Kabanata 32

247 15 21
                                    

Tanging pagngiti ang ginagawa ni Mari Casa sa tuwing susulyapan niya si Mama Rose kahit pa nakataas ang kilay nito habang nakatingin sa kaniya. Pasimple siyang umusog upang mas magkalapit sila nito dahil medyo malaki ang espasyo sa pagitan nila. Kapwa sila nakaupo sa likuran ng driver at ayaw sana nitong magtabi sila ngunit hindi niya ito pinakinggan.

"Kung hindi lang ako nagtitimpi, hinulog na kita." Napasapo si Mama Rose sa noo at naibaling na lang nito ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan. "Saka hindi ko kailangan ng tulong mo dahil marunong akong pumili."

"Kung ayaw mo pong tulungan kita sa pagpili, kahit magbitbit na lang ng pinag-shopping mo," nakangiting tugon ni Mari Casa at muli na naman siyang umusog para tuluyan na silang magkalapit ni Mama Rose.

Nakataas ang kilay na binalingan ni Mama Rose ng tingin si Mari Casa. "Puwede ba, huwag ka ngang magbait-baitan, Roxanne. Kahit magaling kang umarte, hindi pa rin bagay sa iyo ang role mo ngayon."

"Hindi naman po ako nagbabait-baitan, Mama. Gusto ko lang talagang magkabati na tayo." Bumuntong-hininga si Mari Casa at ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana. "Iwasan po ninyo ang pagiging mainitin ang ulo. Sayang ang batang mukha ninyo kung magiging kulubot lang."

"Sabihin mo nga sa akin, bakit gusto mong magkaayos tayong dalawa?"

Sinulyapan ni Mari Casa si Mama Rose at ngumiti siya rito kahit pa nanatiling nakataas ang kilay nito. "Hindi po ba, mas maganda kung nagmamahalan ang bawat miyembro ng pamilya?"

"Hindi ka miyembro ng pamilya namin, Roxanne."

"Simula po nang maging asawa ako ng anak ninyo, miyembro na po ako ng pamilya ninyo." Muling bumuntong-hininga si Mari Casa at nginitian niya si Mama Rose. "Kahit ayaw po ninyo, wala na po kayong magagawa kundi tanggapin ako bilang miyembro ng pamilya ninyo."

"Hindi ba, sinusuka mo ang pamilya ko?" Nakangiwing napailing si Mama Rose. "Bakit bigla-bigla naman yatang nag-iba ang ihip ng hangin? Siguro, may masama kang plano kaya ginagawa mo 'to?"

"Kahit ano pa pong isipin ninyo ang mahalaga, bukal sa puso ko ang ginagawa ko para magkabati tayo."

"Kahit ano pang gawin mo, hindi mo ako mauuto, Roxanne. Kung si Arthur napaniwala mo, ibahin mo ako."

Hinayaan na lang ni Mari Casa si Mama Rose na bungangaan siya. Nakatanaw lang siya sa labas ng bintana at kung minsan ay tila hindi niya naririnig ang mga sinasabi ng biyenan ni Roxanne dahil na rin sa pagiging abala niya sa pagtanaw. Alam naman niyang titigil din naman ito sa pagbubunganga kapag napaos na ito.

Naniniwala si Mari Casa na darating din ang araw na magkakaayos sina Roxanne at Mama Rose. Alam niyang normal lang na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biyenan at ang manugang. Kung alam lang sana niya ang puno't dulo niyon, siya na sana ang gagawa ng paraan para magkaayos na ang dalawa.

Nararamdaman ni Mari Casa ang galit sa puso ni Mama Rose sa tuwing magkakaroon sila ng alitan ngunit hindi pa rin niya alam kung saan nagmula iyon dahil kahit anong sabihin nitong negatibo hinggil kay Roxanne, hindi niya iyon magawang paniwalaan. Hindi niya maisip na magagawa iyon ng asawa ni Arthur. Pakiwari niya ay maaring may nagawa lang si Roxanne na hindi nagustuhan ni Mama Rose.

Bumalik ang diwa ni Mari Casa nang mapansing hindi na umaandar ang sasakyan. Sinulyapan niya si Mama Rose ngunit wala na ito kaya agad siyang lumabas para alamin kung nasaan na ito. Napailing na lang siya matapos makita ito sa unahan ng sasakyan habang pinanonod ang driver na may inaayos.

"Nasiraan po tayo, Ma'am Rose."

"Bakit hindi mo man lang siniguro kung ayos ba 'tong sasakyan." Napasapo sa noo si Mama Rose at napailing pa ito matapos bumuntong-hininga nang malalim.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now