Kabanata 37

261 14 23
                                    

Hindi malaman ni Mari Casa kung matutuwa o maiiyak siya nang makapasok sa loob ng kaniyang silid. Isinara niya ang pinto at lumapit siya sa kaniyang higaan na gawa sa kahoy na nilagyan ng foam. Umupo siya roon at tulad ng madalas niyang gawin, ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana na malapit lang sa kaniyang higaan.

Pakiramdam ni Mari Casa ay wala siya sa katawan ng ibang tao dahil tila buhay na buhay siya. Bigla tuloy siyang nalungkot matapos muling maalalang patay na siya at nanghihiram na lang siya ng katawan. Hindi niya namamalayang malapit na pala niyang makalimutang nasa loob siya ng katawan ni Roxanne dahil na rin sa ilang araw niyang pananaliti roon.

Humiga si Mari Casa at napangiti siya matapos maamoy na mabango ang sapin at ang una. Pakiwari niya ay nilalabhan pa rin iyon ng kaniyang ina kahit wala nang natutulog sa silid niya lalo pa at may sarili itong silid na hindi naman kalakihan tulad ng sa kaniya. Maaring iniisip ng kaniyang ina na kasama pa siya nito at hindi pa rin nito iniisip na patay na siya.

Tumayo si Mari Casa para lapitan ang aparador cabinet na nasa gilid ng pintuan. Hindi muna niya pinagkaabalahang tingnan ang repleksyon sa salamin dahil nais niyang tingnan ang kaniyang mga damit nasa loob ng cabinet. Matapos mabuksan ay napangiti siya dahil nandoon pa ang mga damit niya.

Kinuha ni Mari Casa ang long dress na kulay itim na may nakaimprintang kulay puting mga bulaklak. Binili niya iyon sa pag-aakalang mapapansin siya ng lalaking una niyang minahal ngunit hindi iyon nangyari lalo pa at nabalitaan niyang may nobya na pala ito. Gusto pa nga niyang itapon ang damit na iyon ngunit nanghinayang siya dahil gumastos siya ng malaking halaga para sa damit na iyon.

"Wala namang masama kung susuotin ko 'to." Sandaling napangiti si Mari Casa bago hubarin ang suot na damit.

Dahil hanggang ibaba ng tuhod ang dress, hindi na hinubad ni Mari Casa ang jeans na suot niya na hanggang tuhod din ang haba. Matapos maisuot ay tiningnan niya ang repleksyon sa salamin. Napangiti siya at kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha sa magkabila niyang pisngi dahil ang kaniyang mukha talaga ang nakikita niya at hindi si Roxanne.

Agad na pinahid ni Mari Casa ang luha niya matapos bumukas ang pinto ng silid. Iniluwa niyon ang kaniyang ina na nakangiti habang nakatingin sa kaniya. Tanging pagngiti na lang ang nagawa niya habang patuloy pa rin niyang pinupunasan ang luhang patuloy na umaagos sa magkabila niyang pisngi.

"Bagay na bagay sa iyo." Lumapit si Nanay Marife at tumayo ito sa harapan ni Mari Casa. "Isang beses lang sinuot ni Mari Casa ang damit na 'yan."

"Pasensya na po kung sinuot ko. Huhubarin ko na po." Akmang tatalikod na si Mari Casa nang hawakan siya sa kamay ng kaniyang ina. Wala siyang nagawa kundi titigan lang ito sa mga mata.

"Kung gusto mo 'yan, ibibigay ko na lang sa iyo." Ngumiti si Nanay Marife. "Kaya lang, alam mong patay na ang may-ari ng damit na iyan."

Napangiti si Mari Casa dahil masaya siyang makitang nakangiti ang kaniyang ina at pinunasan niya ang luhang umagos sa pisngi nito. "Wala pong kaso 'yon sa akin. Sa ukay-ukay nga po, bumibili ako ng damit kahit hindi ko alam kung sino ang may-ari ng mga damit na 'yon. Malay ko bang kriminal o patay na rin pala ang may-ari ng mga iyon kaya okay na okay po sa akin."

"Alam mo, sa totoo lang, pakiramdam ko ikaw ang anak ko." Bumuntong-hininga si Nanay Marife at muli itong ngumiti. "Siguro dahil masyado ko lang nami-miss ang anak ko."

Niyakap ni Mari Casa ang kaniyang upang hindi nito masaksihan ang muling pagbuhos ng luha sa mga mata niya. "Huwag na po ninyong alalahanin ang anak ninyong si Mari Casa. Maayos na po ang kalagayan niya kung nasaan man siya. Malay natin, nasa tabi mo lang po siya."

"Sana nga." Matapos kumalas ni Nanay Marife mula sa mga bisig ni Mari Casa ay muli itong ngumiti kahit na patuloy pa ring may umaagos na luha mula sa mga mata nito. "Tara na. Kumain na tayo para bago kayo umuwi ni Arthur, nakakain na kayo ng pananghalian."

Borrow for LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon