Kabanata 7

341 19 14
                                    

"Ma, pasabi na lang kay Roxanne na baka mamaya pa ako makauwi," bilin ni Arthur sa kaniyang ina na nasa kabilang linya. "Kanina ko pa kasi siya tinatawagan, hindi niya sinasagot."

"Ano naman kung mamaya ka pa makakauwi. Bakit, takot ka ba sa asawa mo?"

"Nagpabili kasi siya sa akin ng orange kasi nga, nasusuka siya dahil sa dinala mong bagoong. Baka kasi asahan niya na mabibigay ko agad sa kaniya 'yong pinabili niya."

"Oh s'ya, bakit nga ba mamaya ka pa uuwi?"

Nilingon ni Arthur ang kanina pang umiiyak na si Mari Casa na sa pakiwari niya ay isang balde na yata ang luhang lumabas sa mga mata nito. Nauunawaan niya ito lalo pa at mahirap para rito na mawalan ng pinakamatalik na kaibigan. Lahat na yata ng payo ay nasabi na niya ngunit hindi pa rin ito tumahan sa pag-iyak kaya hinayaan na lang niya ito. Alam naman niyang iyon marahil ang paraan nito para ilabas ang bigat na nararamdaman.

"May lalaki kasing nagpatulong sa akin na magpunta sa hospital kaya tinulungan ko." Piniling magkunwari ni Arthur dahil kapag sinabi niyang babae ang tinulungan niya ay gagamitin iyon ng kaniyang ina upang inisin si Roxanne.

"Mabuti naman inuna mo ang pagtulong kaysa sa walang kwenta mong asawa."

"Ma, huwag mo naman pong sabihin 'yan," mahinahong saway ni Arthur sa kaniyang ina dahil kahit hindi niya nagustuhan ang sinabi nito, hindi niya kayang bastusin ang kaniyang magulang.

"Uuwi na kami, Anak. Ipapasabi ko na lang kay Cecil. Kapag nagalit si Roxanne dahil hindi ka agad nakauwi, sabihin mo sa akin para ako ang sumupalpal sa kaniya."

"Opo," tugon ni Arthur na tila isang paslit. Sa kabila niyon ay wala siyang balak na magsumbong sa kaniyang ina kung sakaling mang magalit si Roxanne dahil kahit ni minsan ay hindi niya sinabi sa magulang ang gulong palaging kinahaharap nila ng kaniyang asawa. Ang ina lang niya ay ang nakakasaksi sa pag-aaway nila ng kaniyang asawa.

"Sige na, Anak."

Hinintay lang ni Arthur na ibaba na ng kaniyang ina ang tawag bago niya lapitan si Mari Casa na patuloy pa ring umiiyak. Pinagtitinginan na nga ito ng mga tao sa loob ng hospital.

Umupo si Arthur sa tabi ni Mari Casa at tinitigan niya ito. "Kapag kailangan mo ng makakausap o masasandalan, nandito lang ako."

Bahagyang tumahan si Mari Casa sa pag-iyak at tiningnan nito si Arthur. Ilang sandali pa ay bahagya itong ngumiti. "Buti na lang, nandito ka."

Ngumiti si Arthur at bahagya niyang hinaplos ang likod ni Mari Casa upang tuluyan itong mapatahan. Nagpapasalamat din siya dahil napadaan siya kung saan naaksidente ang kaibigan nito. Hindi na siya nagdalawang-isip pa na sundan ito sa ospital lalo pa at humiling ito sa kaniya na kung maari ay samahan niya ito sa ospital.

Hinawakan ni Arthur ang kamay ni Mari Casa at bahagya niya iyong pinisil. "Malalagpasan mo rin 'to, Mari Casa."

"Hindi ko alam, Arthur."

Binitiwan din agad ni Arthur ang kamay ni Mari Casa at muli niyang hinaplos ang likod nito. "Nauna na nga palang umuwi 'yong mga magulang ni Debot. Nagpaalam sila sa akin kasi baka hindi mo yata sila narinig."

"Nandito na tayo, Mari Casa."

Nagpahid ng luha si Mari Casa matapos marinig si Arthur. Hindi niya ito nilingon. Nakatanaw lang siya sa bintana ng sasakyan ni Arthur habang iniisip ang masasayang araw nila ni Debot.

Hindi pa rin makapaniwala si Mari Casa na wala na ang pinakamatalik niyang kaibigan. Tila panaginip lang ang lahat ngunit alam niyang nasa reyalidad siya dahil nararamdaman niya ang sakit dulot ng pagkamatay ni Debot. Kaya pala tila nagpapaalam na ito sa kaniya dahil iyon na pala ang huling pagsasama nila.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon