Kabanata 15

336 16 15
                                    

"Kung si Arthur ang naging asawa mo, ang suwerte mo siguro, Mari Casa."

Ngumiti lang si Mari Casa bilang pagtugon kay Debot. Agad ding napawi ang ngiti sa kaniyang labi lalo pa at lungkot ang namamayani sa kaniyang puso. Ilang sandali pa ay muli na namang umagos ang luha mula sa kaniyang mga mata.

Akala ni Mari Casa ay wala nang luhang bubuhos mula sa kaniyang mga mata dahil habang ibinabaon ang katawan niya sa lupa ay humahagulhol siya ng iyak. Tila para siyang namatayan at hindi nga niya maisip na siya ang iniiyakan niya. Mas lalo pa siyang napahagulhol ng iyak dahil humahagulhol din ang kaniyang ina. Naramdaman niya ang matinding lungkot sa puso ng kaniyang ina.

"Kahit silang dalawa na lang ang tao rito, hindi pa rin iniiwan ni Arthur si Ate Marife. Handa talaga niyang damayan ang mama mo."

"Hindi ko akalain na ganoon na rin pala kahalaga kay Arthur ang pinagsamahan namin kahit napakaikli lang niyon," turan ni Mari Casa habang patuloy sa pag-iyak.

"Mabuti na lang talaga, nandiyan si Arthur dahil kung wala, baka kung ano ang gawin ng mama mo."

Nilapitan ni Mari Casa ang kaniyang ina na nakaupo habang nakadampi ang palad nito sa lapida niya. Umupo siya at niyakap ito kahit pa hindi niya maramdaman ang katawan nito. Napahagulhol muli siya ng iyak dahil sa labis na lungkot.

Hindi pa rin matanggap ni Mari Casa na iniwan na niya ang kaniyang ina. Nangako pa naman siya sa kaniyang ama na siya ang mag-aalaga sa kaniyang ina hanggang pagtanda nito ngunit hindi na niya iyon magagawa. Labis siyang nag-aalala sa mga araw na kahaharapin ng kaniyang ina nang wala siya. Hindi niya alam kung paano ito babangon at magpapatuloy sa buhay.

Alam ni Mari Casa na hindi habambuhay ay nasa tabi siya ng kaniyang ina para samahan ito sa araw-araw na pamumuhay. Kung siya lang ang masusunod, kahit pa kaluluwa na lang siya ay ayos na iyon sa kaniya matiyak lang niyang ligtas ang kaniyang ina. Kahit hindi siya nito nakikita ay masaya pa rin siya makasama lang ito.

Tumayo si Mari Casa at nilapitan niya si Arthur na nakatayo sa likuran ng kaniyang ina. Tinitigan niya ito na parang magkatitig sila sa isa't isa. "Maraming salamat, Arthur. Kung naririnig mo lang ako, gusto kong sabihin sa iyo na ikaw nang bahala kay Mama pero alam ko na parang imposibleng magawa mo 'yon dahil may sarili kang pamilya."

Napatingin si Mari Casa sa likuran ni Arthur matapos makita ang papalapit sa si Fred. Hinintay niya ang paglapit nito dahil tila may importante itong sasabihin lalo pa at nagmamadali ito.

"Bro, nag-text na sa akin si Roxanne. Tinatanong niya sa akin kung nasaan ka. Ano'ng isasagot ko?"

"Wala," tipid na sagot ni Arthur.

Napakunot-noo si Mari Casa sa naging tugon ni Arthur. Wala siyang nakitang pangamba sa mukha nito na maaring magalit ang asawa nito. Tila wala itong pakialam sa mararamdaman ng asawa.

"Magtataka na talaga 'yon dahil araw-araw kang umaalis. Buti sana kung sinasabi mo sa kaniya kung saan ka pumupunta."

Napabuntong-hininga na lang si Mari Casa dahil hindi pala alam ng asawa ni Arthur na nakikiramay ito sa kaniya. Nagi-guilty tuloy siya dahil maaring mag-away pa ang mag-asawa nang dahil sa kaniya. Napapatanong na lang tuloy siya kung bakit inilihim ni Arthur ang pagpunta nito sa kaniya. Kahit gusto niyang malaman ang sagot sa tanong niya ay tila hindi naman niya iyon malalaman dahil isa na lang siyang kaluluwa.

"Tara na, Arthur. Umuwi na tayo."

"Mauna ka na, Fred. Sabihin mo na lang kay Roxanne na marami pa akong ginagawa." Ilang sandaling natahimik si Arthur. "Hindi ko puwedeng iwan dito ang mama ni Mari Casa. Hindi man kami nakapag-usap, alam kong gusto ni Mari Casa na bantayan ko ang mama niya."

Napangiti si Mari Casa at kasunod niyon ay ang muling pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. Niyakap niya ito kahit pa hindi niya madama ang katawan nito. "Maraming salamat, Arthur."

Naging panatag ang loob ni Mari Casa dahil alam niyang hindi na mag-iisa ang kaniyang ina. Kahit papaano ay may makakasama at may malalapitan ito sa oras na nalulungkot. Nagpapasalamat siya dahil dumating sa buhay niya si Arthur na kahit maikling panahon lang silang nagkasama ay masaya pa rin siya.

