Kabanata 21

339 15 22
                                    

Napapalunok na lang si Mari Casa sa tuwing mapapansin niya si Arthur na nakatingin sa repleksyon niya mula sa rear-view mirror. Katabi siya ng driver habang ito naman ay nasa likuran niya katabi ang ina nitong si Mama Rose. Sa tuwing nagsasalubong ang tingin nilang dalawa ay ngingiti na lang siya kahit naiilang siya dahil pakiramdam niya, maaring hindi si Roxanne ang nakikita nito kundi siya. Nabanggit na niya rito kung bakit tinawag siya nito sa kaniyang pangalan at ayon dito, napagkamalan lang nitong siya ang asawa nito lalo pa at medyo malabo pa ang paningin nito nang araw na iyon.

"Siguro naman, Roxanne, hindi na magbabago ang isip mo na sa bahay muna kayo habang nagpapagaling pa si Arthur," pahayag ni Mama Rose habang nakataas ang kilay nito. "Pero kung ayaw mo sa bahay, puwede ka namang mag-stay nang mag-isa sa bahay ninyo."

"Ma, nakapag-usap na kami ni Roxanne patungkol doon." Bumuntong-hininga si Arthur at muli nitong ibinaling ang tingin kay Mari Casa nang nakangiti. "Saka wala naman akong iniinda maliban dito sa binti ko. Baka bukas nga raw, makalakad na ako nang maayos."

"Kung sa akin nga lang po, papayag akong kahit habambuhay na kaming nasa bahay ninyo, M-Mama Rose," tugon ni Mari Casa. Nakaramdam pa rin siya ng ilang dahil hindi siya sanay sa dapat niyang itawag sa ina ni Arthur. "Mas masaya kasi kapag sama-sama."

"Alam ko namang napipilitan ka lang na tawagin akong Mama, Rose na lang ang itawag mo." Mas gumuhit ang galit sa mukha ni Mama Rose. "Wala ka naman talagang respeto sa akin 'di ba?"

"Ma, huwag naman kayong magsimula ng away."

"Ako pa ngayon ang lumalabas na masama, Arthur?"

Ngumiti si Mari Casa kahit malakas ang kabog sa kaniyang dibdib dahil nakaramdam siya ng takot kay Mama Rose. Ilang sandali pa ay nilingon niya ito. "Aaminin ko po, naiilang talaga akong tawagin kang Mama Rose."

"Nakita mo na, Anak?"

"Naiilang po ako kasi parang mas maganda pong itawag sa inyo, Mommy Rose kasi mukha po talaga kayong donyang-donya." Muling ngumiti si Mari Casa kay Mama Rose. "Pero mas sweet po kung Mama Rose na lang po 'no?"

"Try mo, Manang Rose, Inday," sabat ni Debot. Nakaupo ito sa likuran ni Arthur at katabi nito si Cecil.

Naramdaman ni Mari Casa ang paghinto ng sasakyan. Umibis siya para pagbuksan ng pinto sina Arthur at Mama Rose dahil ayaw niyang hintayin pa ang driver na gumawa niyon lalo pa at kayang-kaya naman niya. Binuksan niya ang pinto ng sasakyan sa pamamagitan nang paghatak ngunit hindi niya iyon nabuksan. Halos masira na nga lang ang pinto kahahatak niya ngunit hindi pa rin niya iyon nabuksan.

"Naku, Ma'am Roxanne, de-slide po 'yan," turan ng driver.

Bahagyang lumayo si Mari Casa sa sasakyan at napayuko na lang siya dahil sa kahihiyan. Nakasisiguro siyang nakatingin sa kaniya sina Arthur at Mama Rose mula sa loob ng sasakyan habang pinanonod ang kahiya-hiyang ginawa niya.

"Sisirain mo ba 'yong pinto ng sasakyan?" Napangisi na lang si Mama Rose matapos nitong makababa ng sasakyan.

Inangat ni Mari Casa ang tingin para tingnan si Mama Rose. Upang hindi nito mahalatang napahiya siya ay ngumiti siya. "Marunong naman po akong gumawa ng pinto. Kapag nasisira nga 'yong pinto namin sa bahay, ako ang nag-aayos."

"Bida-bida ka kasi, Inday," pang-aasar ni Debot kay Mari Casa at bahagya pa itong tumawa. "Mukha ka talagang tanga habang hinahatak mo 'yong pinto."

Sinamaan ni Mari Casa ng tingin si Debot na nasa likuran ni Mama Rose. Nais man niya itong barahin ngunit pinili niyang magtimpi. Napilitan siyang mapangiti matapos mapagtantong nakatingin sa kaniya si Mama Rose at nangamba siya dahil maaring akalain nitong ito ang sinamaan niya ng tingin.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon