Kabanata 42

301 14 26
                                    

"Hindi mo na kailangang magpanggap pa na ikaw si Roxanne, Mari Casa." Hinagkan ni Arthur sa noo si Mari Casa. Matapos ang ilang sandaling pagtitig niya sa mga mata nito ay pinunasan niya ang luhang patuloy na umaagos sa magkabilang pisngi nito.

"P-Pero paano mo nalaman?" pagtatakang tanong ni Mari Casa. Tila isang lukot na papel ang mukha nito dahil sa labis na pagtataka.

"Kailangan ko pa bang ikuwento kung paano ko nalaman? Hindi ba puwedeng huwag na lang dahil ang mahalaga, magkasama tayo ngayon?" Hindi inalis ni Arthur ang ngiti sa kaniyang labi dahil sa wakas, nalaman na rin ni Mari Casa na alam niyang nasa loob ito ng katawan ng kaniyang asawa.

"Oo naman, kailangan 'yon," nakangiting tugon ni Mari Casa habang pinupunasan nito ang luha.

Mahigpit na niyakap ni Arthur si Mari Casa. "Sige, ikukuwento ko sa iyo."

"Anak, kumusta ang pakiramdam mo?"

Hindi nakatugon si Arthur matapos mapansin ang nakatayong babae sa bandang pintuan. Akala niya ay namamalik-mata lang siya ngunit napatotohanan niyang totoo ang nakikita niya. Hindi nga siya makapaniwalang makikita niya si Mari Casa.

Ngumiti si Arthur kahit pa may lungkot sa kaniyang puso. "Mari Casa..."

"Hindi ako bata, Ate Cecil. Iwan mo na kami dahil mag-uusap kaming mag-asawa." Naituon na lang ni Arthur ang tingin sa kawalan habang iniisip kung tama ba ang desisyon niya.

"Kapag may masamang mangyari kay Sir Arthur, ikaw talaga ang sisisihin namin."

Tahimik lang si Arthur habang nagtatalo sina Roxanne at si Cecil. Kahit nakapagdesisyon na siyang kausapin ang kaniyang asawa hinggil sa biglang pagbabago ng ugali nito ay tila nag-aalangan pa rin siya. Kilala niya ang ugali ni Roxanne kaya labis siyang nagtaka kung bakit sa isang iglap, bigla itong naging mabait. Gusto nga niyang isipin na tila may sumanib sa kaniyang asawa.

"Pumunta na tayo sa garden, Roxanne."

Mas lalong kinutuban si Arthur matapos sabihin ni Roxanne na hindi nito alam kung saan matatagpuan ang garden. Imposibleng hindi iyon alam ng kaniyang asawa lalo pa at madalas itong nagpupunta roon. Upang hindi nito mahalatang nagdududa na siya ay itinuro na lang niya rito kung saan matatagpuan ang garden.

Tila umurong ang buntot ni Arthur matapos nilang makarating ni Roxanne sa garden. Kahit gusto niyang masagot ang mga tanong sa kaniyang isipan hinggil sa biglang pagbabago ni Roxanne ay mas pinili na lang niyang sarilinin iyon. Wala pa siyang sapat na ebidensya dahil maaring pinipilit lang talaga ng kaniyang asawa na magbago.

"Anong nangyari sa babaeng 'yon? Parang dati lang, nasusuka siya sa bagoong tapos ngayon, favorite na niya agad-agad?"

Hindi na lang ipinahalata ni Arthur na gaya ng kaniyang ina ay nagtaka rin siya kung bakit kumain ng bagoong si Roxanne samantalang alam niyang nandidiri ito sa pagkaing iyon. Muli siyang kinutubang may kakaiba sa kaniyang asawa lalo pa at napansin niyang nag-iba rin ang paraan nito sa pagsasalita. Ayaw man niyang isipin ngunit tila kinutuban siya na ang kaluluwa ni Mari Casa ay nasa katawan ni Roxanne. Naisip niya iyon dahil nakita niya si Mari Casa sa ospital na ayon sa kaniyang ina, si Roxanne ang nakita niya noong dumilat siya. Ipinagtaka pa nga ng kaniyang ina kung bakit tinawag niya ang kaniyang asawa sa ibang pangalan.

Mas lumakas ang kutob ni Arthur dahil kung paano magsalita si Roxanne habang kasalo nila ito ng kaniyang ina at ni Ate Cecil sa pananghalian ay parang si Mari Casa ang kasama nila. Isang tao lang din ang kilala niyang kayang kumain ng isang garapon ng bagoong at iyon ay si Mari Casa. Kung tama ang kaniyang kutob ay hindi na siya magtataka dahil alam niyang binalikan siya nito dahil sa kaniyang nagawa. Sa kabila niyon ay pilit pa rin niyang hindi pinaniniwalaan ang kutob niya dahil alam niyang tila imposibleng mangyari iyon.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon