Kabanata 31

263 15 11
                                    

"Ano kamo, ayaw mo nang umalis sa katawan ni Roxanne?" nakataas ang kilay na tanong ni Debot habang nakapamewang ito.

"Hindi mo ako masisisi kung ayaw ko nang umalis sa katawan ni Roxanne, Debot." Bumuntong-hininga si Mari Casa at bahagya siyang lumayo kay Debot. "Kung kailangan kong manghiram para sa pagmamahal, hihiramin ko 'tong katawan ni Roxanne."

Pursigido na talaga si Mari Casa na manatili sa katawan ni Roxanne. Kahit ano pang sabihin sa kaniya ni Debot ay hindi pa rin magbabago ang pasya niyang tuluyan nang hiramin ang katawan ni Roxanne para sa pagmamahal niya kay Arthur. Alam niyang mali ngunit wala na siyang pakialam dahil gusto niyang makasama pa nang matagal ang lalaking mahal niya at higit sa lahat, hindi pa siya handang iwan ito.

Alam ni Mari Casa na hindi habambuhay ay mananatili siya sa katawan ni Roxanne. Handa siyang gawin ang lahat huwag lang makaalis sa katawan na nagiging dahilan para makasama niya ang lalaking mahal niya. Kung kinakailangan niyang makipag-agawan kay Roxanne ay handa siyang lumaban.

Sa kabila niyon ay nakokonsensya pa rin si Mari Casa para kay Roxanne dahil alam niyang mahirap para rito na mawalay sa asawa at anak. Kung minsan ay napapaisip din siyang umalis na sa katawan nito ngunit mas nangingibabaw ang kagustuhan niyang makasama si Arthur. Umaasa na lang siya na balang araw ay maunawaan siya ni Roxanne.

"May nangyari lang sa inyo ni Arthur kagabi, nagbago na ang isip mo?" Napailing si Debot at humarap ito kay Mari Casa. "Baka naman nasarapan ka kaya gusto mong maulit 'no?"

"Hindi 'yon ang dahilan ko, Debot. Mahal ko si Arthur at ayokong malayo sa kaniya."

"Patay ka na, Mari Casa. May mga katotohanang mahirap tanggapin pero wala tayong magagawa kundi tanggapin 'yon." Muling napailing si Debot at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga na tila nai-stress na ito. "Malaking kasalanan 'tong ginagawa mo. Baka dahil d'yan, alisin ang pangalan mo sa langit at ilipat ka sa impiyerno."

Iginala ni Mari Casa ang tingin sa paligid upang alamin kung may tao. Matapos makatiyak na walang nagagawi sa garden ay ibinalik niya ang tingin kay Debot. "Alam kong kasalanan 'to. Patay na ako pero alam kong may puso pa ako at patuloy pa ring tumitibok 'yon. May magagawa ba ako para pigilan 'to?"

"Ibalik mo ang katawan na 'yan kay Roxanne, iyon ang magagawa mo para unti-unti mong mapigilan ang pagtibok ng puso mo para kay Arthur."

"Hindi ko kaya," mariing tugon ni Mari Casa kay Debot.

"Inintindi kita noon dahil hindi mo naman ginustong sumanib sa katawan ni Roxanne pero ngayong ayaw mo nang umalis d'yan, hindi kita kayang kunsintihin. Mahirap na baka tayong dalawa pa ang mapunta sa impiyerno."

Hindi na nakatugon si Mari Casa kay Debot dahil nakita niyang parating ang ina ni Arthur. Upang hindi ito magtaka kung bakit siya nakatayo roon ay umakto siyang hinahaplos ang mga bulaklak. Napabuntong-hininga na lang siya nang mapansing malapit na itong makarating sa kaniya dahilan upang makaramdam siya ng kaba.

"Roxanne, nakita mo ba si Cecil? Kanina ko pa siya tinatawagan pero hindi ko siya ma-contact."

Sinulyapan ni Mari Casa si Mama Rose at ngumiti siya kahit nakararamdam siya ng kaba. "Good morning po, Mama Rose. Umalis po si Ate Cecil. Hindi na po siya nakapagpaalam dahil nagmamadali raw po siya."

Napasapo sa noo si Mama Rose at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Saan daw siya pupunta?"

"Isinugod daw po 'yong anak niya. Magpapasama po ba sana kayo sa kaniya?"

"Magpapasama akong mag-shopping." Tinaasan ni Mama Rose ng kilay si Mari Casa bago ito lumakad palayo.

Hinabol ni Mari Casa ang papalayong si Mama Rose at matapos maabutan ay hinawakan niya ito sa bisig. "Kahit ngayon lang, puwede mo po akong maging personal assistant at hindi ka po magsisising isama mo ako dahil matutulungan kitang makapili ng damit na magmumukha kang bata, Mama."

"Bakit, mukha na ba akong matanda?" nakataas ang kilay na tanong ni Mama Rose at inalis nito ang kamay ni Mari Casa. "Marunong akong pumili at hindi ko kailangan ng tulong mo."

