Kabanata 35

267 14 13
                                    

"Maraming salamat dahil pumayag kang pumunta tayo rito." Sinulyapan ni Mari Casa si Arthur at ngumiti siya dahil nakangiti ito sa kaniya. Matapos ang ilang sandali ay muli niyang ibinalik ang tingin sa kaniyang ina na abala sa pagtitinda kahit malapit nang bumalot ang dilim.

Hindi na napigilan ni Mari Casa na mapaiyak habang pinagmamasdan ang kaniyang ina mula sa loob ng sasakyan. Pinili niyang ipahinto kay Arthur ang sasakyan may kalayuan sa puwesto ng kaniyang ina para na rin hindi ito makahalata na ang kaniyang magulang ang sadya niya. Gusto niyang bumaba para mayakap ang kaniyang ina dahil nananabik na siya rito ngunit hindi niya magawa dahil maaring magtaka si Arthur.

Gustong pigilan ni Mari Casa ang pag-iyak dahil alam niyang magtataka si Arthur ngunit hindi niya iyon mapigilan. Ilang araw rin niyang hindi nakita ang kaniyang ina kaya naman ganoon na lang ang emosyon na nararamdaman niya. Kung puwede nga lang ay yayakapin niya ito nang mahigpit lalo pa at mararamdaman na niya ang mga bisig nito ngunit hindi niya iyon maaring gawin dahil kasama niya si Arthur.

"Mama." Sinikap ni Mari Casa na hindi marinig ni Arthur ang kaniyang sinabi kahit pa gusto niyang isigaw ang katagang iyon upang malaman ng kaniyang ina na nagbalik na siya.

Napalabas si Mari Casa ng sasakyan matapos makitang natumba ang kaniyang ina. Patakbo siyang lumapit dito dahil nawalan ito ng malay na pakiwari niya ay dala ng pagod lalo pa at mag-isa na lang itong nagtitinda. Wala na siyang pakialam kung kutuban si Arthur dahil kailangan niyang lapitan ang kaniyang ina.

Kinuha ni Mari Casa ang pamaypay sa babae para siya na ang magpaypay sa kaniyang ina at ipinatong niya ang ulo nito sa mga hita niya. Habang nagpapaypay ay humahagulhol siya ng iyak dahil sa labis na awa para sa kaniyang ina na kahit nasa harapan niya si Arthur ay wala na siyang pakialam. Hindi rin naman niya kayang pigilin ang nararamdaman lalo pa at nagagalit siya sa kaniyang sarili dahil iniwan niyang mag-isa ang kaniyang ina.

"A-Anak," turan ni Mama Marife matapos ang ilang sandali. Ngumiti ito habang hindi pa tuluyang naimumulat ang mga mata na tila anumang oras ay muli itong pipikit.

"Mama," patuloy sa pag-iyak na turan ni Mari Casa at hinagkan niya ito sa noo.

"Miss, ako na ang maghahatid sa kaniya."

Ipinaubaya na ni Mari Casa sa lalaki ang pagbuhat sa kaniyang ina dahil kilala naman niya ito. Nagpapasalamat siya dahil bumalik na rin ito matapos magbakasyon sa Cebu. Alam niyang hindi nito pababayaan o hahayaang mapahamak ang kaniyang ina. Nakasisiguro rin siyang hindi pa rin nawawala ang espesyal na nararamdaman nito para sa kaniyang ina.

"Kuya Eddie, kayo nang bahala sa kaniya." Napatakip na lang si Mari Casa sa bibig habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Nahihirapan siya sa kaniyang sitwasyon dahil alam niyang may limitasyon ang bawat kilos niya kaya kahit gusto niyang siya ang maghatid sa kaniyang ina ay hindi niya magawa. Sinundan na lang niya ito ng tingin habang papalayo sa kaniya.

"Tahan na," turan ni Arthur habang hinahaplos nito ang likod ni Mari Casa.

"Anak ba 'yan ni Marife?"

Hindi inintindi ni Mari Casa ang narinig niya. Una pa lang ay alam na niyang magtataka ang mga tao sa paligid niya dahil sa kaniyang sinabi at ginawa. Sa kabila niyon ay wala siyang pinagsisisihan lalo pa at ginawa niya iyon dahil sa pagmamahal sa kaniyang ina.

"Ang alam ko, isa lang ang anak ni Marife kaya lang, namatay pa."

"May problema ka ba?" tanong ni Arthur sa kaniyang asawa matapos niya itong makita sa labas ng bahay habang nakatingin sa mga bituin. Lumapit siya sa kaniyang asawa at tumingala rin siya para tingnan ang mga bituin.

"Mayroon nga, Arthur."

Ibinaling ni Arthur ang tingin sa kaniyang asawa na ang tingin ay nanatiling nakapako sa mga bituin. "Nandito lang ako at handa kitang damayan."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now