Epilogue

623 27 41
                                    

Kasabay ng pagngiti ni Arthur ay ang pag-agos ng luha mula sa kaniyang mga mata. Hindi pa rin siya makapaniwalang matapos ang mahigit dalawang taong pagkakapiit sa bilangguan ay nakalaya na rin siya. Nanibago siya sa labas dahil nasanay na siya sa loob. Tila nga hindi niya alam kung paano ilakad ang mga paa para puntahan ang mga lugar na naging saksi sa mga masasayang sandali habang kasama ang babaeng hanggang ngayon ay laman pa rin ng kaniyang puso.

Sinubukan ni Arthur na alisin si Mari Casa sa kaniyang puso ngunit tila isa itong marka na kailanman ay hindi na mabubura. Alam niyang wala nang rason para mahalin ito ngunit kahit anong pilit niyang utusan ang kaniyang puso na huwag na itong mahalin ay hindi siya nagtagumpay. Dahil doon ay araw-araw niyang pinanabikan si Mari Casa at kahit sa panaginip lang niya ito nakikita at nakakasama ay naging kontento na lang siya roon.

Hiling ni Arthur na tunay na siyang napatawad ni Mari Casa dahil noong napanaginipan niya ito ay sinabi nitong napatawad na siya nito. Naunawaan din siya nito kung bakit pinili niyang ilihim ang kasalanang nagawa. Hiling din niyang lubusan na niyang napagbayaran ang kaniyang nagawang kasalanan.

Bigla tuloy naalala ni Arthur ang taong nakabangga sa kaniya noon. Kahit nahanap na iyon ay pinili niyang huwag na itong sampahan ng kaso. Naunawaan din niya ito kung bakit pinili nitong magtago dahil ito lamang ang inaasahan ng pamilya nito.

"Bro, welcome back dito sa labas." Ngumiti si Fred at niyakap nito si Arthur. "Gusto sanang sumama ng mama mo sa akin kaya lang nahihilo raw siya kaya roon ka na lang daw niya hihintayin sa bahay ninyo."

Tanging pagngiti ang itinugon ni Arthur kay Fred. Tahimik niyang sinundan ang kaibigan palapit sa sasakyan nito. Matapos makasakay ay ibinaling niya ang tingin sa labas ng isang kilalang bilangguan sa Pilipinas. Naging mabuti ang lagay niya sa loob. Ang naging kalaban lang niya ay ang matinding pananabik para sa mga mahal niya sa buhay.

"Mukhang mami-miss mo 'yong kulungan ah." Bahagyang natawa si Fred at sinimulan na nitong paandarin ang sasakyan. "Nasayang ang mahigit dalawang taon ng buhay mo. Kung sana pumayag ka na lang sa gusto ng nanay ni Mari Casa na hindi mo na kailangang makulong para pagbayaran ang nagawa mong kasalanan, sana nakaipon ka ulit ng happy memories."

Mula sa pagtanaw sa labas ng bintana ay sinulyapan ni Arthur ang kaibigan na nasa tabi niya. "Malaking kasalanan ang nagawa ko. Isa pa, dapat pagbayaran ang lahat ng kasalanan."

"Kung tutuusin, malaking tulong na ang nagawa mo sa nanay ni Mari Casa. Biruin mo, ikaw na ang gumastos sa burol at libing ng anak niya, pinalago mo ang prutasan nila, nagpatayo ka pa ng ibang negosyo para sa kaniya at higit sa lahat, lingo-lingo mong binibigyan ng pera ang matanda." Nakangiting napailing si Fred. "Kung iba ang nakabangga kay Mari Casa, siguro bibigyan lang sila ng maliit na halaga ng pera."

"Kulang na kulang pa 'yon, Fred, kumpara sa buhay na nawala nang dahil sa akin." Muling ibinaling ni Arthur ang tingin sa labas ng bintana at nagpakawala siya ng malalim ng buntong-hininga. "Wala nang hihigit pa sa buhay ng isang tao."

"Malapit na nga palang ikasal si Nanay Marife. Kung puwede raw, ikaw ang maghatid sa kaniya papunta kay Tatay Toppe."

"Walang problema sa akin. Kung puwede nga lang, ako na ang magkakasal sa kanila." Napangiti na lang si Arthur dahil masaya siya para kay Nanay Marife. Sa kabila ng edad nito ay pinili pa rin nitong magpakasal sa isang lalaking alam niyang makakatuwang nito sa buhay.

Iyon din naman ang nais ni Arthur, ang may makatuwang sa buhay si Nanay Marife. Alam niyang masaya na ngayon si Mari Casa para sa ina nito dahil alam din niyang iyon din ang nais nito para sa magulang. Hindi rin siya magsasawang tumulong kay Nanay Marife dahil nangako rin siya sa anak nito na gagabayan niya ang matanda habang nabubuhay pa ito.

Borrow for LoveDär berättelser lever. Upptäck nu