Kabanata 19

337 15 13
                                    

"Baliw ba 'yan? Sayang, ang ganda pa naman."

Ilan lamang iyon sa mga narinig ni Mari Casa habang nakatayo siya hindi kalayuan sa harap ng ospital. Hindi niya alam kung sino ang pinag-uusapan ng mga taong napapadaan sa harapan niya dahil ang isip niya ay nakatuon kung paano niya mahahanap kung nasaang silid si Arthur. May kalakihan ang Trinidad Hospital kaya tila hindi niya kayang isa-isahin ang mga silid. Hindi naman niya makita si Debot na alam niyang makapagtuturo sa kaniya kung nasaan si Arthur dahil alam niyang nasa loob ng ospital ang kaibigan.

Napangiti si Mari Casa matapos makita ang ina ni Arthur na pumasok sa loob ng ospital kaya dali-dali niya itong sinundan. Matapos niyang makapasok sa loob ay narinig niya ang pagpito ng guwardiya. Hindi niya iyon inintindi dahil kailangan niyang masundan ang ina ni Arthur. Nakasisiguro siyang malingat lang ang tingin niya rito ay hindi na niya ito masusundan dahil malayo na ito.

Habang tumatakbo ay pinagtataka ni Mari Casa ang pag-iwas ng mga tao sa daraanan niya na tila iniiwasan siya ng mga ito. Ibang-iba iyon kumpara noon na wala siyang pakialam kahit makasalubong pa niya ang mga tao dahil tatagos naman siya. Ang isa pa sa ipinagtataka niya ay kung bakit tila nakikita siya ng mga ito at tila nga pinag-uusapan pa siya. Hindi na niya iyon inalintana bagkus nagpatuloy siya sa pagtakbo. Sa bawat pagtakbo niya ay siya namang pagpito ng guwardiya na tila may hinahabol din ito.

Huminto si Mari Casa matapos huminto ng ina ni Arthur at umupo ito sa tabi ng isang babae. Nakita niya ang paglabas ng isang nurse sa silid kaya napatayo ang dalawa. Matapos ang maikling sandaling pag-uusap ng mga ito ay umalis din agad ang nurse at dumaan pa ito sa direksyon niya. Ipinagtaka niya ang pagtingin sa kaniya nito mula paa hanggang ulo ngunit hindi niya iyon inintindi. Lumakad siya palapit sa silid kung saan alam niyang naroon si Arthur.

"Oh my gosh!" Napatayo pa ang babaeng nasa tabi ng ina ni Arthur.

Hindi inintindi ni Mari Casa ang gulat na gulat na babaeng kasama ng ina ni Arthur kahit pa tila nakatingin ito sa kaniya. Nakasisiguro siya na ang pangalan nito ay Cecil lalo pa at nabanggit iyon ng babaeng nagturo sa kaniya kung nasaang ospital si Arthur. Nais na niyang makapasok sa loob kaya naman bumuwelo siya para mapakasok sa silid na nakasarado ang pinto. Patakbo siyang pumasok doon ngunit hindi niya inaasahan ang pag-untog ng mukha niya sa pinto dahilan para mapaupo siya. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng bukol sa noo.

"Aray, ang sakit ah," turan ni Mari Casa habang sapo niya ang noo dahil sa matinding sakit dulot ng pagkauntog niya sa pinto.

"Tingnan mo nga naman, hindi ko alam na nagdo-droga pala ang mabait kong manugang."

Inangat ni Mari Casa ang tingin upang tingnan ang ina ni Arthur. Nagulat siya matapos makita ang dalawa na nakatingin sa kaniya habang tumatawa. "Nakikita ninyo ako?"

Bahagyang tumawa si Cecil at napailing pa ito. "Mukhang high pa yata 'tong mabait mong manugang, Madam."

"Anong pumasok sa isip mo para iuntog ang sarili mo sa pinto? Ano, balak mo nang magpakamatay?" Tumaas ang kilay ng ina ni Arthur at bahagya itong napangisi. "O baka naman akala mo, may kapangyarihan kang tumagos?"

"Hindi nga, nakikita ninyo ako?" Tumayo si Mari Casa habang sapo ang noo. Ipinagtaka niya kung bakit nakatingin sa kaniya ang dalawa kaya naman ginulat niya ang mga ito. Lumaki ang mga mata niya matapos magulat ng dalawa. "Paanong nangyari 'yon? May third eye ba kayong dalawa?"

"Naku, Madam, ilabas mo 'yang manugang mo rito. Siguradong makukulong 'to at kapag nangyari 'yon, masisira ang apilyedo ninyo," nakataas ang kilay na turan ni Cecil at tiningnan nito mula paa hanggang ulo si Mari Casa.

"Naka-drugs ka ba? Tingnan mo nga 'yang suot mo. Ang lakas mong pumunta rito nang nakasuot nang ganiyan. Pinahihiya mo ba ang anak ko?"

"Anong mali sa suot ko? Maraming araw ko na nga 'tong suot. Kating-kati na nga ako kasi ilang araw na akong hindi naliligo." Lumapit si Mari Casa sa dalawa habang nakakunot ang kaniyang noo. "Hindi ba kayo natatakot sa akin?"

Borrow for LoveDonde viven las historias. Descúbrelo ahora