Kabanata 10

390 19 28
                                    

Sinulyapan ni Mari Casa si Arthur matapos nitong isalaysay sa kaniya kung paano nito nakilala ang asawa. Napawi ang ngiti niya matapos makitang walang emosyon sa mukha nito na kakaiba kung ihahambing sa ibang taong nagsasalaysay kung paano nakilala ang taong minamahal. Iba ito na tila hindi ito masaya na ibahagi kung paano nito nakilala ang asawa.

Napabuntong-hininga na lang si Mari Casa dahil sa ekspresyon ng mukha ni Arthur. Nagpatuloy na lang sila sa paglalakad patungo sa lugar kung saan sila dadalhin ng kanilang mga paa. Ipinaubaya na lang niya kay Arthur kung saan sila pupunta dahil ito ang nagpresintang maglakad-lakad sila matapos nilang kumain ng pananghalian. Mabuti na rin iyon dahil tila hindi rin niya kayang manatili sa kanilang bahay lalo pa at silang dalawa lang ni Arthur ang tao roon.

"Okay ka lang ba, Arthur?" Pinili nang basagin ni Mari Casa ang katahimikan sa pagitan nila ni Arthur.

"May iniisip lang ako," tugon ni Arthur at nanatiling walang emosyon ang mukha nito.

"Siguro nagkatampuhan kayo ng asawa mo kaya ayaw mong umuwi 'no? Sinabi mo lang na busy siya sa trabaho para hindi na ako magtanong pa sa'yo?" Huminto si Mari Casa dahilan upang huminto rin si Arthur sa paglalakad. "Normal lang na magkatampuhan kayo ng asawa mo. Kasama talaga 'yon sa isang relasyon pero iyon ang magiging dahilan para mas lalong tumibay ang relasyon ninyo."

"Akala ko ba, no boyfriend since birth ka? Bakit ang dami mong alam sa relasyon?" Sa wakas ay muling lumiwanag ang mukha ni Arthur matapos nitong ngumiti.

"Mahilig kasi akong manood at mabasa ng romance kaya siguro ganoon." Sinalo ni Mari Casa ang dahong nalagas mula sa puno matapos umihip ang malakas na hangin. Hindi niya namalayan na nakarating na sila ni Arthur kung saan nakatirik ang puno na kapwa nila gusto.

Mas lumapad ang ngiti ni Arthur at bumuntong-hininga ito. "Sa ganda mong 'yan, bakit wala ka pang boyfriend? Baka naman kasi tinatarayan mo ang mga nanliligaw sa'yo?"

"Hindi ko kasi makita sa mga nanliligaw sa akin 'yong gusto ko sa isang lalaki." Pinawi ni Mari Casa ang ngiti sa kaniyang labi at umiwas siya sa tingin ni Arthur. "Ngayon naman na nakita ko na sa isang lalaki ang gusto ko, hindi naman puwede."

Nanghihinayang si Mari Casa dahil ngayon lang sila pinagtagpo ni Arthur. Ngayon na nga lang ulit siya nagmahal, sa lalaki pang hindi na naman siya mamahalin. Lagi itong nasa tabi niya dahil mahal siya nito ngunit bilang isang kaibigan lang. Akala niya ay kuntento na siya sa pagmamahal na iyon ngunit hindi niya maitatangi na higit pa roon ang gusto niya. Tanggap niya na kahit kailan ay hindi siya magagawang mahalin ni Arthur dahil nabanggit nito sa kaniya na hindi nito gustong masira ang pamilya.

"Puwede ko bang malaman kung sino ang lalaking 'yon?"

"Hindi kami kagaya ninyong mga lalaki na madali lang sa inyong sabihin kahit kanino kung sino ang taong gusto ninyo." Tumalikod si Mari Casa dahil natatakot siyang mabasa ni Arthur sa kaniyang mga mata ang mga katagang pilit niyang ikinukubli. Hindi lang niya alam kung hanggang kailan niya iyon kayang itago.

"Mahirap tumanda nang mag-isa. Habang pasok ka pa sa kalendaryo, mag-asawa ka na," pagbibiro ni Arthur.

"Mas gugustuhin ko na lang tumandang dalaga kung hindi ang lalaking mahal ko ang makakasama ko habambuhay."

"Ayaw mo bang ipamana sa magiging anak mo ang ganda mo?"

Nilingon ni Mari Casa si Arthur at bahagya siyang ngumiti para maikubli ang lungkot na nararamdaman niya. "Sino bang mag-aakala na matapos ang nangyari, magiging magkaibigan tayo."

Piniling ibahin ni Mari Casa ang pinag-uusapan nila ni Arthur dahil maaring masabi pa niya kung sino ang nasa puso niya. Kung kaya nga lang niyang mahalin si Arthur bilang kaibigan lang ngunit hindi niya magawa.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon