Kabanata 44

342 15 29
                                    

"Twenty million at kapag ibinigay na 'yon ni Arthur, papakawalan mo na ang babaeng 'yan?" nakataas ang kilay na tanong ni Roxanne matapos ibaba ni Greg ang tawag mula kay Arthur.

Inilapag ni Greg ang cellphone sa ibabaw ng mesa at humarap ito kay Roxanne. "Simula pa lang, pera na ang pakay natin 'di ba?"

Napasapo si Roxanne sa noo at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga dahil sa tindi ng inis na nararamdaman niya para kay Greg. "Oo nandoon na tayo pero kailangan ko ring makabalik sa katawan ko. Ayokong magpakasal tayo na ganito ang itsura ko."

"Mag-isip ka kung paano ka makababalik sa dati mong katawan," nakangising tugon ni Greg na tila wala itong planong tulungan si Roxanne.

"Ako lang ang mag-iisip, Greg? Hindi ba dapat tulungan mo ako? Kung hindi dahil sa akin, hindi tayo makakakuha ng pera kay Arthur."

"Kung hindi dahil sa iyo? Bakit, nangyari ba ang gusto nating mangyari? Dahil d'yan sa kapabayaan mo, nagkagulo-gulo na ang plano natin."

"Kapabayaan ko?" mataas ang tonong tanong ni Roxanne habang turo niya ang sarili. "Sa tingin mo, ginusto kong mapunta sa mataba at pangit na katawan na 'to?"

"Bahala ka sa buhay mo!" Napailing pa si Greg bago ito lumabas ng silid.

Napasapong muli si Roxanne sa noo dahil hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin para makabalik sa totoo niyang katawan. Pakiramdam niya ay walang plano si Greg na tulungan siya dahil tila ang nasa isip lang nito ay makuha ang pera mula kay Arthur. Natatakot siyang basta na lang siya nitong pabayaang manatili sa katawan na hindi sa kaniya kapag nakuha na nito ang gusto.

Masama ang tingin na sinulyapan ni Roxanne ang pekeng siya na kanina pang walang malay. Nakaupo ito habang nakalaylay ang ulo at nakatali ang mga kamay maging ang mga paa nito. Gusto niyang ibaling dito ang inis na nararamdaman niya para kay Greg na tila gusto niya itong paghahampasin ng kahoy ngunit hindi niya iyon puwedeng gawin dahil katawan pa rin niya iyon. Umaasa pa rin siyang makababalik siya sa kaniyang katawan.

Akmang lalapitan ni Roxanne ang pekeng siya nang marinig ang pagtunog ng cellphone ni Greg. Hindi man niya gustong sagutin ang tawag ngunit nadala siya ng kuryosidad kung sino ang may-ari ng hindi nakarehistrong numero. Sandali pa niyang itinuon ang tingin sa pintuan sa pangambang maaring pumasok muli si Greg sa kinaroroon nila bago sagutin ang tawag.

"Hello, Greg?" bungad ng babae sa kabilang linya.

Agad na kumunot ang noo ni Roxanne dahil sa pagtataka kung sino ang babaeng iyon. Batay sa tono nito, tila malanding babae ang nasa kabilang linya. Hindi siya nagsalita dahil nais niyang pakinggan muli ang tinig ng babae.

"Hello, Greg?" Bumuntong-hininga ang babae sa kabilang linya. "Nakakuha na ako ng passport paalis ng Pilipinas para kapag nakuha mo na 'yong pera, makaalis na tayo agad. Basta 'yong pangako mong magpapakasal tayo, tuparin mo ah?"

Agad na pinatay ni Roxanne ang tawag at inilapag niya ang cellphone sa ibabaw ng mesa nang marinig ang pagpasok sa silid. Alam niyang si Greg iyon. Kahit halos magalit siya sa kaniyang natuklasan ay pinilit muna niyang magtimpi.

"Bakit nakikialam ka ng gamit na hindi sa iyo!" Agad na kinuha ni Greg ang cellphone nito mula kay Roxanne at isinilid nito iyon sa bulsa. "Sa susunod, kapag hindi para sa iyo ang tawag, huwag mong sagutin!"

Halos magdugo ang labi ni Roxanne sa tindi ng pagkakakagat niya roon dahil sa labis na galit na nararamdaman niya para kay Greg. Hindi siya makapaniwalang magagawa siyang lokohin ng lalaking akala niya ay mas higit pa ang pagmamahal para sa kaniya kumpara sa pagmamahal ni Arthur. Ayaw man niyang masaksihan ni Greg ang pagbuhos ng luha mula sa mga mata niya ay wala na siyang nagawa para pigilin iyon.

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon