Kabanata 13

315 19 25
                                    

Nilapitan ni Arthur si Nanay Marife na nakaupo sa harap ng lamesa habang humahagulhol ng iyak dahil sa pagkamatay ni Mari Casa. Hinaplos niya ang likod nito dahil alam niya kung gaano kahirap sa isang ina na mawalan ng kaisa-isang anak. Pakiwari nga niya tila isang balde na ang luhang lumabas sa mga mata nito.

"Hindi ako makapaniwala na mauunahan pa niya ako, Arthur." Nagpatuloy sa pag-iyak si Nanay Marife. "Hindi ko alam kung paano pa ako tatagal sa bahay na ito nang hindi ko na siya kasama. Kaming dalawa na lang ang magkasama tapos iiwan pa niya ako."

Tanging paghaplos lang ang nagawa ni Arthur sa likod ni Nanay Marife dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Maging siya ay hindi rin makapaniwala na maagang mawawala ang babaeng malapit na sa puso niya. Sayang lang at maagang natapos ang lahat ng pinagsamahan nila.

"Hindi ko alam kung paano na ako nito, Hijo," pahayag ni Nanay Marife habang pinapahid nito ang luhang patuloy na umaagos mula sa mga mata nito. Sa kabila niyon ay hindi ito tumahan sa pag-iyak.

Umupo si Arthur sa harapan ni Nanay Marife. "Malalagpasan din po ninyo ang pagsubok na 'to."

"Hindi ko alam, Hijo, kung makakayanan ko. Parang gusto ko na ring mamatay," humahagulhol na tugon ni Nanay Marife at itinuon nito ang tingin sa litrato ni Mari Casa na nakapatong sa ibabaw ng mesitang nasa tabi ng drawer.

"Huwag po ninyong sabihin 'yan." Ibinaling din ni Arthur ang tingin sa litrato ni Mari Casa. Nakangiti ito dahilan upang mapangiti siya ngunit namayani ang lungkot sa puso niya dahil sa litrato na lang niya ito makikita. "Siguradong magagalit sa inyo si Mari Casa."

"Salamat dahil nandito ka, Hijo." Sa wakas ay bahagyang tumahan sa pag-iyak si Nanay Marife.

"Gaya nga po ng sinabi ko, kahit kailan lang kami nagkakilala ni Mari Casa, itinuring ko na siyang matalik na kaibigan," tugon ni Arthur at ngumiti siya nang nakangiti siyang tingnan ni Nanay Marife. Tila may nais itong sabihin sa kaniya dahil nangungusap ang mga mata nito.

"Salamat dahil sinamahan mo ako hanggang dito sa bahay." Napawi ang ngiti sa labi ni Nanay Marife at bahagya itong yumuko.

Sa totoo lang ay hindi alam ni Arthur kung paano niya tutulungan si Nanay Marife na mapahilom ang sugat sa puso nito sa pagkamatay ni Mari Casa dahil maging siya ay nagtamo rin ng sugat. Hindi niya alam kung paano niya iyon papahilumin. Akala pa naman niya ay pang matagalan na ang kasiyahang mararamdaman niya ngunit nagkamali siya. Wala siyang alam na ang taong nagpasaya sa kaniya ay siya ring magiging dahilan para malungkot siya.

Nanghihinayang si Arthur dahil hindi man lang siya nakapagpaalam nang maayos kay Mari Casa bago siya umalis. Hindi niya alam na iyon na pala ang huling pagkikita nila at kung alam lang niya kung iyon na ang huli, sinabi na lang niya nang personal kay Mari Casa ang laman ng sulat. Sasabihin na sana niya nang personal kaya lang nang dumating siya sa ospital ay wala na itong buhay. Hindi man lang siya nito nahintay. Kung hindi pa siya nasabihan ni Fred hinggil sa aksidenteng napanood nito, hindi pa niya malalaman na naaksidente si Mari Casa.

"Arthur..."

Napaangat ng tingin si Arthur at sinulyapan niya si Nanay Marife na nakatayo na sa gilid niya. Hindi niya namalayan ang pagtayo nito dala na rin ng malalim na pag-iisip. Tinitigan niya ang sobreng puti na hawak nito. Muli siyang napatingin kay Nanay Marife matapos mapagtanto na galing iyon sa kaniya dahil na rin nabasa niya ang kaniyang pangalan sa bahaging ibaba ng sobre.

"Sayang lang dahil hindi nabasa ni Mari Casa ang sulat. Sabi kasi niya kanina, babasahin niya iyan pagbalik niya pero hindi na nangyari 'yon."

Tumayo si Arthur at kinuha ang sobre. Sandali niya iyong tinitigan bago muling ibalik ang tingin kay Nanay Marife. Hindi niya alam kung ano ang itutugon niya. Gusto niyang mainis sa kaniyang sarili dahil namatay si Mari Casa nang hindi man lang nito nalalaman ang nais niyang sabihin.

Borrow for LoveWhere stories live. Discover now