Ngumiti si Mari Casa at bahagya siyang tumawa. "Ang ibig ko pong sabihin, 'yong magmumukha ka talagang twenty years old kasi mukha po kayong thirty years old."

"Hindi mo ako madadaan sa gan'yan mo." Inirapan ni Mama Rose si Mari Casa at muli itong lumakad.

Sinundan ni Mari Casa ng tingin si Mama Rose habang palapit ito sa sasakyang nag-aabang sa labas. Napabuntong-hininga na lang siya habang iniisip kung ano ang puwede niyang gawin para mapagbati si Roxanne at ang biyenan nito. Tila nahihirapan na siyang mapaamo si Mama Rose.

"Hayaan mo na lang siya, Mari Casa. Mukhang magaling naman talaga siyang pumili ng damit."

"Hindi, Debot. Kung si Roxanne, walang ginagawa para magkabati sila ni Mama Rose, ako gagawin ko ang lahat para maging malapit ulit sila sa isa't isa."

Napabalikwas si Arthur matapos mapanaginipang muli ang aksidente. Napahilamos siya gamit ang mga palad at tagaktak ang pawis sa kaniyang katawan kahit naka-air conditioner ang silid. Habol-hininga rin ang ginawa niya dahil pakiramdam niya ay kakapusin siya ng hininga.

Ibinaling ni Arthur ang tingin sa gawing kanan para sulyapan ang kaniyang asawa ngunit wala na ito. Napatingin siya sa mesitang nasa tabi ng kama matapos makita ang isang tray na naglalaman ng breakfast niya. Napangiti siya dahil alam niyang ang kaniyang asawa ang nagdala niyon sa silid.

"Sana lagi kang ganito." Kinain na ni Arthur ang almusal dahil pasado alas-otso na.

Nakangiting lumabas si Arthur ng silid dahil ayaw niyang masira ang panibagong araw. Sa katunayan ay araw-araw niyang pinipilit na kalimutan ang lahat. Saka na lang niya iyon haharapin kapag handa na siya kahit pa nagi-guilty na siya. Ayaw rin niyang sayangin ang isa't kalahating buwang pag-leave niya sa trabaho para mapunan ang pagkukulang niya.

"Ate Martha, si Roxanne po, nakita ninyo?" tanong ni Arthur sa kasambahay nang makasalubong niya ito dahil palabas sana siya ng bahay para hanapin ang kaniyang asawa.

"Kasama po siya ni Ma'am Rose, Sir."

Napangiti si Arthur dahil sa narinig. Napaisip tuloy siya kung bakit magkasama ang dalawa lalo pa at parang aso at puso ang mga ito. Alam niyang ang kaniyang asawa ang maaring nagpumilit sa kaniyang ina para sumama ito. Nakikita niya kung paano sinusuyo ng asawa niya ang kaniyang ina para lang magkabati na ang mga ito. Nauunawaan niya ang kaniyang ina kung hindi pa rin lumalambot ang puso nito kay Roxanne dahil alam niyang ang kaniyang asawa ang dahilan kung bakit hindi magkasundo ang dalawa.

"Titingnan ko lang po kung sino 'yon," turan ni Ate Martha matapos tumunog ang doorbell. Ngumiti ito bago lumabas para tingnan kung sino ang panauhing nasa labas.

Umupo si Arthur sa sofa at doon na lang niya hinintay ang panauhin. Napangiti siya matapos maibaling ang tingin sa litrato nila ni Roxanne kasama ang kanilang anak na nakadikit sa pader ngunit agad ding napawi ang ngiti niya matapos maibaling ang tingin sa litrato nila ng kaniyang ina. Sa tuwing titingnan niya iyon ay mas lalo siyang nagiging determinadong gawin ang lahat para hindi masira ang sarili niyang pamilya.

"Bro, kumusta na?"

Napatayo si Arthur matapos makita si Fred. Tanging pagngiti ang naging tugon niya rito. Agad ding napawi ang ngiti sa labi niya matapos makita ang dalawang pulis na nasa likuran ng kaniyang kaibigan. Dahil doon ay bumilis ang kabog sa kaniyang dibdib.

Lumapit si Fred kay Arthur. "Pasensya ka na, Bro, kung hindi ako nakapunta sa ospital noong naaksidente ka."

"B-Bakit may mga pulis kang kasama?"

"Nag-request kasi sa akin 'yong mama mo na kung puwede, asikasuhin ko 'yong paghahanap sa nakabunggo sa iyo. Hindi mo raw kasi inaasikaso 'yon." Ngumiti si Fred at bahagya nitong tinapik ang braso ni Arthur. "Huwag kang mag-alala, hindi kita ipapahamak."

"Baka balikan pa ako ng nakabunggo sa akin."

"Kaya nga hahanapin natin kung sino 'yon, Bro. Baka hindi natin alam, sinadya pala 'yong nangyari sa iyo."

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now