Kabanata 45: Ang Pagwawakas

453 16 34
                                    

"Sigurado ka bang hindi na ikaw ang anak ko?"

"Hindi na po ako si Mari Casa. Ako po si Roxanne."

Binitiwan ni Arthur ang kamay ni Roxanne. Ilang sandali rin niyang hawak iyon habang wala pa itong malay dahil akala niya, si Mari Casa pa ang nasa katawan nito. Iyon na rin ang inasahan niya ngunit pinilit pa rin niyang paniwalain ang sariling hindi umalis ang kaluluwa ng babaeng mahal niya sa katawan ni Roxanne.

"Nasaan na ang anak ko?" Napaiyak na lang si Nanay Marife habang pilit nitong hinahanap sa paligid si Mari Casa sa pagbabaka-sakaling nandoon ang kaluluwa ng anak.

"Sorry po pero hindi ko alam kung nasaan siya. Hindi ko nga rin po maalala kung paano ako nakabalik sa katawan ko."

Napatitig si Arthur kay Roxanne dahil ipinagtaka niya ang pagiging magalang nito habang kausap si Nanay Marife. Noon naman talaga ay magalang ito kapag kausap ang mga matatanda ngunit bigla itong nagbago kasabay ng panlalamig nito sa kaniya. Sa kabila niyon ay pinaniwalaan niya si Roxanne na nakabalik na ito sa katawan dahil alam niyang hindi naman magagawang magsinungaling ni Mari Casa.

Nanatiling walang emosyon sa mukha ni Arthur kahit pa nakangiti sa kaniya si Roxanne. Hindi niya gustong magsinungaling kung ano ang nararamdaman niya dahil ang totoo, hindi siya masayang nakabalik na ito sa tunay na katawan lalo pa at nasanay na siyang si Mari Casa ang kasama niya. Kahit pa ang asawa niya ang nakikita niya kay Mari Casa, ang mahalaga ay nararamdaman niya ang pagmamahal nito para sa kaniya.

"Sigurado ka bang hindi mo talaga alam kung nasaan si Mari Casa, Roxanne?" Nais tiyakin ni Arthur kung nagsasabi ng totoo si Roxanne dahil wala na siyang tiwala sa kaniyang asawa lalo pa at sinabi na rin sa kaniya ni Greg na kasabwat ito sa plano ng dalawa na kunin ang lahat ng pera niya.

"Maiwan ko muna kayong mag-asawa." Patuloy sa pag-iyak na lumabas si Nanay Marife ng silid.

"Alam kong hindi mo ako magawang paniwalaan pero nagsasabi ako ng totoo, Arthur."

Hindi nakapagsalita si Arthur. Hindi niya gustong masaksihan ni Roxanne ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata ngunit hindi na niya iyon napigilan. Nag-aalala siya para kay Mari Casa dahil hindi niya alam kung nasaan ito. Natatakot din siya na maaring hindi na niya ito makasama. Hindi niya kayang tanggaping tumawid na ito sa kabilang-buhay nang hindi man nagpapaalam sa kaniya.

Akmang hahakbang na si Arthur palayo kay Roxanne nang pigilan siya nito. Ilang sandali rin bago niya ito tingnan. Kahit nasaksihan niya ang pagbuhos ng luha sa mga mata nito ay wala siyang naging reaksyon dahil tila naging bato na ang puso niya para sa asawa.

"Alam mo, hindi na ako nagtataka kung bakit minahal mo si Mari Casa." Matapos makapagpahid ng luha ay ngumiti si Roxanne. "Napakabuti niyang tao. Hindi na rin ako nagagalit kung bakit mas pinili mong manatili siya sa katawan ko."

Inaamin ni Arthur na biglang lumambot ang puso niya para kay Roxanne dahil naramdaman niyang bukal sa puso nito ang mga sinabi. Sa kabila niyon ay nanatili siyang nakatitig sa kaniyang asawa. Hindi rin niya alam kung paano niya ito pakikitunguhan lalo pa at may galit pa rin siyang nararamdaman para rito.

"Sa kabila ng mga nagawa ko kay Mari Casa, nagawa pa rin niya akong tulungan para makatakas kay Greg." Napawi ang ngiti sa labi ni Roxanne at malalim itong napabuntong-hininga. "Nasaan nga pala ang lalaking 'yon?"

"Nandito rin siya sa ospital at nagpapagaling."

"Patawarin mo ako sa mga nagawa ko, Arthur," umiiyak na paghingi ng tawad ni Roxanne.

Muling umupo si Arthur sa tabi ni Roxanne. Hindi sana niya gustong ngumiti sa asawa ngunit hindi na rin niya napigilan ang sarili dahil masaya siyang pinili na ng kaniyang asawa na talikuran ang maling nagawa. Hinawakan niya ang kamay nito upang iparating na pinapatawad na niya ito dahil inaamin niyang may kasalanan din siya kung bakit nagawa iyon ng kaniyang asawa.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now