Kabanata 3

457 28 23
                                    

"Saan kaya siya nakatira?" palaisipang tanong ni Mari Casa sa sarili habang mag-isang naglalakad sa kalyeng nagmistulang kulay kahel dahil sa mga ilaw. Napabuntong-hininga na lang siya at saka isinawsaw ang hilaw na mangga sa bagoong.

Halos simutin ni Mari Casa ang mangga at ang bagoong na nakalagay sa plastik. Siya lang ang tao sa nilalakaran niya kaya kung madungisan man ang mukha niya dahil sa kinain, ayos lang sa kaniya. Wala namang makakakita sa kaniya lalo pa at bahagyang natatakpan ang mukha niya ng kulay abong balabal.

Kusang napangiti si Mari Casa matapos isipin ang guwapong mukha ng lalaking nakabunggo sa tinda nila ng kaniyang ina. Nananabik ang puso niya na makita itong muli. Tila nga mahal na niya ito.

Muling nagpakawala si Mari Casa ng malalim na buntong-hininga matapos maisip na nagmamahal siya ng lalaking tila imposibleng makita niyang muli. Hindi nga niya alam kung ano ang pangalan nito at kung saan niya ito hahanapin. Naiinis na lang siya sa sarili kung bakit hinayaan niyang tumibok ang kaniyang puso sa lalaking imposibleng mahalin din siya lalo pa at batid niyang nakalimutan na marahil siya nito.

Napahinto si Mari Casa matapos makita ang isang lalaking nakaupo sa gilid ng kalye, katabi ng isang halaman. Ipinagtaka niya kung bakit naroon ito gayon ay pasado alas-otso na ng gabi. Sa kabila niyon ay hindi siya nakaramdam ng takot. Bago niya ito lapitan ay itinapon muna niya sa basurahan ang buto ng mangga at ang bagoong na nasa plastik.

"I-Ikaw?" Tila nais lumundag sa tuwa ni Mari Casa dahil hindi niya akalaing makikita niya ang lalaking hinahanap. Agad na napawi ang ngiti sa kaniyang labi matapos mapansing tila umiiyak ito dahil na rin sa pagpahid nito sa pisngi.

Tumayo ang lalaki at ilang sandali itong tumalikod bago humarap kay Mari Casa. "Alam ko naman na hindi mo ako makakalimutan."

"Sino ba naman ang makakalimot sa guwapong tulad mo." Nanlaki ang mga mata ni Mari Casa matapos mapagtanto ang mga katagang kusang lumabas sa kaniyang bibig. Kahit kailan talaga, pagdating sa kalandian ay hindi papaawat ang bibig niya sa kadaldalan.

"Hindi mo ako makakalimutan dahil ako ang nakabunggo sa paninda ninyo kaninang tanghali. Sorry nga pala ulit doon."

Malapad na ngumiti si Mari Casa at paraan niya iyon para mabighani ang lalaki sa ganda niya. "Wala 'yon, ano ka ba. Umiyak ka ba?"

"Ha? H-Hindi."

"Huwag ka nang mahiya. Normal lang naman sa tao ang umiyak. Ang sa akin lang, mas makahulugan kasi ang iyak ng lalaki kaysa sa babae. Kami kasing mga babae, masakit lang ang puson namin, iiyak kami kaagad, ganoon kami kahina. Sa totoo nga niyan, ngayon lang ako nakakita ng lalaking umiiyak." Bumuntong-hininga si Mari Casa at muli siyang ngumiti. "Mayroon pala, kaya lang pusong babae."

Tanging pagngiti lang ang naging tugon ng lalaki. Ilang sandali ay bumuntong-hininga rin ito at ibinaling sa kung saan ang tingin. Tila nais nitong iwasan ang tanong ni Mari Casa.

"Nag-break ba kayo ng girlfriend mo?" Ilang sandali ring naghintay si Mari Casa sa tugon ng lalaki ngunit wala siyang nakuha. "Okay lang 'yan, marami pa namang babae sa mundo. Ako nga, wala pa akong nagiging boyfriend."

Ipinagdiinan ni Mari Casa ang huli niyang sinabi para makuha niya ang atensyon ng lalaki. Nakasisiguro siyang magtataka ito dahil wala pa siyang nagiging nobyo sa kabila ng angking ganda. Pilit din siyang humihiling na tama ang kutob niya na nakipaghiwalay ang nobya nito at kung ganoon man, kahit papaano ay may pag-asa pa pala siya.

Ilang sandali pang tinitigan ni Mari Casa ang lalaki bago siya pumuwesto sa direksyon kung saan ito nakatingin. "Ako kasi, naghihintay lang ako na may manligaw sa akin."

Nanatiling tahimik ang lalaki at ang tingin nito ay nandoon pa rin. Tila hindi yata nito narinig ang sinabi ni Mari Casa at tila akala nito ay walang tao sa harapan nito.

"Abay, parang no effect dito ah. Baka gusto nitong maghubad ako sa harapan niya?" Kinuha ni Mari Casa ang atensyon ng lalaki sa pamamagitan ng pagkaway rito at saka siya ngumiti. "Ang sabi ko, wala pa akong boyfriend. Naghihintay lang ako na may manligaw sa akin."

Sa wakas ay ngumiting muli ang lalaki at tiningnan nito si Mari Casa. "Babae ka kaya delikado para sa iyo na maglakad nang mag-isa."

Kahit dismayado si Mari Casa sa sinabi ng lalaki ay pilit pa rin siyang ngumiti. "Kung may mangre-rape sa akin, sasabihin kong may HIV ako."

"May HIV ka?" gulat na tanong ng lalaki na tila malaki ang tsansang atakihin ito sa puso.

"Wala 'no, virgin pa nga ako." Ipinagdukdukan ni Mari Casa sa lalaki na anghel pa rin siya. "Kung sakaling may HIV ako, hindi pa rin dapat ako pandirihan. Puwede pa rin kaming maging normal tulad ng walang HIV."

"Hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin."

"Kung may mangre-rape kasi sa akin, magpapanggap lang ako na may HIV. Tingnan lang natin kung gawin pa niya ang binabalak. Huwag lang magdadala ng condom ang lokong 'yon."

Nakangiting nagpatango-tango ang lalaki. Isinuksok nito ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng suot nitong maong at saka malalim itong nagpakawala ng buntong-hininga.

Napapailing na lang si Mari Casa dahil tila bigo ang plano niyang makuha ang atensyon nito lalo pa at nabanggit na niyang wala siyang nobyo at anghel pa siya. Malaya naman nitong nakikita ang mukha niya dahil inalis niya sa kaniyang uluhan ang balabal para makita nang buo ang mukha niya. Tila gusto niyang isipin na bakla ito dahil hindi ito nabibighani sa ganda niya.

"Kung ayaw mong sabihin ang dahilan mo kung bakit ka nandito at kung bakit ka umiiyak, okay lang. Ako kasi, naglalakad-lakad ako kapag gusto kong dalawin ng antok. Ganito ang palagi kong ginagawa kapag hindi ako makatulog. May tao kasi akong iniisip kaya hindi ako makatulog at ika—" Napatakip si Mari Casa sa kaniyang bibig matapos madighay. Nanlaki ang mga mata niya matapos maamoy ang hininga niyang amoy bagoong. Napatingin siya sa lalaki.

Nakaramdam si Mari Casa ng hiya dahil maaring naamoy nito ang hininga niya. Ngayon ay may teorya na siya kung bakit hindi ito naakit sa ganda niya at iyon ay dahil amoy bagoong ang hininga niya. Naiinis siya dahil ang lakas ng loob niyang makipag-usap nang malapitan dito samantalang amoy bagoong ang hininga niya. Tila na-turn off yata ito sa kaniya.

"Bakit ganiyan ka makatingin? Huwag kang mag-alala, wala akong gagawing masama sa'yo."

Nanatiling nakatakip ang palad ni Mari Casa sa kaniyang bibig. "Ah... amoy b-bagoong ba 'yong h-hininga ko."

Ngumiti ang lalaki at tumango ito. "Okay lang naman, paborito ko nga 'yon."

"Okay lang naman pala eh." Inalis na ni Mari Casa ang palad sa kaniyang bibig at bahagya siyang lumayo rito. "Paborito ko rin 'yong bagoong. Bagoong is life ika ko nga. Araw-araw ka rin bang kumakain n'yon?"

Nawala ang ngiti sa labi ng lalaki. "Noon pero ngayon, mahigit dalawang taon na akong hindi nakakakain ng bagoong."

"Nagkaroon ka ba ng sakit dahil sa bagoong?" Nangamba tuloy si Mari Casa dahil tila maaring magkatotoo ang sinasabi ng kaniyang ina na maaring mauna pa siyang mamatay kaysa rito.

Umiling ang lalaki at muli nitong ibinaling sa iba ang tingin. "Ang ganda talaga sa lugar na 'to kapag gabi lalo na 'yong punong 'yon. Na-miss ko 'tong lugar na 'to."

Hinanap ni Mari Casa ang punong itinuro ng lalaki. Napangiti siya matapos makita ang puno. Gusto rin niya iyon lalo na kapag nalalagas ang tuyo nitong mga dahon dahil sa malakas na hangin. Tila nga nagmistulang kulay kahel ang mga dahon dahil sa ilaw.

Muling ibinaling ni Mari Casa ang tingin sa lalaki. "Gusto ko nga palang ibalik sa'yo 'yong perang binigay mo."

Ngumiti ang lalaki at hindi nito sinulyapan si Mari Casa. "Huwag na, kasalanan ko naman."

"Pero—"

"Mabuti nga, hindi ninyo ako kinasuhan dahil sa nagawa ko." Muling ngumiti ang lalaki at ibinalik nito ang tingin kay Mari Casa. "Arthur ang pangalan ko."

Ibinaling ni Mari Casa ang tingin sa kamay ni Arthur na nais hingiin ang kamay niya. "Mari Casa. Amoy bagoong ang kamay ko, sorry."

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon