Kabanata 12

346 21 17
                                    

"Alam mo, bilib na bilib na talaga ako sa iyo, Bro."

Pagngiti na lang ang naging tugon ni Arthur sa sinabi ng kaibigang si Fred. Alam niyang pang-iinsulto ang sinabi nito sa kaniya dahil si Roxanne ang pinag-uusapan nilang dalawa. Wala na iyon sa kaniya dahil alam naman niyang bilang kaibigan ay pinapayuhan lang siya nito.

"Ginagano'n ka na nga ng asawa mo, kinukunsinti mo pa. Ikaw na talaga ang pinakatangang guwapo sa buong mundo," pahayag pa ni Fred at bahagya itong tumawa.

"Ginagawa ko lang naman 'yon dahil ayokong masira ang pamilya ko. Kapag nagkaroon ka rin ng pamilya, malalaman mo na tama ang ginagawa ko." Isinandal na lang ni Arthur ang kaniyang ulo sa headboard ng upuan. Tumingin siya sa mga bituin at masuyong nilanghap ang banayad na hangin. Pakiwari niya ay makakatulog siya sa balkonahe.

Nakaramdam ng lungkot si Arthur matapos maalala si Mari Casa. Alam niyang umasa itong magkikita sila ngunit alam niyang mauunawaan siya nito. Hindi man niya gustong malayo sa dalaga ngunit kailangan niyang sundin si Roxanne upang manatiling buo ang kaniyang pamilya.

Alam ni Arthur na sa ginagawa ni Roxanne, hinahadlangan nito ang kaligayahan niya. Sa kabila niyon ay naisip niyang mabuti na ring malayo sila ni Mari Casa sa isa't isa dahil hindi niya gustong tumulad sa asawa. Kahit kailan ay hindi niya ito gagantihan sa ginagawa nito.

"Hindi rin, Bro. Kung ganoon ang asawa ko, hindi ako magdadalawang-isip na hiwalayan siya," tugon ni Fred at umupo ito sa tabi ni Arthur. "Okay lang sana na ikaw lang ang pinakikitaan ni Roxanne ng kasamaan ng ugali niya pero pati magulang mo? Mag-isip ka, Bro."

Napasulyap si Arthur sa kaniyang kaibigan at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Masakit din naman sa akin na pati si Mama, hindi niya nirerespeto pero wala akong magawa. Kapag kakausapin ko siya nang mahinahon tungkol doon, mamasamain lang niya."

Muling ibinalik ni Arthur ang tingin sa mga bituin. Kahit nakangiti ay namamayani ang lungkot sa kaniyang puso. Nagsisisi tuloy siya kung bakit si Roxanne pa ang naging ina ng kaniyang anak. Ang gusto lang naman niya noon ay magkaroon ng masayang pamilya upang hindi maramdaman ng magiging anak niya ang lungkot na naramdaman niya noon ngunit hindi siya pinagbigyan ng kapalaran.

Naiisip din ni Arthur na hiwalayan na si Roxanne dahil alam niyang wala na itong pagmamahal sa kaniya. Kaya niya iyong tanggapin ngunit ang pakikipagsiping nito sa ibang lalaki ay hindi niya kayang tanggapin. Lahat naman ng luho ni Roxanne ay ibinigay niya ngunit tila kulang pa rin iyon.

"May magagawa ka, Bro. Alam mo, ayoko sanang sabihin 'to kaya lang sa tingin ko, tama 'to. Maghanap ka na ng iba. Marami pang mga babae. Maiintindihan din naman ng anak mo kung bakit naging broken family kayo. Kaysa naman lagi mong tinitiis ang ugali ng asawa mo." Napailing si Fred at tumayo ito para humarap kay Arthur. "Noong high school at college tayo, halos kabaliwan ka ng mga babae pero ngayon, ikaw na ang baliw na baliw sa babaeng parang kapatid yata ni Satanas."

"Akala ko pa naman, maiintindihan mo ako kasi lumaki akong hiwalay ang mga magulang." Pumikit na lang si Arthur dahil hinarangan ni Fred ang tanawing tinitingnan niya. Marahil ay nais nitong ipokus niya ang sarili sa pakikipag-usap sa kaibigan para matauhan siya.

"Nandoon na tayo, Bro. Sige, isipin mo, habambuhay kang magtitiis sa ugali ni Roxanne? Kahit maniwala yata si Nora Aunor sa himala, hindi na magbabago ang ugali niya."

Idinilat ni Arthur ang kaniyang mga mata at sa wakas, wala na si Fred sa kaniyang harapan. Nakaupo na ito sa tabi niya. Tumayo siya at bahagyang lumayo sa kaibigan. "Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asang magbabago si Roxanne. Balang araw, mapapahalagahan din niya ang lahat ng mga ginagawa ko para sa kaniya at sa anak namin."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now