Kabanata 11

345 17 18
                                    

"Debot, ikaw ba 'yan?" Iginala ni Mari Casa ang tingin sa loob ng palikuran. Tinakpan niya ng tuwalya ang kaniyang dibdib pati na rin ang ibabang bahagi ng maselang parte ng kaniyang katawan.

Tanging ang paghinga lang ni Mari Casa ang maririnig sa loob ng palikuran. Muli niyang pinakiramdaman ang paligid dahil pakiwari niya ay tila may nagmamasid sa kaniya. Nagdadalawang-isip tuloy siyang maligo lalo pa at hubo't hubad siya. Kung may nagmamasid man sa kaniya, tanging likurang bahagi ng katawan lang niya ang makikita.

"Debot, huwag mo akong tinatakot ah." Nakaramdam ng kaunting takot si Mari Casa dahil siya lang ang tao sa bahay. Ilang sandali ay bigla na lang siyang nakaramdam ng lamig sa loob. Kulob ang palikuran nila kaya imposibleng may pumasok na hangin sa loob.

Sa kusina pa lang ay tila nakararamdam na si Mari Casa ng kakaiba. Pakiramdam niya ay may iba pa silang kasama ng kaniyang ina bahay bago ito umalis ngunit hindi na lang niya iyon inintindi. Ngayon lang niya iyon naramdaman at kung si Debot man ang nagpaparamdam sa kaniya, hindi niya alam kung bakit ngayon lang siya nito pinararamdaman at nagkataon pa talaga na naliligo siya. Kung hindi lang bakla ang kaibigan niya ay iisipin niyang balak siya nitong gahasain.

"Debot, kung mumultuhin mo ako, huwag dito sa banyo. Pakiusap, wala ako ng gusto mo. Doon ka sa banyo ng mga lalaki mamboso, huwag dito." Matapos ang ilang sandali ay tinanggal na ni Mari Casa ang tuwalyang tumatakip sa maselang parte ng katawan niya. "Kung gusto mo akong bosohan, bahala ka. Tingnan natin kung tatayo 'yang ano mo. Saka tingnan natin kung tatanggapin ka sa langit dahil d'yan sa ginagawa mo."

Nagmadali na si Mari Casa sa pagligo dahil tutulungan pa niya ang ina sa pagtitinda. Bago magtanghali ay kailangang naroon na siya para makakain na rin ang kaniyang ina. Mahirap na rin at baka maabutan pa siya ni Arthur na naliligo dahil alam niyang ilang sandali lang ay darating na ito. Nag-request ito sa kaniya na kung puwede ay tulungan siya nito sa pagtitinda. Sa una ay hindi siya pumayag dahil may pamilya ito ngunit pumayag na rin siya dahil talagang mapilit si Arthur.

"Bakit wala pa siya?" Nangawit na lang si Mari Casa sa ilang minutong pag-upo kahihintay kay Arthur kaya tumayo na siya upang sa pintuan na lang ito hintayin.

Malapit nang magtanghali ngunit hindi pa rin dumarating si Arthur. Nagsabi ito na bago magtanghali ay darating ito ngunit nabilang na lang niya ang dumaraan sa tapat ng bahay nila ay wala pa rin ito. Nangangawit na rin ang mga tuhod niya dahil sa ilang minutong  pagtayo.

Ilang minuto pang naghintay si Mari Casa ngunit hindi pa rin dumating si Arthur. Napagpasiyahan na lang niyang umalis na at sa tindahan na lang nila ng kaniyang ina ito hihintayin. Sa pakiwari niya ay abala ito sa pamilya.

"Sigurado ka ba na gusto mo nang magtinda, Anak?"

"Ano naman po ang gagawin ko sa bahay, magbilang ng buhok sa baba ko?" pabirong tugon ni Mari Casa sa kaniyang ina. Paraan niya iyon para ipakita sa kaniyang ina na unti-unti na siyang nakaka-move on sa pagpanaw ni Debot kahit pa isang araw pa lang ang nakalilipas nang ilibing ito. Hindi rin niya gustong alalahanin pa siya ng kaniyang ina.

Umupo si Mari Casa at isinandal niya ang ulo sa headboard ng upuan. Napabuntong-hininga na lang siya matapos maisip ang hindi pagpunta ni Arthur. Kung alam lang niya ang numero ng cellphone nito ay nagpadala na siya ng mensahe. Tama na rin siguro na hindi niya kinuha ang numero nito dahil maaring mapagkamalan pa siyang kabit.

"Si Arthur, nasaan ba?"

Sinulyapan ni Mari Casa ang kaniyang ina. Gusto man niyang hindi ipahalata ang lungkot sa kaniyang mukha ngunit kusa iyong gumuguhit. "Hindi nga po pumunta sa bahay."

Nanlaki ang mga mata ni Nanay Marife at lumapit ito sa anak. "Baka naman isinuko mo na ang bataan mo sa kaniya, Anak? Ganiyan ang ibang mga lalaki na kapag nakuha na ang gusto, basta na lang iiwan ang babae."

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon