina Arthur at sa ina nito na ilang metro ang layo sa kanila ni Debot.

"Paulit-ulit na lang tayo, Mari Casa." Napasapo si Debot sa noo at malalim itong napabuntong-hininga. "May limitasyon tayo, Inday. Hindi porket hindi na nila tayo nakikita, sasamantalahin na natin 'yon."

Tiningnan ni Mari Casa si Debot at tinaasan niya ito ng kilay. "Kaya pala namboboso ka ng mga lalaki sa banyo 'no?"

"Hoy, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na charot-charot ko lang 'yon 'no. Kahit gusto kong pumasok sa kubeta habang naliligo 'yong mga crush kong lalaki, nagpigil pa rin ako." Bumalik sa normal ang posisyon ng kilay ni Debot at ngumiti ito. "Kung ginawa ko 'yon, hindi ako anghel ngayon."

Hindi na nagsalita si Mari Casa dahil may punto si Debot. Sa kabila niyon ay nakararamdam pa rin siya ng inis dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin ni Arthur. Inisip na lang niya na marami pa namang araw. Malalaman din niya kung ano iyon.

Napakunot-noo si Mari Casa habang nakatingin siya kay Debot. Hindi niya inalis ang tingin sa kaibigan dahil may iniisip siya. Napatanong na lang tuloy siya sa kaniyang sarili kung bakit hindi niya agad naitanong sa kaibigan ang gusto niyang itanong.

"Bakit ganiyan ka makatingin?" tanong ni Debot at muli na namang tumaas ang kilay nito.

"May naisip lang kasi ako. Ang sabi mo, ilang araw kang naging kaluluwang ligaw." Tumango-tango si Mari Casa. "Ibig sabihin, gaya ko, hindi ka agad umalis dito sa mundo 'no?"

Sandaling natahimik si Debot bago ito nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Tama, kaya nga nang tumakbo ka kanina, nakita ko ang sarili ko sa iyo dahil nang kukunin na rin ako ng langit, tumanggi muna ako kasi hindi ko pa talaga kayang iwan ang mga mahal ko sa buhay."

"Tingnan mo na, tapos pinipilit mo akong tumawid na." Niyakap ni Mari Casa si Debot. "Mag-bestfriend nga talaga tayo kasi hanggang sa kamatayan, magkasama pa rin tayo."

"Masyado mo kasi akong mahal kaya sinundan mo ako sa kabilang buhay," turan ni Debot at bahagya itong tumawa. "Palapit na si Arthur, Bakla."

Kumalas si Mari Casa mula sa pagkakayakap kay Debot. Matapos sumakay ni Arthur sa sasakyan ay agad din siyang sumakay kasunod si Debot sa pangambang maiwan sila nito. Napatingin na lang siya sa kaibigan nang nakangiti matapos umandar ang sasakyan.

"Alam mo, kanina ko pa nahahalata na parang malungkot si Arthur, Inday," pahayag ni Debot matapos ang ilang sandaling katahimikan. Sandali pa itong napailing bago muling ibaling ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan.

Tinitigan ni Mari Casa si Arthur mula sa rear-view mirror. Tanging pagpapakawala ng malalim na buntong-hininga lang ang nagawa niya dahil gaya ni Debot, kanina pa niya nakikita ang lungkot sa mukha ni Arthur. Hindi man niya alam ang tunay na dahilan niyon ay nakasisiguro siya na isa siya sa dahilan kung bakit ito malungkot.

"Ayoko mang sabihin 'to, pero baka ikaw ang dahilan, Mari Casa." Ibinaling ni Debot ang tingin nito kay Mari Casa. "Nalulungkot siya dahil nawalan siya ng kaibigan. Pero okay ka naman ba kahit friend lang ang turing niya sa iyo?"

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now