"Kung iyan ang gusto mo, mauuna na ako, Bro." Tinapik-tapik ni Fred ang likod ni Arthur bago ito lumakad palayo

"Inday, ito na ang hinihintay natin!" turan ni Debot na halos lumundag pa ito sa tuwa.

Napatingin si Mari Casa kay Debot. Ibinaling niya ang tingin sa direksyon kung saan nakatuon ang tingin nito. Nanlaki ang mga mata niya matapos makita ang liwanag na nagmumula sa itaas. Hindi na siya napatanong kung ano iyon dahil alam niyang iyon ang matagal nang hinihintay ni Debot na makita at iyon ang magsisilbi nilang daan patungo sa langit.

Kinagat ni Mari Casa ang ibabang labi niya para pigilan ang paghagulhol ng iyak. Kung si Debot ay halos magdiwang dahil sa tuwa, siya naman ay nalulungkot. Gusto niyang mapunta sa langit ngunit tila nag-aalangan pa siya dahil alam niyang gusto pa niyang manatili sa lupa.

Mas tumindi pa ang liwanag ngunit hindi pa rin natinag si Mari Casa para lumapit upang makatawid na sila ni Debot sa kabilang buhay. Alam niyang mapapabuti ang lagay niya sa langit ngunit sa kabila niyon ay hindi pa rin niya kayang ihakbang ang mga paa para makalapit doon. Kung puwede lang niyang sabihin na sa susunod na lang siya kunin ng langit ay sasabihin niya ngunit alam niyang hindi niya puwedeng diktahan ang nasa taas.

"Ito na 'yon, Mari Casa," halos mapaluha sa tuwa na turan ni Debot. Lumapit ito sa liwanag at tumayo roon. "Tara na, Mari Casa."

Tinitigan lang ni Mari Casa ang nakangiting si Debot. Pinag-isipan niya ang dapat niyang gawin kahit na nahihirapan siyang magdesisyon. Dala ng kalituhan ay napaiyak na lang siya.

"Huwag kang mag-alala, nandiyan si Arthur para bantayan ang mama mo. Hindi niya pababayaan ang mama mo."

"Debot, talaga bang gusto mo nang umalis dito sa mundo? Ayaw mo ba talagang makasama o makita pa ang mga pamilya mo?" tanong ni Mari Casa habang patuloy siya sa pag-iyak at paminsan-minsang sinusulyapan ang kaniyang ina.

"Gusto ko, Mari Casa." Bumuntong-hininga si Debot at ngumiti ito. "Patay na ako at tanggap ko na 'yon. Ang mga kagaya natin, hindi na dapat nananatili rito."

Napatahan si Mari Casa sa pag-iyak. Dahil sa sinabi ni Debot, nakabuo na siya ng pasya. Tama ito, hindi na siya dapat manatili sa mundong ibabaw dahil patay na siya at kailangan niyang tanggapin iyon. Sa pakiwari niya, kaya nahihirapan siyang iwan ang mga taong mahal niya ay dahil hindi niya matanggap na patay na siya.

Dahan-dahang inihakbang ni Mari Casa ang mga paa niya palapit kay Debot. Habang papalapit siya sa liwanag ay unti-unting naiipon muli ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi pa man tuluyang nakakalapit sa liwanag nang huminto siya para sulyapan ang kaniyang ina.

Dahil sa tindi ng lungkot sa pag-alis ni Mari Casa ay lumapit siya sa kaniyang ina para yakapin ito. "Mama, huwag kang mag-alala, mawawala rin ang lungkot sa puso mo. Palagi kitang babantayan kahit nasa langit na ako."

"Mari Casa, tara na. Hinihintay na tayo sa langit."

Humarap si Mari Casa kay Arthur at hinagkan niya ito sa labi. Para sa kaniya, iyon na ang first kiss niya kahit pa hindi niya naramdaman ang paglapat ng kaniyang labi sa labi ni Arthur. "Salamat dahil nakilala kita at salamat din na dumating ka sa buhay ko."

Nasaksihan ni Mari Casa ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Arthur na agad nitong pinunasan. Gusto niyang punasan ang luhang patuloy na umaagos sa magkabila nitong pisngi ngunit hindi niya magawa.

Nagpahid muli si Arthur ng luha sa magkabila nitong pisngi at humugot ito ng malalim na hininga. "Tara na po."

Nagpahid ng luha si Nanay Marife at muli nitong sinulyapan ang puntod ni Mari Casa. "Hayaan mo, lagi kitang pupuntahan dito, Anak."

Muling napahagulhol ng iyak si Mari Casa. Nagpatuloy siya sa pag-iyak habang sinusundan ng tingin ang papalayong ina at si Arthur.

"Mari Casa, tara na. Hinihintay na tayo."

"Ayoko pa, Debot. Pasabi na lang na sana, tanggapin pa niya ako sa langit." Tumakbo si Mari Casa palayo habang umiiyak dahil hindi pa talaga niya kayang tumawid sa kabilang buhay.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon