Kabanata 33

248 14 19
                                    

Hindi mapakali si Roxanne habang hinihintay ang pagdating ng kaniyang ina. Hindi niya alam kung sapat na ang ibinigay niyang impormasyon upang matuntun siya nito lalo pa at ang sinabi lang niya sa kaniyang ay kapag may nakita itong dalawang pulis na nagbabantay sa isang silid ay pumasok ito roon. Nagtanong ang kaniyang ina kung bakit may mga pulis na nagbabantay kaya ang idinahilan na lang niya rito ay dahil pinoprotekhan sila ng mga ito.

Muling umupo si Roxanne habang iniisip kung ano ang maaari niyang sabihin upang mapaniwala niya ang kaniyang ina na siya ang anak nito. Alam niyang mahihirapan siyang mapaniwala ito lalo pa at ang nangyari sa kaniya ay alam niyang imposibleng mangyari. Dahil doon ay pinangungunahan siya ng pangamba na maaring hindi siya paniwalaan nito.

Hindi alam ni Roxanne kung hanggang kailan niya matitiis na manatili sa katawang hindi sa kaniya. Nahihirapan siyang mag-adjust dahil nabibigatan siya sa kaniyang sarili at naiinitan siya dala ng labis na taba sa katawan na gamit niya. Hindi rin niya alam kung kaya niyang humarap sa mga tao na ganoon ang itsura niya lalo pa at nang makita niya ang mukha sa maliit na screen ng cellphone ay halos manlumo siya at mainis dahil sa itsura ng babae.

"Nasaan ang anak ko? Akala ko ba nandito siya?"

Napatingin si Roxanne sa pintuan matapos marinig ang tinig ng kaniyang ina at napalunok siya matapos niya itong makita. Nakatingin ito sa kaniya at kung minsan ay iginagala nito ang tingin sa paligid na tila hinahanap siya nito sa kasuluk-sulukan kahit pa nasa harap na siya nito. Doon pa lang ay alam na niyang mahihirapan siyang mapaniwala ito na nasa loob siya ng katawan ng mataba at kriminal na babae.

"Mukhang nagkamali yata ako ng pinuntahan."

"Sandali lang." Tumayo si Roxanne at lumapit siya sa kaniyang ina. Pumuwesto siya sa harapan nito para mapigilan ang paglabas nito lalo pa at nakaharang siya sa pinto. "Buti natunton mo 'to."

Kumunot ang noo ni Mama Susan at tiningnan nito si Roxanne mula paa hanggang ulo. "Pasensya na pero hindi kita kilala saka lalabas na ako dahil kailangang-kailangan ako ng anak ko ngayon."

Hinawakan ni Roxanne ang kamay ng kaniyang ina at nginitian niya ito. "Ma, ako 'to, si Roxanne."

Tumawa si Mama Susan at inalis nito ang pagkakahawak ni Roxanne sa kamay nito. "Nagpapatawa ka ba? Never kang magiging si Roxanne dahil maganda ang anak ko."

Napasapo sa noo si Roxanne dahil tama ang hinala niyang mahihirapan siyang makumbinsi ang kaniyang ina na siya ang anak nito. Kahit na ganoon ay nauunawaan niya ang kaniyang ina dahil mahirap naman talagang paniwalaang nasa katawan siya ng ibang tao. Mas nahihirapan pa siyang kumbinsihin ito dahil sa katawan na gamit niya.

"Ginagawa mo ba 'to para sa pera?"

Hinawakan ni Roxanne ang kamay ng kaniyang ina at lumayo sila sa pintuan sa pangambang marinig ang usapan nila ng mga pulis. Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga at binitiwan niya ang kamay ng kaniyang ina. "Ginagawa ko 'to dahil gusto kong makabalik sa katawan ko. Kailangan ko ng tulong mo dahil nasa katawan ako ng ibang tao, Mama."

"Imposibleng mangyari 'yang sinasabi mo," tugon ni Mama Susan habang napapailing pa ito. "Mas mukha ka pa ngang matanda sa akin."

"Puwede ba, maniwala naman kayo sa akin." Hinawakan ni Roxanne ang kamay ng kaniyang ina at kahit pilit nitong inaalis ang kamay nito ay hindi niya iyon binitiwan. "Ikaw ang mas nakakakilala sa akin."

"Bitiwan mo ako. Tulong!"

Tinakpan ni Roxanne ang bibig ng kaniyang ina para pigilan ang pagtawag nito sa dalawang pulis na nasa labas. Patuloy pa rin ito sa pagsigaw ngunit nakasisiguro siyang hindi iyon maririnig ng nasa labas. Pilit din itong nagpupumiglas ngunit hindi niya ito hinayaang makawala dahil alam niyang ito ang tanging magiging kakampi niya.

Borrow for Loveحيث تعيش القصص. اكتشف الآن