Kabanata 43

288 13 26
                                    

Napapikit na lang si Mari Casa nang siyang hagkan ni Arthur. Matapos niyon ay idinikit nito ang ilong sa ilong niya at matamis itong ngumiti. Kahit halos maduling siya dahil sa sobrang lapit ng kanilang mga mata ay tinitigan pa rin niya ito at matamis din siyang ngumiti. Sandali pa niya itong tinitigan bago siya humiga sa mga hita nito at ibinaling niya ang tingin sa maliwanag na kalangitan.

Kinuha ni Mari Casa ang natutulog na si Abby at inihiga ito sa dibdib niya. Kahit hindi niya kadugo ang anak ni Arthur ay itinuring na niya itong totoong anak. Pakiramdam nga niya ay parang totoong pamilya sila ni Arthur at kung ang mga ito ang kaniyang naging pamilya, masasabi niyang napakasuwerte niya.

"Sa susunod, sa Palawan tayo pupunta, Mari Casa."

Sinulyapan ni Mari Casa si Arthur at ngumiti siya. "Kahit ganito kasimpleng lugar lang, okay na ako basta kasama ko ang taong mahal ko."

Para kay Mari Casa, para na rin silang nasa paraiso ni Arthur kahit nasa simpleng lugar lang sila. Malapit lang iyon kung saan sila tumuloy para makalayo sa mga problema. Para sa katulad niya, paraiso niyang mailalarawan ang kinaroroonan nila. Ang malawak na lupain ay nagmistulang kulay berde dahil sa maliliit na damo at may mangilan-ngilan ding mga puno sa paligid ngunit bilang lang sa daliri ang mga iyon.

"Minsan na rin ba ninyong nagawa ni Roxanne 'to, Arthur?" tanong ni Mari Casa nang hindi sinusulyapan si Arthur dahil nakatuon lang ang tingin niya sa kalangitan kahit pa alam niyang pinagmamasdan siya nito.

"Bilang lang yata sa daliri ko dahil gaya nga ng sinabi sa iyo ni Roxanne, masyado akong abala sa trabaho."

Sa wakas ay sinulyapan din ni Mari Casa si Arthur. "Siguro kung mas itinuon mo ang atensyon sa pamilya mo, masaya pa rin sana kayo ni Roxanne at siguro, namatay na lang ako nang hindi kita nakikilala."

Natahimik si Arthur habang walang emosyon sa mukha nito. Matapos ang ilang sandali ay ngumiti ito at hinagkan si Mari Casa sa noo. "Siguro kaya nangyari 'yon dahil itinadhana talaga tayong magkakilala."

Napangiti si Mari Casa matapos niyang maalala ang araw na may nangyari sa kanila ni Arthur. Marahil ay lagi niya iyong maaalala kahit nasa langit na siya dahil ang araw na iyon ay isa sa mga nangyari sa buhay niya na hindi niya makalilimutan. Hiling lang niya na hindi siya itakwil sa langit dahil sa nagawa niyang iyon.

"May nakakatawa ba sa sinabi ko, Mari Casa?"

Hinawakan ni Mari Casa ang kamay ni Arthur at masuyo niya iyong hinagkan. "Naalala ko lang kasi 'yong araw na may nangyari sa akin. Sigurado ka bang ako ang nasa isip mo nang gabing 'yon kasi siyempre, katawan ni Roxanne ang gamit ko."

"Masaya ako dahil ako ang nakauna sa babaeng mahal ko."

Bahagyang natawa si Mari Casa. "Bakit nga pala natin pinag-uusapan 'yon sa harap ng anak natin, Arthur."

Ngumiti si Arthur at muli nitong hinagkan sa noo si Mari Casa. "Anak natin si Abby, Mari Casa."

"Alam mo, napapatanong ako sa sarili ko na ano kaya ang ginawa ko kung sinabi mo lang nang personal at nabasa ko agad 'yong sulat mo." Sandaling napangiti si Mari Casa bago siya umupo. Inilapag niya ang natutulog na si Abby.

"Hindi na mahalaga 'yon dahil ang mahalaga, magkasama tayo ngayon." Bumuntong-hininga si Arthur at napangiti ito. "Buti nga hindi nawala 'yong sobreng 'yon dahil dala ko 'yon noong naaksidente ako. Mabuti nga, ibinigay ng doktor ang sobre kay Mama kaya siya ang nagtabi n'yon."

"Kung hindi ko pa pala nabasa ang sulat na 'yon, wala ka talagang planong sabihin sa akin na mahal mo rin pala ako?"

"Hindi ko man masabi, ang mahalaga naramdaman mong mahal kita."

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon