Kabanata 41

277 14 18
                                    

Nakahinga nang maluwag si Roxanne nang huminto ang sasakyan ni Greg sa inuupahan nitong bahay. Akala niya ay hindi ito uuwi sa bahay nito dahil ilang oras din siyang naghintay roon. Tila inugat na nga ang mga paa niya sa tagal ng pagkakatayo sa likod ng puno para magtago sa mga taong dumaraan.

Hindi alam ni Roxanne kung paano niya makukumbinsi si Greg na siya ang nobya nito dahil alam niyang kapag nakita siya nito ay mahihirapan siyang mapaniwala ito lalo pa at mataba at medyo maitim ang katawan niya. Maaring pagtawanan pa siya nito kapag sinabi niya ang totoo. Sa kabila niyon ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa dahil alam niyang si Greg na ang maaring makatulong sa kaniya.

Hindi na maasahan ni Roxanne ang kaniyang ina dahil nakakulong ito sa salang pagpapatakas sa kaniya. Buti na nga lang ay natakasan niya ang mga pulis na humabol sa kaniya dahil kung hindi, pareho sila ng kaniyang ina na nakaipit sa kulungan. Nangako siya na ilalabas niya ito sa kulungan kapag naayos na niya ang problemang kinahaharap niya.

"Greg," pagtawag ni Roxanne. Lakas-loob niya itong nilapitan kaya pa alam niyang maari siya nitong isuplong sa mga pulis kung alam nito ang krimeng ginawa ng babaeng nagmamay-ari ng katawan na gamit niya.

"Ako ba ang tinawag mo?" tanong ni Greg habang turo nito ang sarili.

Tumaas ang kilay ni Roxanne. "Bakit, may ibang tao pa ba rito bukod sa ating dalawa?"

"Ano bang kailangan mo?" kunot ang noong tanong ni Greg at tiningnan nito mula paa hanggang ulo si Roxanne habang nakangisi. Tila diring-diri ito sa nakikita.

"May nakausap kang babae kanina 'di ba?" panimula ni Roxanne dahil hindi niya gustong biglain si Greg.

Bahagyang napangisi si Greg at lumakad ito palapit sa pintuan ng inuupahan nitong bahay. "Marami akong nakausap na babae sa buong araw na 'to. Sino ba roon ang tinutukoy mo?"

Tumayo si Roxanne sa likuran ni Greg. Humugot siya ng malalim na hininga dahil nahihirapan siya kung paano niya sisimulang sabihin sa nobyo ang nangyari sa kaniya. "Iyong babaeng nagsabi sa iyo na siya si Roxanne ang tinutukoy ko."

Sandaling hindi nagsalita si Greg bago nito lingunin si Roxanne. "Bakit, kilala mo ba 'yon? Sabihin mo sa babaeng 'yon, galing-galingan niya ang panloloko dahil hindi niya ako mapapantayan pagdating sa panloloko."

Kahit nadala ng kuryosidad si Roxanne sa sinabi ni Greg ay isinawalang-bahala niya iyon dahil ang pakay niya ay sabihin na siya ang nobya nito. Habang tumatagal ay mas lumalaki ang tsansang hindi sila magtagumpay ni Greg sa kanilang plano at ang masama, maaring habambuhay na siyang makulong sa katawan na para sa kaniya ay kasumpa-sumpa. Hindi niya gustong mangyari iyon kaya kahit ano ay gagawin niya makabalik lang sa tunay niyang katawan.

"Bakit hindi ka makapagsalita? Ang sabi ko, kilala mo ba 'yon?" tanong ni Greg at sa tono ng pananalita nito ay tila pinipigilan lang nito ang inis

Hinawakan ni Roxanne ang kamay ni Greg at muli siyang humugot ng malalim na hininga. "Alam kong hindi ka maniniwala sa sasabihin ko, pero hindi ako nagsisinungaling."

Napakunot-noo si Greg at inalis nito ang pagkakahawak ni Roxanne. "Kung ano man ang gusto mong sabihin, sabihin mo na."

"Ako 'yong tumawag sa iyo, Greg. Ako si Roxanne." Nakangiting tinitigan ni Roxanne si Greg ngunit agad ding napawi ang ngiti sa labi niya matapos matawa ng kaniyang nobyo. Nakaramdam siya ng inis sa reaksyon nito na tila kulang na lang ay maglumpasay ito

Sa kabila niyon ay hindi masisisi ni Roxanne si Greg. Alam niyang kahit sino ay hindi agad maniniwala sa sinabi niya dahil maging siya ay hindi noon naniniwala sa sanib. Kapag may napapanood nga siyang dokumentaryo hinggil sa mga taong sinasaniban ay natatawa na lang siya.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon