Kabanata 27

296 15 15
                                    

"Sayang, hindi ko naabutan si Mama." Napaupo na lang si Mari Casa sa harap ng kaniyang puntod at idinampi niya ang palad sa kaniyang lapida.

Nanghihinayang si Mari Casa dahil hindi sila nagkita ng kaniyang ina lalo pa at tila katitirik lang ng kandila sa kaniyang lapida. Alam niyang ito ang bumisita sa kaniyang puntod dahil tuwing Linggo lang ito hindi nagtitinda. Iyon na sana ang pagkakataon para mayakap niya ito ngunit tila hinadlangan sila ng tadhana. Mas lalo tuloy siyang nanabik na makita at mayakap ang kaniyang ina. Sa kabila niyon ay inisip na lang niya na maaring may dahilan kaya hindi sila nagtagpo.

"Mari Casa, bumalik ka na roon baka magpunta rito si Arthur. Magtataka talaga 'yon kung bakit nandito ka."

Hindi inintindi ni Mari Casa si Debot dahil nanghihinayang talaga siya sa pagkakataong nasayang. Gusto niyang samantalahin ang pagkakataon na madalaw ang sarili niyang puntod dahil alam niyang matatagalan muli bago siya makapunta roon. Buti na nga lang dinalaw nina Arthur at Mama Rose ang malapit na kaanak ng mga ito kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makapunta sa kaniyang puntod na may kalayuan sa puntod ng kaanak ng dalawa.

"Mari Casa, sabi ko bumalik ka na roon."

Tumayo si Mari Casa at humarap kay Debot. "Baka hindi naman magpunta si Arthur dito."

"Baka nakakalimutan mo, naging magkaibigan kayo kaya baka magpunta siya rito sa puntod mo."

Hindi nakapagsalita si Mari Casa dahil nasaksihan niya ang paglitaw ng liwanag mula sa kalangitan na hindi kalayuan mula sa kinatatayuan nila ni Debot. Napangiti siya matapos makita ang isang kaluluwang naglakad palapit sa liwanag tanda na handa na itong tumawid sa kabilang-buhay. Dahil hindi naman kalayuan ang kaluluwa mula sa kanila ni Debot ay nakita niya ang ngiti sa labi ng babae.

"Ganiyan ka rin sana, Mari Casa. Iyon bang masaya kang tatawid sa kabilang-buhay."

Napatingin si Mari Casa kay Debot na ang tingin ay nakatuon sa direksyon kung saan naroon ang liwanag. "Puwede kaya akong sumabay sa kaniya, Debot?"

Napangiwi si Debot at ibinaling nito ang tingin kay Mari Casa. "Hindi puwede dahil siya lang ang sinundo. Bakit, gusto mo na bang tumawid sa kabilang-buhay?"

"Wala akong sinabing ganoon. Tinanong ko lang naman." Muling ibinaling ni Mari Casa ang tingin sa direksyon kung saan naroon ang liwanag ngunit wala na ito pahiwatig na nakatawid na ang kaluluwa sa kabilang-buhay. "Masuwerte siya dahil sa langit siya napunta."

"Naging mabuti kasi siyang tao."

Muling napatingin si Mari Casa kay Debot. "Bakit si Troy, tinanggap sa langit? Hindi ba noong nabubuhay siya, naging makasalanan siya?"

"Nawala pala sa isip ko na ikuwento kung bakit kahit naging makasalanan siya, tinanggap pa rin siya sa langit." Bumuntong-hininga si Debot at umupo ito sa damuhan. "Marami siyang nagawang kasalanan noon pero bago siya namatay, pinili niyang magbago at aminin sa Diyos ang kasalanan niya. Hiningi rin niya ng tawad ang mga kasalanan niya."

Ngumiti si Mari Casa at umupo siya sa tabi ni Debot. "Mapagpatawad talaga ang Diyos."

"Kahit gaano pa kalaki ang kasalanan ng tao, handa ka niyang patawarin kung tuluyan mo nang tatalikuran ang mga kasalanang nagawa mo. Mahal niya tayong mga anak niya kaya nga palagi siyang kumakatok sa puso natin at naghihintay lang siyang papasukin siya sa bawat puso ng mga anak niya," pahayag ni Debot at nagpahid ito ng luha sa magkabila nitong pisngi. "Nagpapasalamat nga ako sa kaniya dahil kahit bakla ako, tinanggap pa rin niya ako dahil wala namang masama sa pagiging bakla o tomboy hangga't hindi mo inaapakan ang pagkatao ng iba. 'Yong mga tunay na babae at lalaking umaapak sa mga katulad namin, sila ang makasalanan. Kahit sino ka pa, wala kang karapatang husgahan at apakan ang kapwa mo."

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon